• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, hinikayat ang publiko na bisitahin ang mga local tourist spot para palakasin ang ekonomiya

HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na galugarin o lakbayin ang iba’t ibang destinasyon sa Pilipinas sa gitna ng napaulat na mga paghihirap na kinahaharap ng mga travel agencies para makakuha ng Japanese visa appointments para sa kanilang kliyente.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang alalahanin sa kakapusan ng appointment slots para sa Japanese visas ay isinangguni na sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“Pansamantala, habang sila ay naghihintay ng kanilang visa na i-issue ng bansang Japan, ito nama’y kanilang polisiya at iginagalang natin ito,” ayon kay Castro.
Subalit habang ang usapin ay tinutugunan, hinikayat naman ni Castro ang mga byahero na bisitahin ang mga local tourist destination, sabay sabing makatutulong ito para mapalakas ang domestic economy.
“Pero habang sila’y naghihintay, mas maganda sigurong i-explore ng ating mga kababayan ang Pilipinas,” aniya pa rin.
“Iangat din natin ang turismo ng Pilipinas at kung sila ay kikita dahil sa travel tax at kita ng mga tourism agencies, mas kikita rin sila kung iaangat nila ang turismo ng Pilipinas,” dagdag na wika ni Castro.
Samantala, nagpasaklolo naman ang Global Tourism Business Association, Inc. (GTBA) sa Japanese Embassy ukol sa patuloy na kakapusan ng appointment slots para sa Japanese visas.
Ito’y matapos na mapaulat ang paghihirap na dinarasan ngayon ng travel agents na matulungan ang kanilang kliyente na makakuha ng kinakailangang dokumento para makapasok sa Japan.
Sinabi ng GBTA na mayroong advisory mula sa VFS Global, official partner ng Japan embassy para sa scheduling, na ang susunod na available appointment slots para sa Japan visa ay inilipat sa Abril.
(Daris Jose)