• April 26, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January, 2026

Pinay tennis star Alex Eala, bigo sa semis ng ASB Classic laban kay Wang Xinyu

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BIGO ang Pinay tennis star na si Alex Eala sa semifinals bid sa ASB Classic matapos talunin ni Wang Xinyu ng China.

Sa kanilang laban, nakabawi si Eala mula sa mabagal na simula at nakuha ang unang set ngunit nanaig si Wang sa huling dalawang set.

Natapos ang laban sa score na 7-5, 5-7, 4-6 pabor kay Wang.

Dahil dito, si Wang ang umusad sa finals kung saan makakaharap niya si Elina Svitolina ng Ukraine o si Iva Jovic ng USA.

Para kay Eala, ito ang unang torneo ngayong 2026 matapos ang matagumpay na 2025 season kung saan nakapasok siya sa WTA Top 100 at nagwagi ng unang WTA 125 title.

Bagama’t hindi nakapasok sa finals, ipinakita ni Eala ang kanyang husay at determinasyon laban sa mas mataas na ranggong kalaban sa WTA.

UCC COLLEGE OF LAW, NAKAKUHA NG 72.73 PERCENT PASSING RATE SA 2025 BAR EXAMINATIONS

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagmarka ang University of Caloocan City – College of Law (UCC-COL) sa Philippine Bar Examinations nang makamit nito ang 72.73 porsyentong passing rate sa 2025 Bar Exams, na mas mataas sa pambansang average na 48.98 porsyento.
Umabot sa 16 bagong abogado mula sa UCC-COL ang nakapasa ngayon, pinakamataas na bilang sa medyo batang kasaysayan nito bilang isang institusyon ng edukasyong legal at lalong nagpapatunay sa patuloy nitong mahusay na pagganap sa itinuturing na isa sa pinakamahirap na licensure exams sa bansa.
Binati ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga bagong abogado at itinuring ang kanilang tagumpay at ang mataas na passing rate ng UCC sa Bar Exams bilang isang ipinagmamalaki ng buong lungsod.
“Congratulations to our new UCCian lawyers! Pinasasalamatan at binabati rin natin ang buong UCC-COL sa pagkakamit ng 72.73% overall passing rate at sa inyong patuloy na paghubog sa mga mag-aaral upang maging mahuhusay na abogado,” ani Mayor Along.
“Sa ating mga bagong abogado, patunay kayo ng sipag, talino, at determinasyon ng Batang Kankaloo. Nawa’y gamitin ninyo ang inyong kaalaman at kakayahan sa pagseserbisyo nang tapat at may integridad para sa bayan,” dagdag niya. (Richard Mesa)

