• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 28th, 2026

Ads February 28, 2026

Posted on: February 28th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Mayor JRT, pumirma sa Multi-party Convergence Memorandum of Agreement

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

LUMAGDA si Navotas City Mayor John Rey Tiangco ng Multi-party Convergence Memorandum of Agreement kasama ang Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration, Department of Labor and Employment, at TESDA upang mas mapalakas ang pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng mga migrant workers at kanilang pamilya.

Mahalaga aniya ang pagtutulungang ito upang mas mailapit ang mga programa, serbisyo, at oportunidad na makakatulong sa mas ligtas, maayos, at mas matatag na kinabukasan ng kanilang mga kababayan dito man Navotas o sa ibang bansa.
(Richard Mesa)

Mabait kasi: PBBM, mas piniling huwag patulan ang mga detractors- Malakanyang

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAS pinili ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na huwag patulan ang kanyang mga detractors at ipagpatuloy lamang ang kanyang pagsisikap na mailagay sa maayos ang bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa kabila ng mga paninira at pagsisikap na mapaalis sa poder ng kapangyarihan si Pangulong Marcps nananatili pa rin itong mabait at piniling huwag pumatol sa mga detractors.
“Mabait po ang Pangulo. Sabi nga po natin, hindi po sanay ang Pangulo sa mga salitang mapanakit, mga mura, mapagbanta sa buhay – hindi po sanay ang Pangulo diyan,” ayon kay Castro.
Samantala, muli namang binanggit ni Castro ang mga kuwalipikasyon na nasabi ni Pangulong Marcos para sa isang taong nais na maging lider ng bansa.
“Pero makikita po natin sa huli niyang forum kung saan sinabi nga po niya na ang kailangan ng bansa para maiangat natin ay taong may kaalaman, taong magaling sa ekonomiya, magaling sa mga isyu ng inflation, paggawa ng trabaho at hindi para lang manira,” aniya pa rin.
“So, kailangan po natin ang sabay-sabay na pagtutulungan para maiangat natin ang bansa dahil kung ang Pangulo lamang po ang siyang magtatrabaho at ang iba po na nasa paligid ay walang ginawa kung hindi manira, makakaapekto po talaga ‘to kaya pagtulung-tulungan po natin na suportahan ang ating Pangulo pati po ang gobyerno,” dagdag na wika nito.
At nang hingan naman ng reaksyon si Castro ukol sa sinabi ni Pangulong Marcos na ang dapat na umupo bilang presidente na susunod sa kaniya ay isang marunong sa ekonomiya kasunod naman ng deklarasyon ni VP Sara Duterte na tatakbo siya sa susunod na elekson at kung taglay ni VP Sara ang mga kuwalipikasyon na binanggit kamakailan ni Pangulong Marcos, ang natatawang tugon ni Castro ay “Kayo na po ang magtanong mismo kay Bise Presidente. Hindi po natin masasabi kung hanggang saan ang kaniyang kaalaman. Kayo na po. Hindi ko alam kung hanggang saan.” (DARIS JOSE)

National minimum wage, hiling na maipasa agad

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PANUKALANG pagbuwag sa Regional Tripartite Wages and Productivity Boards at pag-isahin ang sistema ng sweldo ng mga manggagawa sa pagtatatag ng isang national minimum wage, dapat ipasa agad.
Ito ang pahayag ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III kasabay nang pag-utos sa Committee on Labor and Employment na pagsamahin ang ilan sa mga bills tungkol sa national minimum wage.
Nitong February 24, nakipagpulong si Dy sa mga lider ng mga major labor groups, kabilang ang Federation of Free Workers at ibang national unions upang kunin ang kanilang input hinggil sa legislated minimum wage law.
“I fought for higher wages during my time as Governor of Isabela,” sinabi ni Dy sa mga dumalo sa pagtitipon.
“We owe our workers a fair and unified wage system, and the House will act on this.”
Matapos ang meeting, kaagad inatasan ni Dy ang House Committee on Labor and Employment upang balangkasin ang mga panukala sa minimum wage.
Aniya, nangako siya sa mga dumalo sa nasabing meeting na tatapusin ng Kamara ang mga bills bago ang Labor Day sa Mayo 1.
Ayon sa proposal, tanging ang National Wages and Productivity Commission lang ang may awtoridad na magtakda ng minimum wage sa buong bansa, aalisin ang kasalukuyang regional wage boards.
(Vina de Guzman)

FPRRD, tanggap nang mamamatay sa ICC prison- VP Sara

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HANDA at tanggap na umano ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng bawian na siya ng buhay sa loob ng detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands.

