• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 21st, 2026

Spurs pinataob ang Timberwolves sa kabila ng 55 points career-high ni Edwards

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MALAKING ambag din ang 25 puntos, 12 assist ng point guard na si De’Aaron Fox at 20 puntos ni Keldon Johnson para sa naging panalo ng Spurs.

Habang nasayang naman ang 55 puntos na season career-high ni Anthony Edwards at hindi naging sapat para buhatin ang kanyang koponan na Timberwolves patungo sa panalo.

Naging mainit ang labanan ng dalawang koponan kung saan lumamang ng 25 puntos ang spurs sa pagtatapos ng halftime.
Muli pang nakahabol ng timberwolves pagtungtung ng 4th quarter at nakuha pang makalamang sa iskor na 110-108, ngunit tuluyan nang sinilyuhan ng spurs ang kanilang panalo matapos ipasok ni Fox ang dalawang magkasunod na free-throw upang muling ibalik ang kalamangan ng Spurs.

Samantala hindi na muling nakahabol ang Timberwolves matapos namang ma fouled out si Edwards sa laro.

Alex Eala pinasalamatan ang mga fans na nanood sa laban nito sa Australian Open

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LABIS pa rin ang pasasalamat ni Pinay tennis star Alex Eala sa mainit na suporta ng kaniyang mga fans kahit na bigo ito sa first round ng Australian Open.

Kahit na hindi umubra ang 20-anyos na si Eala laban kay Alycia Parks ng US sa score na 0-6, 6-3, 6-2 ay maraming Filipino fans pa rin na nanood sa laro nito ang humanga.

Sinabi ng 20-anyos na si Eala na isang inspirasyon sa kaniyang paglalaro ang mainit na suporta ng mga Pinoy saan man dako ng mundo.

Naniniwala ito na may magandang impluwensiya ito para maitaguyod ang larong tennis sa Pilipinas.
Nakatakda naman itong maglaro sa doubles ngayong araw kung saan makakasama niiya si Ingrid Martins ng Brazil at makakaharap nila sina Shuko Aoyama ng Japan at Magda Linette ng Poland.

Malakanyang, kumpiyansang magsasabi ng totoo si Bonoan ukol sa flood works probe

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na nagtitiwala si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay dating Department of Public Works and Highways (DPWH) secretary Manuel Bonoan na magsasalita ng totoo sa oras na humarap na ito sa Senate investigation hinggil sa di umano’y iregularidad sa public infrastructure projects.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na naniniwala si Pagulong Ferdinand Marcos Jr., na naiintindihan ni Bonoan na seryoso ang pagpapatotoo sa harap ng Senate Blue Ribbon Committee, kung saan ang mga pahayag ay isinasailalim sa isang panunumpa.
“Naniniwala po ang Pangulo na si dating secretary Manny Bonoan ay magsasabi ng katotohanan lalong-lalo naman po na siya ay nasa Senado at under oath ang kaniyang mga sinasabi. So, kailangan lamang po tayo umasa na mga katotohanan lamang ang kaniyang sasabihin,” ang sinabi ni Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Patuloy kasi ang ginagawa ng Senate Blue Ribbon Committee na imbestigasyon ukol sa di umano’y anomalya na nagsasangkot sa infrastructure projects.
Sa katunayan, kabilang sa humarap sa pagdinig ang mga pina-subpoena na sinasabing sabit sa isyu na sina dating DPWH Secretary Manuel Bonoan, dating DepEd Usec. Trygive Olaivar, dating Special Envoy to China Maynard Ngu, Commission on Audit Commissioner Mario Lipana, DPWH Region 4B Regional Director Engr. Gerald Pacanan at DPWH NCR Regional Director Engr. Gerard Opulencia.
Samantala, binigyang diin ni Castro na ang Senate hearings ay may gabay ng mahigpit na ‘rules at legal accountability’, sabay sabing ang mga testigo ay dapat at kinakailangan na magsabi ng totoo o mahaharap sa posibleng legal consequences. ( Daris Jose)

