• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 20th, 2026

Panukalang exempted na ang mga OFWs mula sa PhilHealth fees, hiling ng mambabatas

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINILING ng mga mambabatas na ipasa na ang panukalang exempt ang mga OFWs mula sa PhilHealth fees.

Ito ay kasunod nang bagong kinakaharap ng mga Overseas Filipino workers (OFWs) na pagtaas na living costs sa abroad at muling pagsilip sa mga social protection programs

Isinusulong ng mga Kongresista ang mabilis na pagpasa ng House Bill (HB) No. 2, na naglalayong mabigyang exemption ang milyong migrant workers mula sa mandatory PhilHealth premium payments.

Ang panukala na inihain ni dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ay sinasabi ng mga mambabatas na napapanahong tugon sa lalaking financial pressure sa mga OFWs dala ng inflation, higher remittance costs, at stricter employment conditions ng mga host countries.

Sinabi ni House Committee on Higher and Technical Education Chairman at Tingog Party-list Rep. Jude Acidre, co-author ng panukala, na nananatiling naka-pending ang hb 2 sa House Committee on Health at sumasailalim sa pagsasaayos sa technical working group (TWG) level.

Sa ilalim ng HB2, ang mga OFWs ay hindi na kinakailangang direktang magbayad ng PhilHealth premiums.

Sa halip, sasagutin ng national government ang kalahati ng kontribusyon, habang ang natitirang kalahati ay sagot naman ng employers.

Ang anumang unused subsidy ay ililipat para mapaganda ang PhilHealth benefits o maibaba ang premiums sa hinaharap.

“The proposed law of former Speaker Romualdez reflects the fact that OFWs contribute far more than their fair share to the economy, sending home remittances, paying taxes, and making sacrifices that keep families and businesses going. Requiring them to pay more for health coverage would be unfair, especially amid mounting global economic challenges,” ani Acidre.
(Vina de Guzman)

Medical Mission handog sa kaarawan ni Bokal Angelica Jones Alarva para sa mga taga-Calauan.

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG Medical and Dental Mission ang handog ni Bokal Angelica Jones Alarva para sa mga kababayan niya sa ikatlong distrito ng Laguna para sa pagdiriwang ng kanyang Kaarawan.

Ang nasabing Medical at Dental Mission ay pinangunahan ng mga doktor , na may libreng mga gamot at libreng massage.

Dinaluhan ito ng espesyal na panauhing pangdangal na si Dir. Imelda Papin ng Philippine Charity Sweepstakes Office o PCSO kasama sina Kapitan Dominggo Audije ng Baranggay Dayap, Konsehal Felix Soriano, Barangay Konsehal ng nasabing Barangay kasama pa ang iba pang Konsehal ng Barangay.

Ito ay idinaos noong ika-18 ng Enero, 2026 sa Sagip Covered Court Barangay Dayap Calauan Laguna.

Humigit kumulang limang daan katao ang dumalo sa nasabing pagdiriwang mula sa Homeowners Associations ng Site 2 at Site 1, SMC Homeowners Associations, Starville Homeowners Associations, Mepatville Homeowners Associations at APAMA Homeowners Association.

Labis ang pasasalamat ni Bokal Angelica Jones Alarva una sa Panginoon, pangalawa sa mga taong walang sawang sumusuporta sa kanya tulad nila Dir. Imelda Papin ng PCSO, Governor Sol Aragones, Congressman Amben Amante, Mayor Osel Caratihan, Kapitan Domingo Audije, at sa mga media tulad ng Bagong Henerasyon News Tv Worldwide , People’s Balita at Laguna Patrol.
(Jeremiah Solomon/Photos Boy Morales Sr.)

TSINOY NA MAY INTERPOL ALERT HULI SA NAIA

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAHULI ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na may Interpol alert matapos dumating sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong ika-11 ng Enero.
Ayon kay Peter de Guzman, Hepe ng Interpol Unit ng BI, kinilala ang suspek na si Xiao Chaoting, 49, na may red notice ng Interpol sa kasong estafa.
Batay sa mga tala, dumating si Xiao sa pamamagitan ng flight ng Cebu Pacific mula Hong Kong. Pagkatapos makumpirma ang alerto, agad na nakipag-ugnayan ang BI Interpol Unit sa NCB Manila at humiling ng kopya ng warrant of arrest ng nasabing indibidwal.
Ang warrant of arrest ay inisyu ng Regional Trial Court, National Capital Region, Branch 297, Lungsod ng Pasay, noong Pebrero 2025.
Batay sa datos, ang kasong ihinaing laban sa kanya ay estafa alinsunod sa Artikulo 315, talata 2(d) ng Revised Penal Code, na nagmula sa mga pangyayaring diumano’y naganap noong Mayo 2023. Ang kaso ay kinasasangkutan ng akusasyon na ang nasasakdal, kasama ang iba pang kasabwat, ay nagloko sa pamamagitan ng pagpapalabas ng mga postdated na tseke sa kabila ng pag-alam na walang sapat na pondo, na nagresulta sa diumano’y pagkawala ng humigit-kumulang na 30 milyong piso.
Matapos mahuli, ang nasabing indibidwal ay pormal na inihain sa National Bureau of Investigation (NBI) para harapin ang kasong isinampa laban sa kanya. (Gene Adsuara)

