• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for July 23rd, 2025

Kevin Quiambao lumahok na sa ensayo ng Gilas Pilipinas

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKABALIK na sa Pilpinas si Kevin Quiambao matapos ang paglahok niya sa summer league ng NBA.

Nitong Lunes ng gabi ay agad itong sumama sa lingguhang ensayo ng Gilas Pilipinas para sa paghahanda nila sa FIBA Asia Cup 2025.

Sinabi ni Gilas head coach Tim Cone na isang malaking tulong sa kanila ang presensya ni Quiambao sa ensayo ng koponan.

Suportado rin ng koponan ang ginawang paglahok ni Quiambao sa NBA.

Kasama sa ensayo nito ng Lunes ng gabi sina Justin Brownlee, Dwight Ramos, Carl Tamayo, AJ Edu, Scottie Thompson, Japeth Aguilar, Troy Rosario, RJ Abarrientos, Jamie Malonzo at Chris Newsome.

Magugunitang sasabak ang Gilas Pilipinas sa FIBA Asia Cup na gaganapin sa Saudi Arabia sa buwan ng Agosto.

Venus Williams, magbabalik-tennis sa Citi Open matapos ang 16-buwan na pahinga

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS ang 16-buwang pahinga at problema sa kalusugan, handa na muling tumapak sa court si Venus Williams, 45, sa kanyang pagbabalik sa Citi Open ngayong Hulyo 22.

Tatanggap siya ng wild card entry sa WTA 500 tournament at makakalaban ang kapwa Amerikanang si Peyton Stearns sa kanyang unang laban.

Ito ang unang WTA appearance ni Williams mula sa 2024 Miami Open, matapos siyang sumailalim sa operasyon para sa fibroids. Bagamat hindi na siya regular sa tour, masigasig siyang nag-ensayo sa hard courts —ang paborito niyang surface.

“I don’t want to put too much pressure on myself. Success, for me, is about believing in myself and sticking to my process after a long break,” ani Williams.

Ang kanyang huling panalo ay noong Agosto 2023 sa Cincinnati Open kontra kay Veronika Kudermetova ng Russia. Mula 2019, 37 na lang ang kanyang nalarong matches, at pito lang ang kanyang naiuwing panalo.

Bagama’t bihira na siyang makita sa full season, nananatiling isa sa pinakamatatag at respetadong pangalan sa tennis, at ang kanyang pagbabalik ngayong linggo ay mahalagang sandali para sa buong tennis community.

1 sa 2 sakay ng inanod na sasakyan sa Caloocan, nakita na

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NATAGPUAN na ng mga awtoridad ang isa sa dalawang sakay ng isang multi-purpose vehicle (MPV) na iniulat na tinangay ng malakas na agos ng baha sa kasagsagan ng pananalasa ng Habagat sa Caloocan City, Lunes ng gabi.

Martes ng hapon nang makita sa bahagi na ng ilog sa may Barangay 176, Bagong Silang ang bangkay ng 60-anyos na lalaki na isa sa dalawang sakay ng itim na Mitsubishi Xpander na tinangay ng malakas na agos ng tubig baha patungo sa kanal sa Dona Aurora sa Brgy. 177, Camarin sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.

Napag-alaman na mataas at malakas na ang ragasa ng tubig-baha sa lansangan nang tangkain pa rin umanong tahakin ng driver ng MPV hanggang sa lumutang at tinangay na ng agos patungo sa kanal sa Dona Aurora.

Ilang mga residente ang nagtangka pang iligtas ang dalawang sakay ng MPV subalit nabigo na rin sila nang tuluyang tangayin ito ng malakas na agos.

Makaraang ang mahigit isang oras, nakuha ng Rescue Team ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ang sasakyan sa ilalim na ng Durian Bridge na ayon sa alkalde ay may kalayuan na mula sa pinaghulugang kanal sa Dona Aurora.

Sinabi naman ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na hindi sila titigil, kasama ang iba pang ahensiya ng pambansang pamahalaan sa paghahanap sa kasama ng natagpuang biktima habang nakikipag-ugnayan na rin sila sa kaanak ng mga ito.

(Richard Mesa)

Pasahero, naharang sa NAIA dahil sa pekeng clearance 

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAHARANG  sa NAIA Terminal  ang isang 47-anyos na babae matapos tangkaing bumiyahe sa ibang bansa gamit ang pekeng Overseas Employment Certificate (OEC).