Goitia: Disiplina ang Sandigan ng Republika, May Tamang Lugar ang Pagtutol

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KAPAG ang isang aktibong opisyal ng militar tulad ni Audie A. Mongao ay hayagang nagbawi ng personal na suporta sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi ito simpleng usapin ng malayang pagpapahayag. Ito ay usapin ng posisyon at pananagutan.
“Sa isang demokrasya, karapatan ng mga sibilyan ang tumutol,” ani Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
“Ngunit kapag ikaw ay naka-uniporme, mas makitid ang espasyong ginagalawan mo. Iyon ang presyo ng disiplina.”
Hindi ito teknikalidad. Ang malinaw na hangganang ito ang nagpoprotekta sa republika laban sa kaguluhang nagsisimula kapag inuuna ang personal na opinyon kaysa tungkulin.
May mga pahayag na hindi hiwalay sa kanilang timing. Noong Enero 9, binawi ni Colonel Mongao ang kanyang suporta sa Pangulo. Dalawang araw lamang ang pagitan mula sa mass oath-taking ng mga bagong heneral noong Enero 7, kung saan hindi siya kabilang. Sa ganitong pagkakasunod, natural lamang na magtanong: ito ba ay prinsipyo, o personal na hinanakit?
Ang kapangyarihan ng Pangulo bilang Commander in Chief ay hindi nakabatay sa personal na pagsang-ayon ng sinumang opisyal, anuman ang ranggo o haba ng serbisyo. Ito ay nagmumula sa Saligang Batas at sa soberanong mandato ng sambayanang Pilipino.
“Ang moral na kapangyarihan ay hindi inaangkin,” wika ni Goitia. “Ito ay ibinibigay ng batas, inaalagaan ng mga institusyon, at hinahatulan ng kasaysayan.”
Kapag ang personal na saloobin ay inilalagay bilang moral na pamantayan laban sa sibilyang pamahalaan, nasisira ang balangkas ng Konstitusyon na sinumpaang pangalagaan ng sandatahang lakas.
Ang tugon ng pamunuan ng militar ay malinaw at may pagpipigil. Kinumpirma ni Michael G. Logico, Commander ng Training Command, na si Colonel Mongao ay pansamantalang inalis sa kanyang puwesto habang iniimbestigahan, kaugnay ng posibleng pananagutang administratibo at legal sa kanyang pahayag online.
Kasabay nito, nilinaw na patuloy ang pakikipag-ugnayan sa opisyal at ang pagbibigay ng kinakailangang emosyonal na suporta.
“Lakas ng Sandatahang Lakas ang mahigpit na tuntunin na ipinatutupad nang walang palabas,” ani Goitia. “Magkasabay na tungkulin ng pamunuan ang pananagutan at malasakit.”
Sa kasalukuyang administrasyon, nananatiling tahimik ngunit propesyonal ang Armed Forces of the Philippines, hindi kumakampi sa alinmang panig, at nananatiling tapat sa Konstitusyon. Hindi ginagamit ang command para sa pulitika, at hindi ginagawang simbolo ng pansariling interes ang uniporme.
“Mga katotohanan ito,” wika ni Goitia.
“At hindi ito anyo ng isang institusyong nawalan ng moral na paninindigan.”
Kapag ang mga sundalo ay nahila sa pulitika, ang unang nasasakripisyo ay ang tiwala ng mamamayan sa isang institusyong inaasahang manatiling neutral sa usaping pulitikal.
Hindi na bago ang aral ng kasaysayan. Kapag ang disiplina sa loob ng hanay ay napapalitan ng pansariling interes o pagpapapansin, ang katatagan ng republika ang unang naaapektuhan.
“Ang uniporme ay hindi entablado,” giit ni Goitia. “Ito ay pananagutan.”
Maaaring punahin ang pamahalaan sa sibilyang espasyo. Ngunit kapag ang militar ay nagsalita sa pulitika, nawawala ang linaw ng hangganan at ang tiwala ng bayan.
Hindi ingay ang kailangan ngayon. Ang kailangan ay tahimik na linaw ng isip at paninindigang hindi natitinag.
Matibay ang bansa kapag ang bawat institusyon ay nananatili sa papel na itinakda ng Saligang Batas.
“Diyan nagmumula ang tibay ng ating demokrasya,” pagtatapos ni Goitia, “hindi sa pagsuway, kundi sa disiplina.”
(Richard Mesa)

Pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan… 4 dedo sa higit 30 oras na Traslacion

