• April 1, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for April, 2026

Philippine men’s football team handa na laban sa Tajikistan

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKAHANDA na ngayon ang Philippine men’s football team laban sa Tajikistan para sa 2027 AFC Asian Cup Qualifiers.Mga balita Pilipinas

Maghaharap mamayang gabi ang dalawa sa home court ng Tajikistan.

Parehas kasi na mayroong apat na panalo at isang draw ang Pilipinas at Tajikistan sa Group A.

Ayon kay Philippine men’s football team coach Carles Cuadrat na kailangan nilang makakuha ng tatlong puntos para makapag-qualify sa susunod na AFC Cup.

Sa huling paghaharap kasi nila na ginanap sa Clark ay nagtapos ang laban sa 2-2 draw.

Nagsagawa ng training camp ang mens footbal team ng bansa sa Turkey kung saan kumpiyansa si Cuadrat na mahihigitan ng mga Pinoy ang mga manlalaro ng Tajikistan.

Calvin Abueva pinagmulta ng P20-K dahil sa pag-akusa sa mga referee ng pagtanggap ng pera

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINATAWAN ng P20,000 na multa si Converge FiberXers player Calvin Abueva matapos ang negatibong pahayag nito sa opisyal ng PBA.

Nangyari ang insidente na pagkatalo ng Converge laban sa Barangay Ginebra nitong Linggo.

Ipinatawag si Abueva ng mga opisyal ng PBA matapos na sumigaw ng “Paldo referee” at “Apat silang paldo” bilang pagpapahayag ng kaniyang pagkadismaya sa kanilang pagkatalo 99-93.

Hindi na ito pinatawan pa ng suspension at tanging minultahan lamang siya matapos makuha sa video ang kaniyang pagsigaw.

Humingi naman ng kapatawaran si Abueva noong ito ay ipinatawag siya sa opisina ni PBA Commissioner Willie Marcial.

Pinas, hindi ikokompromiso ang West Philippine Sea (WPS) sa Tsina kapalit ng potensiyal na oil exploration- Malakanyang

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

“Walang mawawalang interes, walang ipamimigay na interes.”
Ito ang inihayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro bilang pagtiyak na maingat ang magiging pagkilos ng Pilipinas para protektahan ang interest ng bansa sa potensiyal na joint oil at gas exploration sa Tsina , matapos na ang dalawang bansa ay nagbukas ng ‘paunang palitan’ sa posibleng pagtutulungan.
Sinabi pa ni Castro na pangalagaan ng bansa ang karapatan nito sa WPS.
“Lagi naman tayong magiging sincere sa mga pag-uusap kung meron man at lagi tayong magiging maingat para sa interes ng bayan at para sa interes ng bawat Pilipino,” ang winika ni Castro.
Nauna rito, nagkaroon ng magkakasunod na pulong ang Pilipinas at China sa 24th Foreign Ministry Consultations at sa 11th Meeting of the Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea noong Marso 27 at 28 sa Quanzhou City, Fujian Province, China.
Sa kabilang dako, sinabi ng Department of Foreign Affairs na nagkaroon ng inisyal na usapan ang magkabilang panig sa potensiyal na oil and gas cooperation.
“Kung meron mang plano, kung magkakaroon ng joint exploration, alam naman natin ang Pilipinas sa pamumuno ni Pangulong Marcos Jr. ay open sabi nga n’ya, nothing is off the table,” ayon kay Castro.
Matatandaang, noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte, isinulong din ng gobyerno ang negosasyon sa joint oil at gas exploration sa China.
Magkagayon man, matapos ang termino ni Digong Duterte, ipinatigil niya ang pag-uusap ng dalawang bansa.
(DARIS JOSE)

Crisis response committees nakatakdang magpulong para sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG magpulong sa Abril 8 ang 13 committees bilang crisis response sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Ito ay pagkatapos palawigin ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III sa 13 ang bilang ng House committees na naatasan na magsagawa ng isang unified legislative response para sa mga oil price crisis dala ng tumitinding Middle East conflict.

