Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan
KAHIT nag-post siya ng litrato ni Yen Santos nong birthday nito at nanalong Best Actress sa URIAN, hindi raw iyon nangangahulugan na Instagram official na sila, ayon kay Paolo Contis.
“Wala, walang official na ano, wala na akong inaanong official, what you see is what you get,” ang diretsong pahayag sa amin ni Paolo.
At sa tanong namin kung masaya ba siya ngayon?
“I’m okay. Ang sa akin lang, maraming mga bagay na para sa akin yung public should not care about, yun lang yung sa akin.”
Paano niya ihihiwalay ang personal sa professional niyang buhay e artista silang pareho?
“By not answering your question. Ha! Ha! Ha!
“Honestly speaking, yung mga kailangan kong harapin are very private and I will fix it privately, for some reason feeling kasi ng mga tao kailangan pag i-post mo iyon, yung complete truth, pag hindi mo pinost, hindi nangyayari, so if you don’t post it never happened, iyon yung ano ng tao ngayon, so let them enjoy that.”
May tsikang okay sila ngayon ni LJ Reyes?
“Ang mahirap kasing sagutin sa mga ganyan minsan mape-preempt, minsan may iba kang nababasa na hindi pala, so might as well… maybe the time that I will talk about really private things is when talagang maayos na, yung very first thing you have to face is ako, yourself di ba, kailangan mong ayusin ang sarili mo, kasi hindi ka naman puwedeng mag-sorry pero hindi mo pa din napapatawad ang sarili mo sa mga maling nagawa mo before.”
Nami-miss niya si Summer na anak nila ng dati niyang karelasyon na si LJ na nasa Amerika na ngayon.
“Oo, definitely!”
May plano ba siyang dalawin sa US ang anak niya?
“I’m hoping, ‘yun ang hindi ko itatago, of course, nami-miss ko yung bata.”
Personal naming nakausap si Paolo sa shooting ng bago niya pelikula, ang ‘Ikaw At Ako’ kung saan kapareha niya si Rhian Ramos, at sina Boots Anson-Roa at Ronaldo Valdez, at sina Andrew Gan at Phoebe Walker.
Sa direksyon ni Rechie del Carmen, ang ‘Ikaw At Ako’ ay initial movie venture ng Gutierez Celebrities and Media Production with executive producers MJ Gutierez and Lexie Salmasan.
***
MALAKI ang potensyal na sumikat ng Starstruck Batch 7 na si Jeremy Luis na dating Jeremy Sabido.
Remember, si Alden Richards ay hindi nakaabot sa top fourteen ng naturang artista search ng GMA pero look at Alden now? Isa sa pinakasikat na artista sa Piliinas!
Muntik na ngang iwan ni Jeremy ang showbiz nang hindi siya i-renew ng GMA ang kanyang kontrata; nagdesisyon na siya na magnegosyo na lang.
Pero sa tulong ng bagong management niya, ang Marikit Artist Management na pagmamay-ari ni Joseph “Jojo” Aleta (na dating EP at PM sa GMA; kilala mo siya, my dear editor Rohn Romulo, lagi natin siyang katsika sa mga set visits noon sa GMA) muling haharapin ni Jeremy ang pag-aartista.
Inamin naman ni Jeremy na may kasalanan din siya kaya hindi na siya na-renew ng GMA dahil hindi siya nakapag-focus sa kanyang career at napabayaan niya ang kanyang social media accounts at naging abala sa milk tea business niya sa Laguna (yes, tulad ni Alden ay taga-Laguna rin si Jeremy).
Kaya naman tinatanaw pa rin ni Jeremy na malaking utang na loob ang break na ibinigay sa kanya ng GMA at ngayon ay hindi na niya pababayaan ang kanyang pag-aartista at natuto na siya sa kanyang pagkakamali.
Ang mag talents na kasama ni Jeremy sa Marikit Artist Management ang award-winning actress na si Barbara Miguel, si Charles Angeles na guwapong baguhan, Angelika Santiago na pretty actress, ag dating Tropang Potchi star na si Kyle Ocampo, at ang Masculados.
***
SPEAKING of Masculados, ang mga miyembro ng all-male group ngayon ay sina Robin Robel, Nico Cordova, David Karell, Enrico Mofar, Richard Yumul, at Orlando Sol.
Si Robin ay kilala mo rin, my dear editor Rohn Romulo dahil regular siya sa Punchline o Laffline noong may Tuesday Club pa tayo kay Tita Cristy Fermin.
Medyo matagal silang nagpahinga, maliban kay Orlando na may solo career bilang artista sa mga teleserye ng GMA, pero ngayon nga, muli silang nabuo at pamamahalaan na ng Marikit Artist Management.
“Parang isang pamilya kami sa Marikit. Truth is, marami ang nag-alok sa amin na managers para kunin kaming exclusive talent pero sa Marikit lang namin nakita ang essence ng isang pamilya kaya dito kami pumirma ng kontrata,” pahayag ni Robin.
