IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa PhilHealth na magpatupad ng general amnesty sa mga negosyante, private employer at self-employed na hindi na nababayaran ang kanilang kontribusyon sa PhilHealth.
Ibig sabihin nito ayon sa Malakanyang ay walang interes na sisingilin sa mga unpaid contributions.
”Sa aming patuloy na tumulong sa ating mga kababayan, lalong-lalo na sa tinatawag nating healthcare, eh inutusan ko po ang PhilHealth na magpatupad ng general amnesty para sa mga negosyante, private employer, mga self-employed na ating mga kababayan na hindi nabayaran ang kontribusyon sa PhilHealth,” ayon kay Pangulong Marcos sa isang video message.
”Alam naman namin na ‘yung 3% na binabayad para sa PhilHealth na buwan-buwan ay ramdam na ramdam ng ating mga kababayan,” dagdag na pahayag nito.
Sa hakbang na ito, tinatayang humigit-kumulang 300,000 beneficiaries ang makikinabang sa amnesty.
Dagdag pa ng Pangulo, bibigyan ng isang taon ang mga employer at self-employed upang bayaran ang mga kulang na kontribyusyon mula July 2013 hanggang December 2024 nang walang dagdag singil sa pamamagitan ng one-time waiver.
Layunin ni Pangulong Marcos na pagaanin ang pasanin sa pagbabayad ng PhilHealth contributions ng mga employer at self-employed upang mas maraming Pilipino ang magkaroon ng maayos na benepisyo sa kalusugan.
”Inutusan ko po ang PhilHealth, gagawa tayo nitong taon na ito, 2026, ang tinatawag na one-time waiver para sa interest… ngayong taong 2026,” aniya pa rin.
Samantala, hinihikayat din ng Pangulo ang mga employer na i-update ang lahat ng kanilang impormasyon at irehistro ang mga empleyado Yaman ng Kalusugan o YAKAP Program ng pamahalaan.
Sa ilalim ng YAKAP Program ay puwedeng mag-avail ng libreng checkup sa accredited clinics at mga gamot sa mga partner-pharmacies, may lab at cancer screening test din sa mga YAKAP clinics.
“Kahit sino puwedeng sumali sa YAKAP Program dahil ang mabuting kalusugan ay karapatan ng bawat Pilipino. Hanapin lamang ang pinakamalapit na YAKAP clinic para makapagparehistro. Ang pangunahing layunin ng Pangulo sa sektor ng pangkalusugan, palawakin ang saklaw ng PhilHealth at bawasan ang pasanin ng mga Pilipino pagdating sa gastusing-medikal,” ayon naman kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Muli, ang nais ni Pangulong Marcos Jr. ay hindi naging sagabal sa gastusin sa ospital ang tuwing magkakasakit ang bawat Pilipino,” aniya pa rin. (Daris Jose)