Malakanyang, hinikayat ang publiko na bisitahin ang mga local tourist spot para palakasin ang ekonomiya

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ng Malakanyang ang publiko na galugarin o lakbayin ang iba’t ibang destinasyon sa Pilipinas sa gitna ng napaulat na mga paghihirap na kinahaharap ng mga travel agencies para makakuha ng Japanese visa appointments para sa kanilang kliyente.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang alalahanin sa kakapusan ng appointment slots para sa Japanese visas ay isinangguni na sa Department of Foreign Affairs (DFA).
“Pansamantala, habang sila ay naghihintay ng kanilang visa na i-issue ng bansang Japan, ito nama’y kanilang polisiya at iginagalang natin ito,” ayon kay Castro.
Subalit habang ang usapin ay tinutugunan, hinikayat naman ni Castro ang mga byahero na bisitahin ang mga local tourist destination, sabay sabing makatutulong ito para mapalakas ang domestic economy.
“Pero habang sila’y naghihintay, mas maganda sigurong i-explore ng ating mga kababayan ang Pilipinas,” aniya pa rin.
“Iangat din natin ang turismo ng Pilipinas at kung sila ay kikita dahil sa travel tax at kita ng mga tourism agencies, mas kikita rin sila kung iaangat nila ang turismo ng Pilipinas,” dagdag na wika ni Castro.
Samantala, nagpasaklolo naman ang Global Tourism Business Association, Inc. (GTBA) sa Japanese Embassy ukol sa patuloy na kakapusan ng appointment slots para sa Japanese visas.
Ito’y matapos na mapaulat ang paghihirap na dinarasan ngayon ng travel agents na matulungan ang kanilang kliyente na makakuha ng kinakailangang dokumento para makapasok sa Japan.
Sinabi ng GBTA na mayroong advisory mula sa VFS Global, official partner ng Japan embassy para sa scheduling, na ang susunod na available appointment slots para sa Japan visa ay inilipat sa Abril.
(Daris Jose)

Kontratista, nasa likod ng endorsement ng impeachment complaint laban kay PBBM- Malakanyang

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na ang mambabatas na nag-endorso ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ay isang kontratista na dawit sa maanomalyang flood control projects.
Napaulat na isa sa walong contractors na nabanggit sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang Pusong Pinoy Party-list na kinatawan si Representative Jett Nisay sa iniimbestigahan na flood control projects.
Nang tanungin si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung ano angn masasabi niya kay Atty. Andre de Jesus – naghain ng impeachment complaint laban sa Pangulo at kay Pusong Pinoy Party-list Rep. Jett Nisay na nag-endorso ng impeachment complaint , sinabi ni Castro na wala siyang personal knowledge ukol sa kanilang intensyon.
“Ang alam lang natin sa ngayon, ang party-list na nag-endorse ay isa sa walong contractors na nabanggit ng ICI,” ang sinabi ni Castro.
Matatandaang, sa huling bahagi ng Nobyembre, inirerekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang paghahain ng criminal at administrative complaints laban sa ilang several “contractors” o mga mambabatas na sinasabing nagmamay-ari ng kompanya na nakasungkit ng government projects.
Si Nisay, di umano’y nauugnay sa JVN Construction and Trading, ay di umano’y napagkalooban ng 3 infrastructure projects mula 2021 hanggang 2022, na may price tag ng mahigit sa P73 million.”
“JVN Construction and Trading (‘JVN’) is a sole proprietorship owned by Rep. Jernie Jett Nisay (‘Rep. Nisay’), who has been serving as a representative of the Pusong Pinoy Partylist since 2022 up to the present,” ayon sa ICI referral noong Nov. 26.
Samantala, iginiit ni House Speaker Faustino Dy III na wala siyang nakikitang basehan para bigyang katuwiran ang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos.
Kasabay nito, sinabi ni Dy na hindi dapat na ginagamit ang impeachment complaints sa pamumulitika.
Ipinaliwanag pa ni Dy na ang pagtutuunan ng pansin ng Kamara sa pagbubukas ng sesyon ang paglikha ng mga mahahalagang batas.
Sinabi naman ni Manila Rep. Joel R. Chua, chair ng House Committee on Good Government and Public Accountability
na tatanggapin at ipoproseso ang inihaing impeachment complaint laban kay Marcos batay sa Konstitusyon at House Rules. ( Daris Jose)