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

APAT ang nasawi sa kasagsagan ng Traslacion na inabot ng higit 30 oras bago tuluyang nakabalik ang imahe ng Jesus Nazareno sa Minor Basilica sa Quiapo.
“We already have the number of casualties reported to us from the time that the andas arrived at Quiapo Church. We have a total of four casualties,” ani Father Robert Arellano, tagapagsalita ng Nazareno 2026.
Ayon kay Arellano, mas mataas ang bilang ng nasawi ngayong taon kumpara sa mga nakaraang Traslacion.
Sa pahayag ni Dr. Cynthia Versoza, chairperson ng Jose Reyes Memorial Medical Cen­ter (JRMMC) Emergency Medicine Complex, ang tatlo ay kabilang sa 23 pasyente na dinala sa kanila. Dead-on-arrival ang dalawa na kapwa nag-collapse at isa ay na-revive pa sa ospital subalit hindi nagtagal ay binawian din ng buhay, na atake rin sa puso ang dahilan.
Hindi pa malinaw kung kasama sa apat ang photojournalist na si Itoh Son na nasawi naman habang nagko-kober sa Quirino Grandstand.
Nabatid na tuluyang nakapasok sa gate ng Quiapo Church ang imahe ng Nazareno alas-10:50 ng umaga ng Enero 10 matapos ang 30 oras, 50 minuto at 1 segundong paglalakbay. Ito na ang pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Alas-4:00 ng mada­ling araw nang tumulak mula sa Quirino Grandstand ang prusisyon, na sinasabing pinakamaaga din kumpara sa mga naunang Traslacion.
Sa datos ng Quiapo Church, umabot sa 9,640,290 deboto ang lumahok sa tradisyunal na Traslacion ngayong 2026.
Noong 2025 Traslacion ay nagtala ng 8.1 milyon, na nagtagal ng 20 oras at 45 minuto.
Sinabi ng Simbahan na ang matagal na prusisyon ay sanhi ng aberya tulad ng pagkakaroon ng sira sa gulong ng andas at napatid na lubid na kinailangang palitan, bukod pa sa hindi napigilang mga deboto na nakaharang sa unahan at pagpupumilit na makasampa sa andas.
Bago alas-5 madaling­ araw, nagpasiya ang mga opisyal ng Simbahan na ipasok upang manatili pansamantala ang Poong Nazareno sa San Sebastian Church dahil sa sobrang pagod na ang mga health staff at mga pari.
Iginiit ng mga pari na bilang simbolo umano ng ika-10 anibersaryo ng “dungaw” sa nasabing simbahan, nais nilang umuwi muna kay Mama Mary ang Nazareno, subalit hindi ito nangyari nang pihitin ng mga deboto at Hijos ang paghila sa andas upang ituloy ang pagbabalik sa Quiapo Chruch.
Umabot naman sa 849 deboto ang binigyan ng medical attention si­mula Enero 8 hanggang alas-7:30 ng umaga ng Enero 10, ayon sa Philippine Red Cross.
May 19 na may mas malalang kalagayan ang kinailangang dalhin sa mga ospital.
Nakapagtala naman ang Quiapo Church ng 1,057 medical cases sa nasabing religious festivity.
May mga establisimyentong napinsala matapos sumabit ang andas sa pagdaan sa maliliit na kalye. ( Gene Adsuara)

Phivolcs: Pag-alboroto ng Mayon, abutin ng 6 na buwan bago humupa

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TATAGAL umano ng anim na buwan bago humupa ang pagnganga­lit ng Bulkang Mayon sa Bicol.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, kung pagbabasehan ang naganap na pag-aalboroto ng bulkan noong 2023, umabot lamang sa higit 3 kilometro ang lava flow pero itong aktibidad ng Mayon sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang pagluwa ng lava o nagbabagang apoy mula sa bulkan.
Niliwanag din ni Bacolcol na ang malakas na volcanic unrest ay mabilis lamang hindi katulad ng mahina gaya ng ipinapakita ngayon ng bulkan.
Batay aniya sa record, noong pumutok ang Mayon noong 2018 ay nagtagal ito ng dalawang buwan bago humupa habang noong sumabog ang bulkan taong 2000 ay umabot lamang ito ng dalawang lingo hanggang sa nanahimik na pero umabot ito sa alert level 5 status kaya ipinagbawal ang pagpasok ng sinuman noon sa 8 km radius mula sa bunganga ng bulkan.
Binigyang diin ni Bacolcol na bagama’t patuloy ang matinding aktibidad, wala pang dahilan na isailalim ito sa Alert level 4 status dahil wala pang nasusubaybayang matinding parameters tulad ng pagtaas nang madalas na Pyroclastic Density Currents (PDCs) o “uson”, lava fountaining, lava flow at madalas na volcanic earthquakes.
Niliwanag nito na ang nailuwa ng naturang bulkan ay hindi lava, uson at rockfalls na nakikita sa gabi na kulay pula na nagniningas.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng pamumuo ng lava flow, 150 Rockfall events, 90 PDCs, crater glow, pag­luwa ng 195 tonelada ng asupre, at pamamaga ng bulkan.
Ang Mayon ay nasa ilalim ng Alert level 3 o nangangahulugan ng mataas na aktibidad sa bulkan. ( Daris Jose)

Libreng Pneumonia Vaccine Handog ni Bokal Angelica Jones Alarva sa Buwan ng kanyang Kaarawan sa Bayan ng Rizal Laguna

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagsagawa ng Libreng Pneumonia Vaccine na handog ni Bokal Angelica Jones Alarva sa Bayan ng Rizal Laguna para sa mga nakayatanda noong ika- 9 ng Enero, 2026, sa RHU Rizal Laguna.

Ito ay pinangunahan ng butihing Board Member ng Ikatlong Distrito ng Laguna na si Bokal Angelica Jones Alarva katuwang ang Pamahalaan Bayan ng Rizal Laguna sa Pangunguna ni Mayor Vener Munoz, at kinatawan nito na si Admin Chris Esleta.