Ito ang kinumpirma ni Vice President Sara Duterte, kasunod ng naging manipesto ng dating pangulo sa korte na hindi na ito dadalo sa mga itinakdang pagdinig para sa kanyang confirmation of charges.

Ayon sa Bise Presidente sa isang interview, tuluyan na ring isinantabi ng kanilang pamilya ang pag-asa na makakabalik pa ng Pilipinas ang nakakatandang Duterte.

Dagdag pa ng pangalawang pangulo, nakasaad mismo sa opisyal na dokumento ng kanyang ama sa ICC ang pagtanggap nito sa kanyang sinapit sa kamay ng international tribunal. (Daris Jose)

Tiniyak na mas magiging maayos Ang serbisyong medikal… 7-storey na Ospital ng Tondo, itatayo – Yorme Isko

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na mas magiging maayos ang serbisyong medikal sa mga residente ng ikalawang distrito sa Tondo sa sandaling maisakatuparan at maitayo na ang bagong 7-storey hospital na Ospital ng Tondo.

Ang paniniyak ay ginawa ni Domagoso kasabay ng pagbili ng city government ng lupang pagta­tayuan bagong OsTon na 350% na mas malaki sa dati. Ang OsTon na dating kilala bilang Emmanuel Hospital, ay magbibigay ng mas malawak, mas mo­derno, at mas kumpletong serbisyong pangkalusugan para sa mga taga-Tondo at karatig-lugar.
Kasama sa pondo para sa pagpapatayo nito ang ibinigay ng national government bilang Local Government Support Fund (LGSF), na patunay ng matibay na kolaborasyon ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila at ng national government.

“Bagama’t fiscally challenged ang Maynila, patuloy na ipinagkakatiwala ng mga taxpayer ang kanilang hard-earned money sa pamahalaang lungsod, with our commitment to spend it efficiently, diligently and effectively,” dagdag ni Domagoso.
Ang itatayong Ospital ng Tondo ay bahagi ng mas malawak na programa ng pamahalaang lungsod na nakatuon sa Minimum Basic Needs, kabilang na ang pangangalagang pangkalusugan.
(Gene Adsuara)

Barrios, dedepensahan ang WBC title vs Ryan Garcia

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG depensahan ni Mario Barrios ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight champion, sa Sabado (araw sa Amerika) laban sa social media personality na si Ryan Garcia.

Haharapin ni Barrios (29-2-2) si Garcia, na isa rin sa tinuturing talentadong boksingero ngunit naging kontrobersyal sa nakalipas na tatlong taon dahil sa suspensyon, kaso, at iba pang isyu.

“I know I’m the champion for a reason,” ani Barrios. “Every time I get in there, I leave it all in there.”
Bagama’t siya ang kampeon, itinuturing na underdog si Barrios laban kay Garcia (24-2). Sa edad na 27, sinasabing papasok pa lamang sa prime si Garcia, at ang panalo laban kay Barrios ay magbibigay sa kanya ng WBC belt at posibleng makapagpabago sa imahe niya matapos ang sunod-sunod na kontrobersiya.

Gilas Pilipinas hindi umubra sa New Zealand 69-66

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKAMIT ng Gilas Pilipinas ang unang talo sa window 2 ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers.Miss Universe Philippines

Ito ay matapos na talunin sila ng New Zealand 69-66 sa laro na ginanap sa MOA Arena.

May tsansa pa sana na madala sa overtime ang laro subalit hindi nakapasok ang three-points attempt ni Dwight Ramos sa ilang huling segundo ng laro.

Nagtala si Rmos ng 16 points at walong rebounds habang mayroong 15 points si CJ Perez.

Susunod na laban ng Gilas ay sa powerhouse na Australia sa araw ng Linggo.News subscription service

PUGANTENG KOREAN NATIONAL, MULING NAARESTO NG BI

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING naaresto ng Bureau of Immigration, katuwang ang National Bureau of Investigation, ang Korean fugitive na si Lee Jingyu matapos ang dalawang buwang manhunt.

