PINANGUNAHAN ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang groundbreaking ceremony para sa itatayong Senior Citizens Park at community Pet Park sa Nagtahan, Pandacan, na inilarawan niyang konkretong bunga ng pagtutulungan ng pambansa at lokal na pamahalaan.
Ang proyekto, na opisyal na tatawaging Senior Citizens’ Park and Pet Park (Plaza Azul), ay inisyatiba ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Budget and Management (DBM), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sinabi ni Domagoso na halos tatlong taon nang nananatiling bakanteng open space ang lugar matapos maitayo ang Skyway, dahilan upang maging madilim, maalikabok, at mapanganib para sa mga residente, manggagawa, at motorista.
“Simula nang nagawa ang Skyway, dumilim. Naging mapanganib sa gabi sa nagmamaneho at naghahanapbuhay at mamamayan ng Pandacan. Hindi lang dumilim, umalikabok araw-araw,” aniya.
Ayon sa alkalde, personal niyang sinuri ang lugar sa gabi matapos siyang makabalik sa puwesto dahil sa pangambang maaaring maaksidente ang mga bata at senior citizens.
“Hindi na natin hihintayin na may mangyaring masama. Kailangan itong ayusin agad,” wika niya.
Upang mapabuti ang kaligtasan, humingi aniya ng tulong ang lungsod sa pribadong sektor para sa paglalagay ng ilaw sa ilalim ng Skyway. Ayon kay Domagoso, tumugon si San Miguel Corporation Chairman Ramon Ang sa pamamagitan ng P20.8 milyong donasyon para sa pagpapailaw sa nasabing lugar.
Dagdag pa niya, layon din ng proyekto na matugunan ang kakulangan ng open spaces sa Pandacan, lalo na para sa mga senior citizen na nangangailangan ng ligtas na lugar para sa ehersisyo at mga gawaing pangkalusugan.
“Gagawa tayo ng Senior Citizen Park kung saan maaari silang mag-stretching, mag-calisthenics, at magsagawa ng iba’t ibang aktibidad araw-araw,” ani Domagoso.
Kasama rin sa proyekto ang pagtatayo ng Pet Park upang magkaroon ng espasyo ang mga residente at kanilang mga alagang hayop.
“Karaniwan ito sa mayayamang subdivision at sa ibang bansa. Dito sa Maynila, gagawa rin tayo ng para sa mga hayop,” dagdag niya.
Binigyang-diin din ng alkalde ang papel ng Local Government Support Fund (LGSF) ng DBM na tumutulong sa mga lokal na pamahalaan sa mga programa at proyekto. Ayon sa kanya, inatasan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang malaking pagtaas ng pondo ng LGSF para sa 2026, na halos 400 porsiyentong paglago.
Pinuri rin ni Domagoso ang MMDA sa pangunguna ni Chairman Romando Artes sa pagtutulungan para sa proyekto, matapos itong mangakong dodoblehin ang pondo ng lungsod para sa naturang parke.
Sa huli, sinabi ng alkalde na inaasahang makatutulong ang Senior Citizens Park at Pet Park sa pagbawas ng alikabok, pagpapabuti ng kalidad ng hangin, at pagbibigay ng ligtas at luntiang espasyo para sa mga pamilya, senior citizens, at pet owners sa Pandacan at mga karatig-lugar.
“Titigil na ang alikabok. Magkakaroon na kayo ng sariwang hangin at mas maraming green space para sa inyong mga anak at apo,” ani Domagoso. (Gene Adsuara)