Sinabi ni Dy na layon ng pagdinig na masiguro ang koordinasyon sa Executive at makabuo ng konkretong hakbang para dito.

“The objective of these hearings is to work with our partners in the Executive to identify solutions, not point fingers. We want to hear directly from our economic managers and frontline agencies so we have the information we need to come with measures that can help our people cope with the impact of the Middle East conflict,” pahayag nito.

Sinabi ni House Committee on Ways and Means chair at Marikina City Rep. Miro Quimbo na nabuo ang grupo matapos ang isinagawang initial emergency meeting na ipinatawag ni Speaker sa ilang pangunahing committee leaders.

“Ang sole purpose is really to have an orchestrated and unified response on the part of the House para harapin at tingnan kung ano ang mga pwede nating magawa on an urgent basis para ma-address natin itong oil price crisis,” ani Quimbo.

Ayon pa sa mambabatas, limang komite ang inisyal na kasama na magsagawa ng emergency discussions —Ways and Means, Labor, Agriculture and Food, Energy, at Foreign Affairs — bago ito pinalawig ng Speaker.

Kasama sa 13 komite ang Energy, Agriculture, Aquaculture and Fisheries, Foreign Affairs, Ways and Means, Labor, Transportation, Information and Communications Technology, Economic Affairs, Social Services, Trade and Industry, Overseas Workers Affairs, at Appropriations.
(Vina de Guzman)

2 kulong sa sugal, droga sa Valenzuela

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA kulungan magbabakasyon ang dalawang lalaki nang maaresto ng pulisya na naglalaro umano ng ilegal na sugal at makuhanan pa ng droga ang isa sa kanila sa Valenzuela City.

Batay sa ulat, nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation ‘Oplan Galugad’ ang tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento nang maaktuhan nila ang dalawang lalaki na nagsusugal umano ng lucky 9 sa F. Lazaro St., Brgy., Canumay West dakong alas-3:00 ng hapon.

Kaagad nilapitan nina PCpl. John Ray Laredo at Pat R-Jay Tagnong ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis na nakatalaga sa Police Sub-Station 1 ng Valenzuela Police bago inaresto ang mga ito.

Nakumpiska sa dalawang inaresto ang bet money, playing cards (baraha) at isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nakuha umano kay alyas “Rey”, 47.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan pa na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ni ‘Rey’.
(Richard Mesa)

2 magkasunod na sunog, sumiklab sa Valenzuela

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SUMIKLAB ang dalawang magkasunod na sunog sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City kung saan ilang pamilya ang nawalan ng tirahan.

Batay sa ulat, dakong alas-9:51 ng Linggo ng gabi nang sumiklab ang sunog sa Samaka Compound, Brgy., Bagbaguin at mabilis na kumalat ang apoy sa magkakatabing bahay.

Agad inakyat sa ikalawang alarma ang sunog na tuluyang naapula ng rumespondeng mga tauhan ng bumbero dakong alas-10:13 ng gabi.

Isang residente ang napaulat na nasugatan habang inaalam pa ang naging dahilan ng sunog na tumupok sa nasa 13 kabahayan at kung magkaano ang halaga ng ari-arian ang naabo.

Samantala, bandang alas-12 ng hating gabi nang sumiklab din ang sunog sa dalawang paglabag na bahay na may carinderya sa Brgy., Maysan kung saan ligtas naman nakalabas ang dalawang pamilya.

Personal namang binisita ni Mayor Wes Gatchalian ang mga nasunugan na pansamantalang nag-evacuate sa covered court para kamustahin ang kanilang kalagayan a binigyan sila ng agarang tulong tulad ng relief goods, kitchen kits, at hygiene supplies.
(Richard Mesa)

BAGONG OPISYAL NG MCHPC, INIHALAL

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagsagawa ng eleksyon para sa mga bagong opisyal ang Manila City Hall Press Club (MCHPC), na isa sa pinakamatandang organisasyon ng mga mamamahayag sa bansa, nitong nakaraang Biyernes, Marso 27, 2026.

