INILUNSAD ng Land Transportation Office (LTO), sa pamumuno nina Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon at LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, ang sistemang tuluyang nagwakas sa 60-taong pahirap sa mga Pilipinong may-ari ng sasakyan na matagal na naghihintay para sa kanilang rehistro at plaka.
Tinawag na Plate Registration Management Information System (PRMIS), ang online platform na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na i-digitalize ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan, at layuning maisakatuparan ang proseso ng pagrerehistro at paglalabas ng plaka sa loob lamang ng tatlong araw.
Habang abala ang LTO sa mga nagdaang buwan sa pagtapos ng milyong backlog ng plaka, tahimik din nitong sinubukan ang pinakamabilis na proseso kung saan parehong OR/CR at plaka ay maaaring maibigay sa loob ng pinakamaikling panahon.
At ilang araw lang matapos maresolba ang backlog, handa nang ipakilala ng LTO at DOTr sa milyun-milyong motorista ang PRMIS, ang solusyong magwawakas sa matagal nang kultura ng paghihintay sa rehistro at plaka.
Noong Mayo 6 ngayong taon, inilunsad ng LTO ang pilot implementation ng PRMIS sa Metro Manila, Region III, at Region IV-A.
At nitong Hulyo 15, isinagawa na ito sa buong bansa. Bawat dealership, bawat opisina ng LTO, bawat bagong sasakyan saklaw na ng bagong patakaran: Walang sasakyang lalabas sa dealership kung walang opisyal na rehistro at nakakabit na plaka. Hindi ito pansamantalang proyekto, ito na ang bagong patakaran.
Ayon kay Asec Mendoza, nakipag-ugnayan na ang LTO sa mga dealership sa buong bansa upang ipatupad ang isang pinasimpleng proseso kung saan ang pagrerehistro ay isinasagawa online, at ang plaka ay nailalabas sa loob lamang ng ilang minuto hanggang isang oras.
Sa likod ng tagumpay na ito ay hindi isang malaking anunsyo o magarbong teknolohiya kundi matibay na political will at kagustuhang maghatid ng resulta. “Sa loob ng maraming taon, sinasabi ng ilan na sobrang laki, komplikado, at sistematiko ang problemang ito. Ngunit napatunayan naming mali sila. Ganito ang Bagong Pilipinas: walang drama, serbisyo lang.”
Tinanggap na rin ng mga dealership ang bagong polisiya, batid nilang ito na ang bagong pamantayan. Ang mga motorista na sanay sa matagal at nakakainis na proseso, ay ngayo’y nararanasan na ang serbisyong noon pa sana naging pamantayan, isang gobyernong kumikilos sa oras na kailangan mo ito.
Simula ngayon, aktibo na ang sistema. Malinaw na ang mga patakaran. At may matibay na mensahe. Kung walang rehistro at plaka, walang ilalabas na sasakyan mula sa dealership.
(PAUL JOHN REYES)