Lumabas sa beripikasyon na hindi nakapangalan sa pasahero ang OEC at hindi rin siya nasa listahan ng BI-DMW system.

Sa pagtatanong, inamin ng babae na nagbayad siya ng P2,010 sa isang fixer para sa “OEC assistance.”

Ipinaubaya na sa Inter-Agency Council Against Trafficking ang kaso para sa imbestigasyon.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Viado na hindi na makakalusot ang mga pekeng dokumento dahil madali na itong ma-detect.

Binalaan din ang publiko sa paggamit ng pekeng dokuemnto at sa pagkuha ng serbisyo mula sa mga fixer.

“Shortcuts do not work anymore. Our systems are now linked with the DMW, and fake documents can easily be detected. Anyone who attempts to bypass legal procedures not only risks being stopped, but may also face legal consequences,” ani Viado.

Hinikayat din niya ang mga nais magtrabaho abroad na dumaan lamang sa Department of Migrant Workers o DMW. (Gene Adsuara)

821 pamilya, inilikas sa Maynila ng Manila Department of Social Welfare (MDSW)

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NILIKAS ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) ang may 821 na pamilya dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan at pagtaas ng rin ng tubig baha sa lungsod dala ng masamang panahon.

Sa pahayag ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente, karamihan sa mga inilikas na pamilya ay inabot na ng tubig baha ang loob ng kanilang bahay .

Nasa 2,823 na indibidwal ang nananatili sa mga evacuation centers tulad ng sports complex, barangay hall, pampublikong paaralam, multi-purpose hall, covered court at sports complex.

Karamihan sa mga inilikas ay mga nakatira sa gilid ng estero at ilog Pasig, malapit sa baybayin ng Manila bay at mga lugar na binabaha tuwing malakas ang buhos ang ulan.

Patuloy naman ang monitoring at pag-iikot ng mga tauhan ng MDSW upang malaman ang sitwasyon ng mga residente at agad na matulungan kung kinakailangan

Namahagi na rin ng mga pagkain, inumin at iba pang pangangailangan ang Maynila LGU para sa mga residente nila na nananatili sa evacuation centers. (Gene Adsuara)

Libong pamilya, inilikas… CAMANAVA LGUs, naglunsad ng rescue at disaster response operations  

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGLUNSAD ang Local Government Unit (LGUs) ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ng disaster response at rescue operations sa iba’t ibang barangay na kanilang nasasakupan na lubos na naapektuhan ng baha dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng ‘Habagat’.

          Sa Caloocan, hindi alinta ng mga tauhan ng CDRRMO ang malakas na agos ng tubig sa Aquarius St., Gremville, Brgy. 165, para ma-rescue ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong, kabilang ang inanod na sasakyan sa Doña Aurora, Brgy. 177.

          Bumisita naman para maghatid ng tulong na mga pagkain si Mayor Along Malapitan sa may 930 mga pamilyang dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod.

          Sa Malabon, nagdeploy ng 121 trained personnel ang MDRRMO, katuwang ang Bureau of Fire Protection–Malabon, Philippine Coast Guard, at barangay officials para maglunsad ng rescue operations at pre-emptive at forced evacuations sa iba’t ibang barangay na may mataas na tubig baha, patikular sa Barangays Tinajeros at Potrero.

          Personal ding binisita ni Mayor Jeannie Sandoval para kamustahin at magbigay ng food packs sa may 685 na mga pamilya na dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod habang 24/7 namang nakasubaybay ang Malabon Command and Communication Center dahil nasa ilalim pa rin ng ‘Red Alert’ status ang lungsod at nagpapatuloy pa rin ang ‘Libreng Sakay’ na aagapay sa mga stranded na communters.

          Hinimok rin niya ang mga residente na makipagtulungan sa panahon ng paglikas para sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya.

          “Manatili po tayong nakahanda, at kalmado. Handa po ang ating mga kagamitan at ang mga personnel upang umalalay sa panahong kagaya nito. Ngunit kakailanganin po natin ang inyong kooperasyon lalo na kung mayroong baha sa inyong lugar,” pahayag ni Mayor Jeannie.

          Ayon naman sa Navotas Public Information Office, as of 2pm, July 22, 2025, may 181 mga pamilya ang namamalagi sa iba’t ibang evacuation centers sa Navotas City kung saan personal silang binisita ni Mayor John Rey Tiangco para kamustahin at bigyan ng mga pagkain.