Ayon sa ulat, nadakip si Lee, 32 noong gabi ng Pebrero 26 sa Diosdado Macapagal Boulevard sa Parañaque City. Siya ay may nakabinbing deportation order at kabilang sa Red Notice ng Interpol kaugnay ng umano’y drug smuggling. Nakatakas siya noong Enero 1 mula sa BI Warden Facility at nagtago sa iba’t ibang lugar, kabilang ang Baguio.

Naaresto rin ang isa pang Korean na si In Jaesang na umano’y tumutulong sa kanyang pagtakas at walang maipakitang dokumento sa imigrasyon.

Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado na walang ligtas na lugar sa bansa ang mga dayuhang lumalabag sa batas at patuloy ang kampanya laban sa transnational crime alinsunod sa direktiba ni Ferdinand R. Marcos Jr..

Samantala, iniulat din ng BI na na-deport na ang Korean na si Na Ikhyeon, na wanted sa Korea dahil sa umano’y investment scam. Siya ay umalis sakay ng Asiana Airlines mula sa Ninoy Aquino International Airport.

Patuloy ang koordinasyon ng mga awtoridad upang tiyaking mahaharap sa hustisya ang mga dayuhang sangkot sa krimen. (Gene Adsuara)

PDEA AT BOC, MULING PINAGTIBAY ANG KANILANG STRATEGIC PARTNERSHIP UPANG PAIGTINGIN ANG LABAN KONTRA ILIGAL NA DROGA SA BANSA

Posted on: February 28th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING pinagtibay ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Bureau of Customs (BOC) ang kanilang strategic partnership upang paigtingin ang laban kontra iligal na droga sa bansa.

Ang panibagong kolaborasyon ay pormal na pinagtibay sa pamamagitan ng isang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez at BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno nitong Pebrero 26, 2026, sa PDEA National Headquarters sa Quezon City. Ang seremonya ng paglagda ay dinaluhan ng mga pangunahing opisyal mula sa parehong ahensya na hudyat ng nagkakaisang pangako sa pangangalaga sa mga hangganan ng bansa.

Sa ilalim ng bagong kasunduan, pagbubutihin ng PDEA at BOC ang koordinasyon sa operasyon sa pamamagitan ng mas mataas na pagbabahagi ng impormasyon, mga integrated system at magkasanib na pagsisikap na tumutuon sa pagpupuslit, pag-angkat, transportasyon at transshipment ng mga ilegal na droga at mga controlled precursors and essential chemicals (CPEC).

Binigyang-diin din ng MOA ang digital na inobasyon bilang pundasyon ng seguridad sa hangganan. Ang parehong ahensya ay magpapatupad ng mga integrated database, mga pre-shipment inspection system at mga modernisadong pasilidad sa pag-scan na gagawing mas matatag.

Isang pangunahing katangian ng pakikipagsosyo ang pagtatatag ng isang Drug Interdiction Task Group na idinisenyo upang pagyamanin ang mas malapit na kolaborasyon sa pagitan ng PDEA at BOC. Ang task group ang mamamahala sa pagpapalitan ng impormasyon, magkasanib na imbestigasyon sa mga pinaghihinalaang aktibidad ng pagpupuslit ng ilegal na droga at pagbabahagi ng mga pinakamahusay na kasanayan at kadalubhasaan sa operasyon.

Binigyang-diin ni Director General Nerez ang kahalagahan ng panibagong pakikipagsosyo. “This agreement sends a clear message to drug syndicates; our ports are not safe havens for drug trafficking. By combining PDEA’s expertise with BOC’s border control capabilities, we are determined to intercept illegal drugs before they reach our communities.”

Dagdag pa niya, “Drug smuggling is a complex and evolving threat. Unified action across law enforcement agencies ensures that every opportunity to exploit our borders is met with swift, decisive action.”

Upang lalong maging makabuluhan ang panibagong MOA, noong Pebrero 10, 2026, matagumpay na naisagawa ng PDEA at BOC, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police (PNP), ang isang malaking operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta sa pagkakasamsam ng humigit-kumulang 41 kilo ng methamphetamine hydrochloride o mas kilala sa tawag na “shabu,” na tinatayang aabot sa halagang ₱278,000,000.00.

Ang ilegal na kargamento ay naharang sa Manila International Container Port (MICP) sa North Harbor, Manila na nagpapakita ng pinalakas na kolaborasyon ng mga ahensya sa pagitan ng mga ahensya sa paglaban sa pagpasok ng ilegal na droga sa bansa. (PAUL JOHN REYES)