Puganteng nakatakas sa Iwahig Prison, nadakip sa Caloocan

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAKALIPAS ang 37-taong pagtatago makaraang makatakas mula sa Iwahig Prison and Penal Farm, nadakip na ang 57-anyos na pugante nang matunton ng pulisya sa Caloocan City.

Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz hinggil sa kinaroroonan ng pugante.

Katuwang ang mga tauhan ng Bureau of Corrections-National Capital Region, agad ikinasa ng mga operatiba ng District Investigation and Detective Management Division (DIDM) ng NPD ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa pugante sa Saint Peter St. Brgy. 186, alas-5:30 ng hapon.

Ayon kay BGen. Dela Cruz, wanted sa kasong Murder ang pugante na matapos mahatulan at mabilanggo sa Iwahig Prison ay nagawang makatakas at nakapagtago na mahigit tatlong dekada.

Nagpahatid naman ng pasasalamat si Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. sa pamunuan ng NPD at sa DIDM na nanguna sa pagtunton at pagdakip sa pugante na 37-taon ng tinutugis. (Richard Mesa)

CALOOCAN LGU, NAG-AALOK NG LIBRENG HIV TESTING AT COUNSELING

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAG-AALOK ang Pamahalaang Lungsod ng Caloocan ng libreng human immunodeficiency virus (HIV) testing at counseling services para sa mga nasasakupan nito na higit na nagpapalakas sa kasalukuyang programang pangkalusugan bilang bahagi ng pagsisikap para sa mas accessible medical services.

Ang HIV programs ay maa-avail araw-araw sa dalawang Social Hygiene Clinic ng lungsod sa Caloocan City Hall – South at Brixton Health Center, gayundin sa lahat ng lokal public health centers.

Kinilala ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan na habang ang HIV ay isang public health concern, ang maagang detection at preventive medicine nito ay malaki ang maitutulong para mapigilan ang acquired immunodeficiency syndrome (AIDS), kung saan pumapasok ang mga testing at awareness program para sa mga lokal na komunidad.

“Noon, hindi biro ang magkaroon ng HIV dahil sa kakulangan ng impormasyon at medisina na makakapigil sa paglala nito, ngunit ngayon hindi na taning sa buhay ang pagkakaroon ng HIV dahil na rin sa mga epektibong gamot na nagbibigay sa mga HIV-positive persons na magkaroon ng oportunidad para sa normal na buhay,” ani Mayor Along.

“Kaya po napakahalaga na sa mailapit natin sa mga mamamayan ang mga kaalaman tungkol sa HIV at AIDS upang sa una pa lamang, maagapan na ito at hindi na lumala pa,” dagdag niya.

Binigyang-diin ng alkalde na walang puwang para sa diskriminasyon laban sa HIV-positive sa lungsod at pinaninindigan na mananatiling kumpidensyal ang lahat ng impormasyon ng mga pasyenteng naka-avail ng libreng serbisyo.
(Richard Mesa)

PUGANTENG NAHATULAN SA KASONG RAPE SA CALOOCAN, NAKORNER SA LAGUNA

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TIMBOG ang isang pugante na nahatulan na sa kasong Rape Through Sexual Assault sa Caloocan City nang matunton ng pulisya sa pinagtaguang lugar sa lalawigan ng Laguna.
Ikinasa ng mga tauhan ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Christopher Dela Cruz ang operation matapos magpositibo ang natanggap na impormasyon sa kinaroroonan ng 35-anyos na pugante na nahatulan na ng hukuman sa kasong Rape Through Sexual Assault.

Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth, ang akusado ay nakatala bilang No. 4 sa Top Ten Most Wanted Person sa Caloocan City Police Station.

Dakong alas-5:50 ng umaga nang tuluyang masukol ng kapulisan, sa pangunguna ng Warrant and Subpoena Section ng Caloocan CPS ang akusado sa Maharlika Highway, Brgy. San Juan, Alaminos, Laguna.

Binitbit siya ng pulisya sa bisa ng dalang warrant of arrest na inilabas ni Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 121, na may petsang Disyembre 2, 2025.