          Inihayag din ni Mayor Tiangco na tuloy-tuloy ang Libreng Sakay ng Pamahalaang Lungsod, katuwang ang AFP NCR Command para matulungan ang apektadong commuters.

          Samantala, as of 2pm ng July 22, 2025, may 2,559 mga pamilya ang nanatili sa iba’t ibang evacuation centers sa Valenzuela City kung saan personal silang binisita ni Mayor Wes Gatchalian para bigyan ng mainit na pagkain, disaster kits, relief goods, at health assistance.

Ayon sa alkalde, tuloy-tuloy rin ang Libreng Sakay ng pamahalaang lungsod para matulungan ang stranded na cmmuters habang tiniyak naman ng City Veterinary Services Office na ang mga alagang hayop ay ligtas na naalagaan at nabigyan ng sapat na pagkain at sa iba’t ibang mga evacuation area sa lungsod.

Alinsunod naman sa Memorandum Circular Blg. 90 ng Office of the President, suspendido pa rin ang lahat ng in-person classes sa Miyerkles, July 23, 2025 sa Metro Manila, kabilang ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.

Maging ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno ay suspendido rin, maliban sa emergency at disaster response offices. (Richard Mesa)

6 nasawi dahil sa Crising, Habagat —NDRRMC

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ANIM na katao ang napaulat na nasawi dahil sa Tropical Cyclone Crising, Southwest Monsoon o Habagat, at low pressure area (LPA).

Sa naging pag-uulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), sinabi nito na,

‘as of 6 a.m., araw ng Martes, may tatlong napaulat na nasawi sa Northern Mindanao at isa Mimaropa, isa sa Davao Region, at isa sa Caraga.

Dalawa lamang mula sa anim na napaulat na nasawi ang kumpirmado sa ngayon, ayon sa NDRRMC.

Sa Barangay Poblacion sa Mambajao, Camiguin, ang biktima ay tinamaan ng bumagsak na puno noong Hulyo 19. Dinala siya sa ospital subalit idineklarang nasawi dahil sa trauma secondary sa external injury.

Sa Barangay Matin-ao sa Mainit, Surigao del Norte, isa pang biktima ang nakasakay sa motorsiklo mula sa bahay ng kanyang kaibigan nang may isang puno ang bumagsak at tumama sa kanya.

Sinabi ng NDRRMC na may limang katao ang napaulat na nasugatan at anim naman ang nawawala sa gitna ng masungit na panahon.

May kabuuang 1,266,322 katao o 362,465 pamilya ang apektado ng Crising, Habagat, at LPA sa lahat ng rehiyon sa bansa maliban sa Eastern Visayas.

Ang pagbaha, landslides, pagbagsak o pagguho ng mga istraktura at mga buhawi ay naiulat sa ilang apektadong lugar.

Sa mga apektadong populasyon, may 17,116 katao o 4,991 pamilya ang nananatili sa evacuation centers habang 65,219 katao o 14,524 pamilya ang nanunuluyan sa ibang lugar.

May kabuuang 1,501 bahay ang napinsala. May 348 ang totally damaged habang 1,153 naman ang partially damaged.

Ang pinsala naman sa imprastraktura ay nagkakahalaga ng P413,020,214 at sa agrikultura ay nagkakahalaga ng P54,067,336 ang iniulat, ayon sa NDRRMC.

Idineklara naman ang State of Calamity sa Umingan, Pangasinan, Bulacan, Cavite at Quezon City.

“Assistance worth P61,310,374 has been provided to the victims so far,” ayon sa NDRRMC.

Samantala, may 2 pang LPA  ang binabantayan; Habagat mananalasa hanggang Huwebes.

Makakaranas ng walang puknat na ulan ang Metro Manila at ­ilang lalawigan na may 100 hanggang 200 mm ng tubig-ulan hanggang sa Huwebes, Hulyo 24, dulot ng Habagat.

Nag-abiso rin ang PAGASA sa mga residente at local government units na paghandaan ang malalakas na pag-ulan mula Hulyo 21-24 na ang dami ng rainfall ay mas mataas partikular sa Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, bahagi ng Ilocos Region. (Daris Jose)

Tulak, huli sa akto sa pagbenta ng shabu sa pulis sa Valenzuelav

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BAGSAK sa kulungan ang isang construction worker na sangkot umano sa pagbebenta ng illegal na droga matapos makipagtransaksyon sa isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.

          Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas ang naarestong suspek na si alyas “Jun”, 48, ng Brgy. Ugong.

          Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni P/Capt. Joan Dorado, hepe ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) hinggil sa umano’y pagbebenta ng suspek ng shabu kaya ikinasa ng SDEU ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.

          Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga tauhan ni Capt. Dorado, sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil makaraang bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-11:55 ng gabi sa Lamesa St., Brgy. Ugong.

          Nakumpiska sa suspek ang nasa 15 grams ng suspected shabu na may estimated street value na P102,000, buy bust money, recovered money at coin purse.

          Ayon kay P/MSgt. Ana Liza Antonio, kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang kanilang isinampa laban sa suspek sa pamamagitan ng inquest proceedings sa Valenzuela City Prosecutor’s Office.

          Pinuri naman ni Gen. Protacio ang operating team sa kanilang mabilis at decisive action na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang drug personality. “This operation is a testament to our unrelenting campaign against illegal drugs and our commitment to a drug-free community,” aniya. (Richard Mesa)

Retiradong sundalo, kalaboso sa pamamaril sa Caloocan  

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang 59-anyos na retiradong sundalo matapos pagtripan at pagbabarilin ang tatlong binata, kabilang ang dalawang estudyante sa Caloocan City.

          Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Juanito”, 59, retired Marines, at residente ng Brgy. 8.

          Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng gabi, kumakain sa Sinilyasi Street, Brgy., 8, ang mga biktimang sina alyas “DJ”, 20, out-of-school youth, alyas “Zenri”, 20, estudyante at alyas “Mark”, 19, estudyante, pawang residente ng nasabing barangay, nang dumaan ang suspek at kanyang kasama.

          Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek at nilapitan ang mga biktima saka nagtanong “Adik ba kayo?” bago naglabas ng baril at ilang beses na nagpaputok patungo sa direksyon ng tatlong binata.

          Dahil sa takot, nagtakbuhan sa magkakaibang direskyon ang mga biktima saka nagtago para sa kanilang kaligtasan habang tumakas naman ang suspek patungo sa kanilang bahay.

          Humingi naman ng tulong ang mga biktima sa pulisya at sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Capt. Zoilo Lopez, katuwang ang SWAT team sa pamumuno ni P/Capt. Mark Son Almeranes ay matagumpay na naaresto ang suspek.

          Nakumpiska sa suspek ang ginamit na isang ARMSCOR caliber .45 pistol na may isang magazine na kargado ng isang bala at isang basyo ng bala saka siya dinala sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kaukulang kaso. (Richard Mesa)

Kinokondena ng LCSP ang Paninindak ng TODA Laban sa Motorcycle Ride-Hailing Riders

Posted on: July 23rd, 2025 by @peoplesbalita No Comments

SA ISANG viral na video na kumakalat ngayon sa social media, makikita ang isang insidente ng alitan sa pagitan ng isang motorcycle rider na gumagamit ng ride-hailing app at ilang mga tricycle driver, umano’y naganap sa isang TODA (Tricycle Operators and Drivers’ Association) terminal o pick-up point. Ayon sa video, pilit na pinipigilan ng mgatricycle driver ang motorcycle rider sa paglapit sa pasahero nito kahit na may confirmed booking ito mula sa naturang ride-hailing platform. Ang paninindigan ng mga tricycle driver ay tila nakikita nilang pang-aagaw ng teritoryo ang pagpasok ng motorcycle rider sa lugar na kanilang ino-operate. Ang video ay mapapanood dito: https://www.facebook.com/reel/715964551163836

Ipinapaalala ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) na hindi ito ang unang pagkakataon namay ganitong insidente. Marami nang naitalang kahalintulad na insidente kung saan hinaharang o sinisitang mga miyembro ng TODA ang mga motorcycle riders, sa pag-aakalang inaagawan sila ng ruta. Sa katunayan, sa isang pagdinig ng Senate Committee on Public Services na dinaluhan ng LCSP ngayong taon, tinalakay ang parehong isyu na kasalukuyan nang pinag-aaralan ng isang technical working group.