Labis ang pasasalamat ni Bokal Angelica sa mga naging katuwang nila tulad ni Philippine Charity Sweepstakes Office Director Imelda Papin, Gobernadora Sol Aragones, Ina ng Lalawigan ng Laguna, Congressman Loreto “Amben” Amante, Kongresista ng Ikatlong Distrito ng Laguna.

Kasama ang buong medical team na ipinadala ni Gobernadora Sol Aragones na sina Dra.Grethel, Dra. Malapitan, Dra. Heny, Dr. James Lee Ho, at Dr. Audie Public Affairs, Life Saver, Turkz at 2World.

Dahil sa birthday month ng nasabing Bokal ay magkakaroon nang malakihang Medical and Dental Mission katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Calauan at ng PCSO at ni Congressman Amben Amante sa darating na Enero 18, 2026 sa Lamot 2, Calauan Laguna.
(Jeremiah Solomon/ Photos Boy Morales Sr.)

Inagurasyon at Blessings ng Bagong Modernong Gusaling Paaralan sa Padre Garcia

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINASINAYAAN ang dalawang palapag na Bagong Gusaling Modernong Pampublikong Paaralan ng Padre Garcia Central School na isinagawa ika-8 ng Enero, 2026 sa nasabing eskwelahan.
Ito ay pinangunahan ng Pamahalaang Bayan sa pamumuno ni Mayor Celsa B. Rivera kasama si Vice Mayor Micko Rivera sa nasabing seremonya ng ribbon cutting kasama sina Bb.Marites Ibañez, CESO V at miyembro ng Sangguniang Bayan na sinundan ng pagbebendisyon ng buong gusali sa pangunguna ni Rev. Fr. Royger Ballaran, OSJ.

Dumalo rin sa nasabing programa ang mga guro, school heads, at ilang PTA Officers ng paaralan.
Sa ginanap na maikling programa ay ipinangako ng Bise Alkalde na si Vice Mayor Micko Angelo Rivera para sa mga l mamamayan at SB Committee Chair on Education, na hindi siya titigil sa pagkalap ng pondo upang patuloy na mapunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga kabataan.
“Only in Padre Garcia!” saad ni Ma’am Marites Ibañez, CESO V, Schools Division Superintendent, na hindi naitago ang pagkamangha sa malalaking proyektong nagsusulputan sa munti ngunit kasiya-siya at kahanga-hangang bayan.
Labis ang pasasalamat ng Pamahalaang Bayan ng Padre Garcia sa Pamumuno ng ina ng Bayan na si Mayor Celsa B. Rivera Sa tulong ni Senator JV Ejercito para maisagawa ang nasabing proyekto para sa mga mag-aaral ng mga Garciano.
(Yvonne Bagang/ Photos Boy Morales Sr.)

2 PASAHERO NA BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING, INILIGTAS NG BI

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang lalaking pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na ni-recruit para magtrabaho nang illegal sa Russia.
Ang dalawang pasahero, kapwa lalaki at may edad na 48 at 52, ay naharang habang patungong Hong Kong sakay ng isang flight ng Cathay Pacific.
Una nilang iginiit na sila ay maglalakbay bilang mga turista, subalit hinarang matapos mapansin ang maraming hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag.
Nakakuha ang BI ng impormasyon mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) hinggil sa isang malaking grupo ng mga indibidwal na umano’y nagre-recruit para sa trabaho sa Russia. Sa isinagawang secondary inspection, inamin ng mga pasahero na sila ay na-recruit upang magtrabaho sa Russia at na sa Hong Kong pa nila hihintayin ang kanilang mga tiket at visa.
Ibinahagi nila na sila ay na-recruit sa social media na nagsabing legal ang kanilang mga dokumento at nangakong magbibigay ng buwanang sahod na mula 100,000 hanggang 150,000 piso.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa publiko laban sa ganitong mga modus, at iginiit na ang panlilinlang sa anumang yugto ng biyahe ay malinaw na palatandaan ng human trafficking.
“Hindi kailanman legal ang isang biyahe kung kayo ay inuutusang magpanggap na turista, itago ang tunay na destinasyon, o maghintay ng mga dokumento habang nasa ibang bansa na,” ani Viado.
“Ito ay malinaw na mga red flag ng trafficking at pagsasamantala,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ng BI na ang lehitimong pagkuha ng trabaho sa ibang bansa ay nangangailangan ng tamang mga dokumento at malinaw na proseso sa pamamagitan ng mga awtorisadong ahensya ng pamahalaan, at patuloy itong nakikipagtulungan sa IACAT at iba pang ahensya ng batas upang mailigtas ang mga posibleng biktima at maiwasan ang human trafficking.
Ang dalawang nailigtas na pasahero ay isinangguni sa IACAT para sa tulong at para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang mga recruiter. (Gene Adsuara)