Bago pa ihain ang arrest warrant laban sa kanya… Kusang loob na pagsuko ni dating Senador Bong Revilla pinuri ng Malakanyang.

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINURI ng Malakanyang ang ginawang kusang loob na pagsuko ni dating Senador Bong Revilla kasunod ng inilabas na mandamyento de aresto laban sa kanya

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ‘magandang gesture’ ang ginawa ng dating Senador dahil ipinakita nito sa taumbayan na handa niyang harapin ang mga akusasyon sa kanya at sumunod sa itinatakda ng batas.
Iyon nga lamang, sana ay na-appreciate ng taumbayan ang nasabing hakbang ng dating mambabatas na hindi ginagawa ng iba pang akusado.
Kabaliktaran aniya ang ginagawa ng iba na ngayon ay patuloy sa pagtatago habang ang iba’ y lumipad pa nga ng ibang bansa.
Sumuko ang dating senador na si Ramon “Bong” Revilla Jr. sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police (PNP) matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kaniya ang Sandiganbayan Third Division kaugnay ng umano’y P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.
Sa ulat, sinabing dumating si Revilla sa Camp Crame sa Quezon City dakong 9:58 pm, araw ng Lunes. (Daris Jose)

Kaugnay sa ghost flood control project sa Bulacan… Revilla, naglagak ng piyansang P90-K sa kasong graft

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLAGAK ng piyansang P90,000 si dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. sa kasong graft may kaugnayan sa P92.8 million ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Ang inilagak na piyansa ni Revilla ay para lamang sa kasong graft sa Fourth Division Clerk of Court nitong hapon ng Martes, Enero 20 dahil walang kaukulang piyansa ang kaniyang kasong malversation.

Nangangahulugan na hindi pa rin mapapalaya si Revilla habang nakabinbin ang kasong malversation sa anti-graft court.

Sa ngayon, nakadetine si Revilla sa New Quezon City Jail sa Payatas, base sa commitment order na inilabas ng Sandiganbayan Third Division.
Nahaharap ang dating Senador sa mga kasong graft at malversation of public funds through falsification of public documents sa Sandiganbayan Fourth at Third Division.

Ang mga kaso ay inihain ng Office of the Ombudsman matapos ang isinagawang imbestigasyon sa pakikipagtulungan sa Department of Justice, kung saan may nakitang probable cause na walang proyektong nagawa kahit pa ito ay idineklarang kumpleto na o natapos na.
(DARIS JOSE)

Araw ng Mangingisda

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINIGYANG-PUGAY ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas sa pangunguna ni Mayor John Rey Tiangco ang sipag at dedikasyon ng mga fisherfolk sa Araw ng Mangingisda kaugnay ng pagdiriwang ng 120th Navotas Day. (Richard Mesa)

Pinayuhan ng ama na mag-try ng iba’t-ibang roles… PAOLO, nangakong babawi kay DENNIS na ‘di nadalaw noong Pasko

