• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Laban sa mga mambabatas… Malakanyang, ipinaubaya na sa Ombudsman ang paghahain ng kaso sa mga dawit sa ‘flood control anomaly’

IPINAUBAYA na ng Malakanyang sa Office of the Ombudsman ang paghahain ng kaso laban sa mga personalidad, kabilang na ang mga mambabatas na sangkot sa flood control anomaly.
Hiningan kasi ng reaksyon si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ukol sa naging pahayag ni Senator Imee Marcos na sasampahan ng kaso ngayong buwan ang mga senador na sina Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, at Bong Revilla, kaugnay sa di umano’y pagkakaugnay ng mga ito sa anomalya sa flood control projects.
Sinabi ni Imee Marcos na ang paghahain ng kaso ay magaganap sa Enero 15.
”Ayaw nating pangunahan kung ano ang magiging trabaho ng Ombudsman at ng DOJ, as far as we are concerned may mga nasampahan na po ng kaso. Ang DPWH nagsampa na po ng kaso, ang ICI (Independent Commission for Infrastructure) po nagrekomenda na po ng for filing of the cases,” ang sinabi ni Castro.
”Nasa kamay na po ng Ombudsman ‘yan kung ano ang timeline nila so ayaw po natin pangunahan. Kung January 15 ang pinakamaaga, magandang balita po ‘yan,” aniya pa rin.
Bukod sa tatlong senador, sinabi ni Imee Marcos na nakatakda ring sampahan ng kaso sina CWS party-list Rep. Edwin Gardiola, Benguet Rep. Eric Yap, at ACT-CIS Party-list Rep. Edvic Yap.
Nang tanungin naman si Castro kung inaasahan na ng Pangulo na kakalma ang trabaho ng ICI sa Pebrero, sinabi ni Castro na ang inaasahan ng Pangulo ay magkaroon ng batas para magkaroon ng independent commission na titingin sa infrastructure projects.
”Iniexpect ng Pangulo, sa ngayon… hindi po… hindi ko po masasabi na ineexpect niya po yan ang ineexpect po ng pangulo ay magkaroon ng batas para magkaroon ng independent commission,” ang sinabi pa rin ni Castro.
Samantala, inatasan naman ni Pangulong Marcos ang Kongreso na unahin ang pagtalakay at pagpapasa ng apat na mahahalagang panukalang batas: ang Anti-Dynasty Bill, Independent People’s Commission Act, Party-list System Reform Act, at CADENA Act na naglalayong paigtingin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan. ( Daris Jose)