Dalawa ang baguhan sa grupo, sina David na half Pinoy-half Austrian at si Nico na isang modelo.
Sikat na sikat pa rin ang kanta nilang “Jumbo Hotdog” sa TikTok at may bagong kantang pasasabugin ang Masculados ngayong 2023.
Mas malaki raw ito sa “Jumbo Hotdog.”
***
ISANG nakakikilabot na kwento tungkol sa “Kinulam na Ina” ang mapapanood sa ‘Magpakailanman’ this Saturday (January 28).
Gaganap si Sheryl Cruz bilang Alma na pahihirapan ng kanyang asawa at biyenan sa pamamagitan ng kulam. Bakit nga ba sila humantong sa ganito? Paano makakaligtas si Alma mula sa sarili niyang pamilya?
Abangan ang ‘Magpakailanman’ tuwing Sabado, 8 p.m. sa GMA-7. Mapapanood din ito sa livestream ng GMA Network Facebook page at YouTube account.
(ROMMEL L. GONZALES)
NAGBABALA si Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) chairman at Chief Executive Officer (CEO) Alejandro Tengco na maraming sektor ang maaapektuhan sa pagsasara ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs).
Inihayag ni Tengco na hindi basta-basta ang pinagdadaanan ngayon ng mundo kabilang ang Pilipinas na nakakaranas ng krisis dahil sa digmaan ng Ukraine at Russia kung kaya ay apektado ang ekonomiya.
Ginawa ni Tengco ang pahayag nang tanungin tungkol sa posisyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) ngayong isasaalang-alang na mismo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagpapasara nito dahil sa hindi magandang naidulot nito sa bansa.
Bukod dito, sinabi rin ni Tengco na ang mga lisensyadong Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) na ito, tulad ng iba pang mga industriya, ay inaasahang kikita ng mas marami kumpara sa mga nakaraang taon na ang lahat ng industriya ay naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sa kasalukuyan, halos 10% ng mga koleksyon ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ay mula sa mga lisensya ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) licenses. (Daris Jose)
POSIBLENG muling magkita sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ang kanyang US counterpart na si Joe Biden kapag nagtugma na available ang kani-kanilang iskedyul.
Ayon kay Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babe” Romualdez, inaayos na ang paghahanda para sa posibleng muling pagkikita at pagpupulong ng dalawang lider, pansamantalang itinakda sa buwan ng Abril.
“Clearly, we need to have President Marcos come to Washington, DC. He is okay to have a meeting again with President Biden and these meetings have already been discussed extensively and I hope it will happen also around that timeframe,” ayon kay Romualdez.
Tiniyak ni Romualdez na iba ito mula sa naging pagdalo ni Pangulong Marcoss sa Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) noong Nobyembre.
Sinabi pa niya na titingnan pa kung ang magiging pagpupulong ay magiging bahagi ng official o state visit.
“Pres. Marcos is not choosy when it comes to the invitation. The most important is the substance of the meeting,” diing pahayag ni Romualdez.
Aniya, sa posibleng pagpupulong, maaaring sakop nito ay mga usapin mula ekonomiya hanggang seguridad.
“Food security, the US is very cognizant of that as one of the priorities of the Marcos administration. There will also be economic activity discussions between the two countries. It all boils down to our relationship with the United States so in terms of cultural, defense, security and economic issues,” dagdag na wika ni Romualdez.
Matatandaang, unang nagpulong sina Pangulong Marcos at Biden noong Setyembre ng nakaraang taon sa United Nations General Assembly sa New York.
2+2 Ministerial Meetings sa Washington, US Defense Secretary Lloyd Austin sa Pilipinas sa susunod na buwan.
Maliban sa posibleng pagpupulong sa pagitan nina Pangulong Marcos at Biden, may mga top foreign at defense officials ang nakatakdang magpulong sa Washington sa Abril.
“This is very important again as far as our relationship with the United States. To be able to talk about issues not necessarily the West Philippine Sea but our overall global situation that we’re facing,” ng pahayag ni Romualdez.
Samantala, kinumpirma rin ni Romualdez na darating sa bansa si US Defense Secretary Lloyd Austin sa unang linggo ng Pebrero.
“President Marcos agreed to meet with him. They will discuss our defense treaty concerns,” ayon pa rin kay Romualdez.
KINILALA ng Malakanyang ang kabayanihan ng 44 Philippine National Police (PNP) Special Action Force (SAF) na nasawi sa madugong enkwentro laban sa mga terorista sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25 taong 2015.
“Ngayong ika-25 ng Enero, ating inaalala ang kabayanihang ipinakita ng 44 Philippine National Police-Special Action Force (PNP-SAF) officers sa munisipalidad ng Mamasapano noong 2015,” ayon sa Presidential Communications Office (PCO) sa isang kalatas.
“Ang kanilang sakripisyo ay ‘di malilimutan at mananatiling inspirasyon para sa bawat Pilipino,” dagdag na wika ng PCO.