(ML) Partylist Rep. Leila M. de Lima, nakiusap na huwag siyang ikumpara kina Trillanes at Sen Bato dela Rosa

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HUWAG ikumpara, ito ang pahayag ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila M. de Lima sa pagkumpara sa kanya at kay dating Senador Trillanes sa sitwasyon ni Senador Bato dela Rosa.
“With due respect, Senate President Tito Sotto should not compare me or Sen. Trillanes with Sen. Bato’s situation,” ani de Lima.
Sinabi ng mambabatas na ang hindi nila pagdalo sa sesyon sa senado noong senador pa siya ay involuntary.
Pahayag pa nito na hindi siya makadalo sa senado dahil nakakulong siya dala ng gawa-gawang kaso na isinampa laban sa kanya ng Duterte administration.
Habang si Sen. Bato aniya ay nagtatago (running away) umano mula sa posibleng pag-aresto ng ICC.
“Kahit nakakulong ako noon at kahit mahirap dahil wala akong kahit anumang gadget, nagtatrabaho po ako bilang Senador sa pagpa-file ko ng maraming bills na ilan sa kanila ay naging batas. Nakiusap pa nga ako na mag-participate sa online sessions and hearings ng Senate during pandemic dahil ginagawa naman na yun, pero hindi napagbigyan ng mayorya ng Senado,” dagdag nito.
Ang kanyang pagsusumikap na magawa ang tungkulin kahit na nakakulong ay malinaw na ebidensiya ng pagtatrabaho at intensiyong makapagtrabaho.
“Wag nyo naman po kaming gamiting excuse sa hindi pagdisiplina sa isang delinkwenteng senador,” pagtatapos ni de Lima.
(Vina de Guzman)

PARAÑAQUE CHIEF LTO OFFICER FLORANTE S. MARTIN

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SADYANG ‘di matawaran ang dedikasyon sa kanyang tungkulin ng masipag na LTO Officer ng Parañaque sa kanyang ” Serbisyo-Publiko “, ang hepe na si Kgg.Florante S. Martin. Sa kanyang matuwid na pamumuno at maayos na pamamalakad ng nasabing tanggapan ng gobyerno hinggil sa mabilisang aksiyon sa bawat pangangailangan ng kanilang mga kliyente sa pagkuha ng lisensiya at iba pang mga dokumento na kanilang pangangailangan.
Maging sa kaayusan at office supplies lahat ay in order. Dahil dito bawat kanyang mga kawani ay malugod at masiglang naglilingkod sa kanilang mga parokyano. Labis naman nagpapasalamat ang bawat kliyente sa tanggapan ng Parañaque LTO sa ilalim ng pamumuno ni Chief Martin dahil hindi sila nahirapan at natatagalan sa pagkuha ng mga dokumento. Sa katunayan makikita sa larawan ang mga plake na iginawad sa kanila ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao. Ang mga Awards na ipinagkaloob sa kanila ay ang Certificate of Recognition: Best Supply Officer ( Mixed) 1st Runner-up awarded to Ms.Sheryl A. Monleon / Best District Office ( Mixed Transaction) awarded to Parañaque District Office for its outstanding performance in both registration and licensing services, showing excellence efficiency and strong dedication to quality “Public Service” that greatly contributed to the goals of LTO -NCR for CY 2025. Higit sa lahat, naipagkaloob ang Certification of Registration : Best Employee 1st Runner-up awarded to: Florante S. Martin for his remarkable dedication, unwavering commitment to ” Public Service” and active involvement in streng thening the agency’s anti -fixing initiatives, thereby enhancing the organizations service delivery for CY 2025. Ang nasabing pagkilala at pagbigay parangal ay ginanap sa Bulwagan Romeo F. Edu, LTO Central Office East Avenue, Quezon City sa pangunguna ni Asec Markus V. Lacanilao. Keep up the Good work Sir!!!( Sonny Asignacion)