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NATANONG si Paolo Gumabao kung kailan niya huling nabisita ang amang si Dennis Roldan na nakapiit sa kulungan.
“Hindi ako nakabisita last Christmas. Pero sa kalagitnaan ng 2025, bumisita naman ako,” sagot ng aktor.
“Ako talaga, hindi nakadalaw. Kasi prior sa pagpunta ko sa Taiwan, nag-shoot din ako ng pelikula.
“Nagkaroon pa ako ng stage play, then nag-Taiwan nga ako.
“Pero siyempre, dadalawin ko siya one of these days.
“Babawi ako!”
Ano ang madalas nilang pag-usapan ‘pag nadadalaw ang ama?
“Nag-usap lang kami about my career.
“Ang pinaka-napanood lang kasi niya sa akin…siyempre ‘pag pelikula, medyo hirap siyang manood ng mga pelikula, dahil hindi naman lahat ng mga pelikula ko napapanood sa TV, eh.
“So, ang pinaka-napanood lang niya sa akin ay ang ‘Batang Quiapo’, kasi may TV naman sa loob ng kulungan, eh. So, napapanood niya ang mga eksena ko.”
Dagdag kuwento pa niya, “ang pinapayo lang niya sa akin, na ok nga raw, yung pagiging kontrabida, maganda rin naman daw, pero sana raw, maghanap ako ng way na maging bida naman.
“Na huwag daw akong mag-stick sa pagiging kontrabida. Na mag-try rin ako ng iba’t ibang role. Mga ganun lang naman ang napag-uusapan namin.”
Mukhang nagdilang-anghel ang kanyang ama dahil heto at sa isang wholesome na pelikula ay bida si Paolo kapareha ang Czech actress na si Sara Sandeva sa pelikulang ‘Spring In Prague’ na ang producer ay ang Borracho Film Productions ni Atty. Ferdinand Topacio.
“First time kong gumawa ng pelikula na mabait ang character, na lover boy ako, na walang hinahabol na masama.
“Challenging ang pelikula na ito sa akin, kasi kailangan ko talagang ipakita na leading man ako.
“Hindi naman kasi ako sanay sa pangiti-ngiti lang, dahil mas sanay ako na nakasimangot ako, na nang-aakit ako. “Puro ganun kasi ang mga ginawa ko before.
“Pero dito sa Spring in Prague kailangan ko talagang ipakita na natural ang acting natin, na lover boy ako.
“Pero ang saya ng experience ko sa Prague. Bukod sa malamig talaga, ang ganda ng scenery,” kuwento ni Paolo.
Si Lester Dimaranan ang direktor ng pelikula.
Samantala, ang mga nasanay na makita ang bortang katawan ni Paolo ay hindi mabibigo dahil bukod sa shooting nila mismong sa Prague ay nag-shoot rin sila sa Puerto Galera.
Isang resort owner ang papel ni Paolo at may mga eksena siyang nakahubad at naka-shorts lamang.
Mapapanood sa mga sinehan ang Spring In Prague simula sa February 4.

***

BUKOD sa mahusay tumugtog ng gitara at mag-keyboards ay bokalista rin ang guwapong music artist na si Migo Bergado ng boy band na The Sonnets.
Anak si Migo ni Atty. Rey Bergado na leader/keyboardist/vocalist ng Innervoices na mahusay at in-demand na grupo.

Kuwento ni Migo, “Kasi when I was a child I took up piano lessons tapos when I’m practicing at home siya yung teacher ko.

“Very strict teacher,” at tumawa si Migo, “but it paid off naman. Singing? No one taught me that. Actually my dad was shocked na I’m singing.

“I idolize people who write their songs and sing their songs, like Beatles, James Taylor.”

4th year Nursing Student from De La Salle HIS si Migo.

“Because I wanna be a doctor kasi.”

Ang The Sonnets ay binubuo nina Migo-Vocals/Guitar, Justin Annie/Guitar at Mugen Gatchalian/Drums.

Kailan lamang ay nagka-gig ang the Sonnets sa Lando’s BF Resort para sa single launch party ng bago nilang awitin na “Lumalamig”.
Post nga ni Migo sa kanyang Facebook page…

“After 7353826272 years, makakapag-release na kami ng kanta. Excited kaming ibahagi sa inyo ang musika namin na pinaglaanan ng dedikasyon, panahon at pagmamahal!