Matatandaang naging target ng operasyon na tinawag na Oplan Exodus ang international terrorist at bomb maker na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan at Basit Usman.
Napatay ng mga bayaning SAF troopers si Marwan ngunit ang kapalit nito ay ang 44 na buhay din ng tropa na ipinagluksa ng buong Pilipinas. (Daris Jose)
Walang sinasayang na panahon si Gilas Pilipinas coach Chot Reyes na simulan ang ensayo nila kahit wala pang mga pangunahing manlalaro nila.
Ang nasabing ensayo ay bilang paghahanda ng ika-anim at huling window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na gaganapin sa Pebrero sa bansa.
Ayon kay Reyes na ginamit na lamang nito at sinanay ang ilang mga baguhan gaya nina Jerom Lastimosa, Mason Amos at Schonny Winston.
Nakasabay ng mga baguhang manlalaro si Gilas veteran JuneMar Fajardo.
Masyado pa maaga pa ngayon aniya kung mayroon na itong napipiling final 12 na isasabak sa nabanggit na torneo.
Makakalaban ng Gilas ang Jordan sa Pebrero 24 habang sa Pebrero 27 ay ang Lebanon na gaganapin ang mga ito Philippine Arena. (CARD)
NILINAW ng Philippine Gaming Corporation o PAGCOR na walang anumang criminal activities o kidnapping na nangyari sa mga POGO workers o offshore licensing industry nitong huling tatlong buwan.
Ito ay bunsod sa ilang misinformation sa Senate hearing hinggil sa kidnapping incident.
Ayon sa PAGCOR,nakatutok ito sa imbestigasyon sa kaso na sangkot ang Brickhartz technology, patunay na hindi nila binabalewala ang mga ganitong klase ng report gayundin para masiguro na sumusunod sa batas ang mga gaming licensees.
Tiniyak din ng PAGCOR sa publiko na handa silang kanselahin ang lisensya at accreditation ng mga lumalabag sa batas kung kinakailangan.
Nagpasalamat din ang PAGCOR sa Senado sa pagbibigay sa kanila ng oportunidad na klaruhin ang ilang mga bagay na may kinalaman sa offshore gaming license operations. GENE ADSUARA
WALA na ang COVID-19 sa listahan ng 10 pangunahing dahilan ng pagkamatay ng mga Pinoy noong 2022, bagay na patunay raw na “kaonti na lang” ang nasasawi rito sa bansa, sabi ng Department of Health (DOH).
HINAMON ng simbahan ang pamahalaan na tutukan ang pagpapaayos ng serbisyo ng kalusugan ng bansa.
Ayon kay Fr. Dan Cancino, MI, executive secretary ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Health Care, dapat paglaanan ng pondo para sa sektor ng kalusugan ng Pilipinas lalo na sa mga mahihirap.
Ito ay bunsod sa isyu ng pagsasapribado ng mga ospital na bagamat mas mapapaganda ang serbisyo at mga pasilidad ay kaakibat naman ang pagtaas ng presyo sa mga serbisyo na pagsasantabi sa mga mahihirap.
“Kaya itong privitization na ‘to kahit na dati pa, ang simbahan, ang advocacy ay mas pag-igtingin ng ating gobyerno ‘yung ating mga public health services. I-improve n’ya ‘to, gawin itong mas accessible at mas available lalong-lalo na sa mahihirap,” pahayag ni Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Dagdag pa nito na ibilang sa layuning pagpapabuti sa healthcare sector ng bansa ang pagpapagaling sa mga pasyente sa halip na kita.
“Kung titingnan natin, meron pang pwedeng gawin. At itong privitization ng ating mga hospitals, kailangang dapat hindi iilan lang ang mga nag-uusap dito. Dapat i-consult ang lipunan, mga komunidad, mga may karamdaman, kasi sila ay hindi lang beneficiary pero kaakibat sila doon sa buong health care system natin,” saad ni Fr. Cancino.
Taong 2019 nang lagdaan ng dating Pangulong Rodrigo Duterte na maging batas ang Universal Health Care Law na inaasahang magbubunga ng malawakang pagbabago sa public health sector ng bansa.
Suportado ng simbahan ang bawat layunin at adhikain ng pamahalaan lalo na sa pagpapabuti sa sektor ng kalusugan ng bansa para sa kapakanan ng nakararami lalo’t higit ang mga nasa mahihirap na sektor ng lipunan. GENE ADSUARA
Naibenta sa auction ang 1997 Upper Deck Game Jersey Patch Autograph Card ni NBA superstar Michael Jordan sa halagang $840,000.
Dahil dito ay ito na ang naging pinakamahal na Jordan card na naibenta.
Ang nasabing card ay naglalaman ng bahagi ng jersey ni Jordan na isinuot niya noong 1992 All-Star Game at ito ay may pirma din niya.
Kabilang ito sa sixth-highest selling Jordan card sa kasaysayan ng card collecting.
Naging especial ito dahil mayroong 23 card lamang ang inilabas sa buong mundo. (CARD)