Sa naganap na eleksyon, naitalaga bilang Pangulo ng MCHPC si Ms. Jocelyn Domenden-Tabangcura na reporter ng Police Files Tonite habang ang nagbabalik na opisyal at dating Pangulo ng nasabing organisasyon na si JR Reyes, reporter at kolumnista sa pahayagang REMATE at Remate Online, ay nailuklok bilang Bise-Presidente.

Nanatili naman sa kani-kanilang pwesto sina Gene Adsuara ng People’s Balita bilang Kalihim at Emmanuel Mortega II ng DZXL bilang Ingat Yaman habang nanalo naman bilang Auditor si Archie Amado ng Radyo Aguila.

Nakuha naman ng beteranong reporter at kolumnista ng People’s Tonight at People’s Journal na si Edd Reyes ang pinakamataas na bilang para sa Director katuwang ang kilalang Anchor broadcaster at reporter ng Radyo Pilipinas na si Lorenz Tanjoco.

Sumunod na nakakuha ng may pinakamataas na bilang ay sina radio reporter Felix Laban ng DZME at ang kinikilalang reporter saan man sulok ng bansa na si Patrol 24 Jun Samson ng DWIZ.

Napabilang din sa mga Director sina Pot Chavez ng Manila Standard, DZBB reporter Manny Vargas, Bombo Radyo reporter na si Grant Hilario at DZMM radio reporter/anchor na si Steve Raz.

Nagsilbi naman bilang Comelec o tagapangasiwa ng eleksyon ang mga kinatawan ng National Press Club of the Philippines (NPC) na sina Director Dennis Napule at Director Jun Mendoza.

Ang naturang kaganapan ay sinaksihan naman ng mga beteranong reporter at kasalukuyang Adviser ng MCHPC na sina NPC Director at Radio reporter Aya Yupangco at ni DWWW anchor at People’s Bslita Consultant Archbishop Jemba Basco.

Ang MCHPC ay isa sa pinakamatandang samahan ng mga mamamahayag sa bansa na itinatag noon pang 1950’s. Ang nasabing samahan ay binubuo ng mga lehitimong reporter mula sa radyo, dyaryo, online, at telebisyon na nagkokober sa lahat ng kaganapan na nangyayari sa Manila City Hall. (Gene Adsuara)

PBBM, tinitingnan na magkaroon ng pag-uusap ang Pilipinas at Iran para sa ligtas na pagdaan ng PH-bound vessels sa Strait of Hormuz

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAIS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang high-level engagement discussions sa Iran upang masiguro ang ligtas na pagdaan ng Philippine-bound vessels sa pamamagitan ng Strait of Hormuz sa gitna ng labanan sa Gitnang Silangan.

Sa katunayan ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, inatasan ng Pangulo ang Department of Foreign Affairs (DFA) hinggil sa bagay na ito.
Sa kabilang dako, hangad naman ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro na makausap ang top diplomat ng Iran sa Maynila upang matiyak ang ligtas na pagdaan ng mga tangke na magdadala ng langis papasok sa Pilipinas habang hinahabol ng bansa ang oras para matiyak na ma-secure ang sapat na fuel bago ang nagbabadyang global shortage.
Nauna rito, nakipagpulong ang Pangulo sa mga miyembro ng UPLIFT (Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport) Committee, isang inter-agency task force na kanyang itinatag bilang tugon sa kanyang idineklarang national energy energy dala ng labanan sa Gitnang Silangan.
Ani Castro, inatasan ng Pangulo si Lazaro na makipag-usap kay Iranian Ambassador to Manila Yousef Esmaeil Zadeh bunsod na rin ng nagbabadyang pangangailangan ng Pilipinas ng fuel sources.
“Ayon po kay Secretary Tess Lazaro ng DFA, makikipag-usap po siya sa ambassador ng Iran, most probably po ay tomorrow. Kung hindi man po magkakaroon ng tomorrow, by next week po,” ang sinabi ni Castro.
“However, it was not clear if there would be oil tankers bound for the Philippines already,” aniya pa rin.
Kumpiyansa naman ang Pilipinas na magiging maganda ang takbo ng pag-uusap lalo pa’t maganda naman ang relasyon ng Maynila sa Tehran.
“Sa akin pong pagkakaalam at sinabi po rin naman ni Secretary Tess Lazaro, maganda naman po ang relasyon natin sa bansang Iran,” aniya pa rin. (Daris Jose)