Sinabi ni BGen. Dela Cruz na ang NPD ay nananatiling matatag sa kanyang pangako sa pagtugis sa mga pugante at pagtiyak na mabibigyan ng hustisya ang mga biktima. (Richard Mesa)

₱14.835 MILYONG AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NI BAGYONG ‘ODETTE’ SA CEBU

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMABOT sa ₱14,835,000 na tulong pinansyal ang naipamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito para sa mga naging biktima ng bagyo sa Cebu.

Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangasiwaan ni Region 7 Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo ang EHAP distribution sa Mayor Exasperanza S. Binghay Memorial Sports and Cultural Center, Poblacion, Balamban, Cebu.

“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang magkaloob ng tulong-pinansyal sa mga naging biktima ng mga kalamidad. Ito po ay para makatulong ang aming ahensya sa kanilang pagbangon at pagsisimulang-muli,” ani GM Tai.

Ayon sa datos ng ahensya, ang kabuuang bilang na 1,544 na benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-₱10,000 na tulong pinansyal para sa pagkukumpuni ng bahay na lubusang nasira dulot ng kalamidad.

Sa kabuuang bilang, 1,144 pamilya ang nagmula sa Balamban, habang 400 naman ang nagmula sa munisipalidad ng Asturias.

Ang bilang ng mga benepisyaryo ay batay sa nasuring DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) report mula sa local government unit.

Nito lamang nakaraan, pinamunuan ng NHA 7 ang serye ng EHAP distribution para sa mga bikitima ni ‘Odette’ noong Disyembre 2025 upang ma-asistehan ang 5,787 pamilyang naninirahan sa Carcar, Cebu.
Dumalo at nakiisa sa programa sina Cebu Governor Pamela S. Baricuatro, na pinangatawan ni Atty. Jimbo Borgonia, kasama sina Balamban Mayor Amos Edwin C. Cabahug at Asturias Mayor Dana Andrew M. Dumdum na kinatawanan ni Asturias Vice Mayor Reine Yaras. Naging matagumpay na pagsasagawa programa sa pinagsasamang lakas at tulong ng mga empleyado ng NHA, Cebu People’s Action Center (CPAC), at mga local government units.

Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na sumusuporta sa mga pamilyang nasiraan o nawalan ng mga tahanan dahil sa mga natural at man-made na sakuna. Layunin din ng programa na mabigyan ang mga apektadong pamilya ng pinansiyal na tulong upang maayos at muling maitayo ang kanilang mga nasirang tirahan.

Gaya ng binanggit ng NHA 7, inaasahang magsasagawa pa ng ilan pang EHAP payouts ang tanggapan sa mga susunod na buwan, na patunay sa pangako ng ahensya na tiyakin na ang bawat biktima ng bagyo ay mahatiran ng karampatang tulong. (PAUL JOHN REYES)

TRB: Toll hike sa NLEX, epektibo na bukas, Enero 20

Posted on: January 20th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

EPEKTIBO na bukas, Martes, Enero 20, ang pagtaas ng toll rates sa North Luzon Expressway (NLEX).
“Effective January 20, 2026, adjusted toll rates at the North Luzon Expressway (NLEX) will be implemented as approved by the Toll Regulatory Board (TRB),” anunsiyo ng TRB.
Ayon sa regulatory board, kabilang sa magtataas ng toll rates ay ang ‘Open System’ o ang Balintawak, Caloocan, Mindanao Avenue hanggang North of Marilao.
Ang mga Class 1 vehicles ay magkakaroon ng P6 na pagtaas sa toll; P12 naman para sa Class 2 at P16 para sa Class 3 vehicles.
Magtataas din ng toll rates sa ‘Closed System’ o ang North of Marilao hanggang Sta. Ines, Mabalacat City, kada kilometro, VAT exclusive.
Para sa Class 1, magtataas ng P0.26; P0.65 sa Class 2 at P0.78 sa Class 3.
Para sa Subic-Tipo, may toll hike na P3 sa Class 1; P6 sa Class 2 at P7 sa Class 3.
Ang NLEX End-To-End naman o yaong mula Marilao hanggang Sta. Ines, Mabalacat City ay magkakaroon ng toll increase na P24 sa Class 1; P60 sa Class 2 at P72 sa Class 3.
“This adjustment will ensure the continued operations, maintenance, and improvements of NLEX – for a safer, faster, and more convenient travel experience for all motorists,” anang TRB.
Ang mga Class 1 vehicles ay kinabibilangan ng regular cars at sports utility vehicles (SUVs) habang ang Class 2 naman ay yaong mga bus at maliliit na truck.
Samantala, ang Class 3 vehicles ay kinabibilangan ng malalaking truck.

Ads January 20, 2026

Posted on: January 20th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments