DAPAT magkaroon ng kahit isang emergency medical technician ang police at fire stations upang mas makakatugon ang mga ito tuwing may emergencies.
Nakapaloob ito sa House Bill No. 6528 o “Rescue Ready Bill,” ni Abra lone district Rep. JB Bernos.
Isinusulong sa panukala ang pagkuha ng kahit isang certified EMT per shift sa bawat police at fire station sa bansa.
Kasama sa nagpanukala si Solid North Party-list Rep. Ching Bernos.
“We cannot emphasize enough the value of having on hand an EMT who can immediately respond and provide care to victims of accidents, disasters, or armed encounters. Makikinabang dito hindi lamang ang publiko kundi pati mismong mga kapulisan at bumbero natin,” ani Bernos.
Nakapaloob pa sa panukala na ang mga station EMTs ay maglalaan out-of-hospital emergency medical care sa pasyente na nasa kritikal or life-threatening situations, magsisiguro na may agarang tulong habang naghihintay ng hospital transfer.
Magkakaroon ng plantilla positions para sa mga EMTs, at regular training at certification programs.
Ang appointed EMTs ay tatanggap ng salary grade 15 sa ilalim ng Salary Standardization Law of 2019, at buwanang hazard pay na hindi bababa sa P3,000.
(Vina de Guzman)