Ang posisyon ng LCSP sa isyung ito ay malinaw:

Kinokondena namin ang sapilitang ginawa ng mgatricycle driver laban sa motorcycle rider. Hangga’t may kumpirmadong booking ang isang lehitimong accredited na motorcycle rider sa pamamagitan ng isang ride-hailing app, dapat siyang pahintulutang magtungo sa kinaroroonan ng pasahero — kahit pa saklaw ng ruta ng isang TODA ang lugar na iyon.

Ang prinsipyong ito ay nakabatay sa karapatan ng bawat pasahero na pumili ng uri ng pampublikong transportasyon na nais niyang gamitin. Sa mga nag-viral na video ng kaparehong insidente, sinasabi ng mga tricycle driver na ang pagpapapasok sa mga ride-hailing motorcycle riders sa mga subdivision o residential area ay banta raw sa kanilang kabuhayan. Kaya ang nais nila, ang pasahero ay sumakay muna ng tricycle papuntang TODA terminal bago mag-book ng ibang transportasyon. Ngunit ang mungkahing ito ay hindi makatwiran at salungat sa batas.

Uulitin namin: ang karapatan sa pagpili ng sasakyan  ay nasa pasahero. At lalo itong mahalaga kapag malayo ang destinasyon o kung may kailangan silang agarang puntahan. Mariing tinuturing na mas praktikal para sa ibang commuter na mag-book ng motorcycle ride-hailing service na may point-to-point pick-up at drop-off, kaysa sumakay muna ng tricycle, bumaba sa terminal, at doon pa lamang mag-book ng panibagong sasakyan.

Mahalagang linawin: ang mga insidenteng tinutukoy natin ay may kinalaman sa mga riders na may confirmed bookings mula sa legitimate ride-hailing platforms. Sa ganitong mga kaso, walang legal na kapangyarihan o sapat na batayan ang mga tricycle driver upang hadlangan sila. Iba ang usapan kung ang rider ay sangkot sa “habal-habal” o ‘colorum’ na operasyon—kung saan pumapara lang ng pasahero nang walang booking at nanginginain ng pasahero sa TODA areas. Ngunit kung lehitimo ang booking sa platform, dapat hayaan siyang gawin ang serbisyo.

Ang ginawa ng mga tricycle driver sa video ay maaaring umabot sa grave coercion under the Revised Penal Code, na nagpaparusa sa sinumang pumipigil sa isang tao na gawin ang isang bagay na hindi ipinagbabawalng batas gamit ang dahas o pananakot. Sa kasong ito, pinipigilan nila ang motorcycle rider na sunduin ang kanyang pasahero—isang legal na aktibidad—sa pamamagitan ng pananakot. Katulad din nito, ang pamimilit sa pasahero na huwag mag-book sa ride-hailing apps ay maaaring ituring na grave coercion, dahil pinipilit nila ang pasahero na gumawa ng bagay na labag sa kanyang kalooban.

Bukod pa rito, magkaiba ang saklaw at kalikasan ng operasyon ng mga tricycle at ng mga motorcycle riders mula sa ride-hailing apps:

Ang mga tricycle ay kumukuha ng kanilang awtoridadmula sa mga Local Government Unit (LGU) at karaniwang limitado lamang sa mga itinakdang ruta gaya ng mga kalsada sa loob ng subdivision o barangay. Samantala, ang mga motorcycle rider na kumikilos sa ilalim ng mga ride-hailing platform ay maaaring bumiyahe sa mas malawak na mga ruta at tumawid sa iba’t ibang hurisdiksyon, kaya maaring sila ay tinuturing na mas flexible at praktikal silang opsyon para sa mga malalayong biyahe o point-to-point na lakad.

Sa huli, nais ng LCSP na idiin na ang pinaka-pangunahing dapat isaalang-alang sa ganitong mga sitwasyon ay ang kalayaan ng pasahero na pumili. Kung mas nais ng pasahero na sumakay ng tricycle, dapat igalangito. Ngunit kung pinili nilang mag-book ng motorcycle rider sa pamamagitan ng ride-hailing platform at ito ay may confirmed booking, dapat din itong igalang at hindi hinaharang ng mga tricycle driver o TODA. Ang pagbabawal sa isang legal na aktibidad ay hindi lamang labag sa karapatan ng pasahero—maaaring magbunga rin ito ng pananagutang kriminal sa ilalim ng batas.

Atty. Albert N. Sadili
Spokesperson

Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP)
09660859816 – Viber and Mobile Number