PBBM, magse-Semana Santa sa Ilocos Norte

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na uuwi sya sa kanyang bayan, sa Ilocos Norte ngayong Semana Santa.
”I will spend a few days in Ilocos Norte and I’ll be back on Manila by the weekend,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa isang ambush intreview.
Hindi naman nagbigay ng karagdagang detalye ang Pangulo sa kung ano ang kanyang mga magiging aktibidad ngayong Mahal na Araw.
Nauna rito, nanawagan si Pangulong Marcos sa mga Filipino na palakasin ang pagkakaisa at pananampalataya habang ginugunita ang Semana Santa.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ng Pangulo ang publiko na maglaan ng oras para sa pahinga at pagninilay, at muling pagtibayin ang malasakit at paglilingkod sa kapwa.
Binigyang-diin din niya ang sakripisyo ni Jesus Christ, na aniya’y paalala na ang tunay na kadakilaan ay makikita sa sakripisyo, hindi sa kapangyarihan.
” For in every act of compassion, every hand extended to those in need, and every sacrifice made for the good of others, we keep alive the spirit of His message,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Hinimok ni Pang. Marcos ang bawat Filipino na manatiling matatag sa pananampalataya, magtulungan sa gitna ng pagsubok, at magkaisa para sa mas maunlad at mahabaging “Bagong Pilipinas.”
Nagtapos ang Pangulo sa pagbati ng isang makabuluhan at mapagpalang Semana Santa para sa lahat.
” I wish everyone a meaningful and blessed Holy Week,” wika ng Pangulong Marcos. ( Daris Jose)

Half-day, work-from-home setup para sa mga empleyado ng gobyerno ngayong Miyerkules Santo- Malakanyang

Posted on: April 1st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPATUTUPAD ng Malakanyang ang half-day work-from-home arrangement sa Miyerkules Santo, Abril 1, 2026 para sa mga empleyado ng gobyerno.
“Ang announcement, April 1, for all government employees, tomorrow, 8:00 AM to 12:00 noon, work from home. From 12:01 PM hanggang 5:00 PM, wala na pong pasok,” ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, pinagbatayan ang Memorandum Circular No. 116, nilagdaan ni Executive Secretary Ralph Recto, na may pahintulot ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., may petsang Marso 31, 2026.
Ang adjustment ay alinsunod sa pagdiriwang ng Semana Santa, isa sa pinakamahalagang ‘religious periods’ sa bansa, kung saan maraming Pilipino ang bumibyahe papuntang lalawigan o nagpapartisipa sa mga religious activities.
Sa kabilang dako, ang Maundy Thursday (April 2) at Good Friday (April 3) ay regular holidays, habang Black Saturday (April 4) ay deklaradong special non-working day.
Ang adopsyon ng work from home at suspension of work para sa mga pribadong kumpanya at tanggapan ay ipinauubaya na ng Malakanyang sa diskresyon ng kani-kanilang employers.
Samantala, ang Mahal na Araw ay isang relihiyosong pagdiriwang ng mga Kristiyano sa Pilipinas. Ipinagdiriwang dito ang mahahalagang kaganapan sa buhay ni Hesukristo, partikular ang Kanyang paghihirap, pagkamatay sa krus, at muling pagkabuhay.
Sa nasabing long weekend, tradisyonal na makikita ang pagdagsa ng mga byahero, dahil karaniwan na pami-pamilya ang nagbabalik sa kanilang home provinces o nagbabakasyon para magpahinga at magnilay-nilay. (DARIS JOSE)