“Maraming salamat sa EMBER MUSIC sa pagtiwala at pagbibigay ng oportunidad sa ‘min para magkaroon ng plataporma ang aming mga awitin at siyempre maraming salamat din sa mga patuloy pa ring nasumusuporta sa ‘min.

“Follow niyo mga socials namin para sa mga updates: FB: The Sonnets, IG: thesonnets_ph

TikTok: the.sonnetsph – Migo, Annie, Mugen.

“Pre-save our song on all streaming platforms: https://bfan.link/lumalamig

#thesonnetsph #OPM #EMBER”

(ROMMEL L. GONZALES)

Tiyak na mapapatawa at mapapaiyak ang moviegoers… EMPOY, bibida sa heartwarming family action-comedy na ‘Batang Paco’

Posted on: January 21st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NGAYONG Pebrero, tiyak na mapapatawa, mapapaiyak, at mapapapalakpak ang film buffs at moviegoers sa pagdating ng “Batang Paco.”
Isa itong heartwarming family action-comedy na pinagbibidahan ni Empoy Marquez, na mapapanood na sa mainstream cinemas sa buong Pilipinas.
Produced ng MiVida Productions, Inc., ang “Batang Paco” ang kauna-unahang pelikula ng kompanya at nagsisilbing opening salvo nito para sa 2026.
Bagong film outfit ang MiVida at nakatuon ito sa bold, out-of-the-box storytelling.
Pinamumunuan ito ng former actress turned businesswoman na si Ana Abiera Del Moral, na may malinaw na layunin na maghatid ng mga kuwentong may lalim ng emosyon at malawak na audience appeal.
“This film defines what MiVida stands for — stories with heart, courage, and soul,” pahayag ni Ana.
Sa pinakapuso ng “Batang Paco” ay isang family drama tungkol sa pag-ibig sa iba’t-ibang anyo nito — pinaghalong komedya, aksyon, romansa, at damdamin, na swak para sa mga pamilya, Pinoy movie buffs, at mga ordinaryong manonood.
Umiikot ang kwento kay Paco, isang mabait ngunit duwag na tattoo artist, na mapipilitang pumasok sa isang mapanganib na misyon nang dukutin ng isang makapangyarihang crime syndicate ang kanyang anak.
Dahil sa pagmamahal, kailangan niyang hanapin ang tapang upang maging ama na pinaniniwalaan ng kanyang anak na kaya niyang maging.
Hatid ni Empoy ang init, katatawanan, at vulnerability sa isa sa kanyang pinaka-relatable na roles.
“Hindi perpekto si Paco — pero gagawin niya ang lahat para sa anak niya,” ani Empoy.
Sa tagpuan nito — ang makulay at magulong backdrop ng Maynila — nag-aalok ang “Batang Paco” ng outrageous laugh-out-loud moments, kapanapanabik na action sequences, at malalim na emosyonal na kwento, na sinusuportahan ng solid ensemble cast na kinabibilangan nina AiAi Delas Alas, Mon Confiado, Ynez Veneracion, Chichi Rita, Cassy Lavarias, Richard Quan, Alma Concepcion, Lara Morena, Natasha Ledesma, Kookoo Gonzales, Gerard Acao, Josh Ivan Morales, Kim Rodriguez, Jovi Vargas, at Quentin Molo.
Sa direksyon ni Rechie del Carmen at panulat ni Gina Marissa Tagasa, pinagtitibay ng pelikula ang commitment ng MiVida Productions sa fearless filmmaking at mga kwentong may pusong Pilipino.
“‘Batang Paco’ is just the beginning for MiVida,” pahayag ni Ana.
Sa pinagsamang puso, humor, at heroism, handang haplusin ng “Batang Paco” ang mga puso ng mga manonood.
Sa huli, pinatutunayan ng pelikula na ang pagmamahal — lalo na ang pagmamahal ng magulang — ay kayang gawing bayani kahit ang pinaka-hindi inaasahang tao.
Mapapanood ang “Batang Paco” sa mga sinehan sa buong bansa simula Pebrero 18.

(ROHN ROMULO)