₱14.835 MILYONG AYUDA, IPINAMAHAGI NG NHA SA MGA BIKTIMA NI BAGYONG ‘ODETTE’ SA CEBU
- Published on January 20, 2026
- by @peoplesbalita
UMABOT sa ₱14,835,000 na tulong pinansyal ang naipamahagi ng National Housing Authority (NHA) sa pamamagitan ng Emergency Housing Assistance Program (EHAP) nito para sa mga naging biktima ng bagyo sa Cebu.
Sa patnubay ni NHA General Manager Joeben A. Tai, pinangasiwaan ni Region 7 Regional Manager Engr. Hermes Jude D. Juntilo ang EHAP distribution sa Mayor Exasperanza S. Binghay Memorial Sports and Cultural Center, Poblacion, Balamban, Cebu.
“Sa direktiba ng ating mahal na Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr., ang NHA po ay may nakalaang pondo para sa EHAP upang magkaloob ng tulong-pinansyal sa mga naging biktima ng mga kalamidad. Ito po ay para makatulong ang aming ahensya sa kanilang pagbangon at pagsisimulang-muli,” ani GM Tai.
Ayon sa datos ng ahensya, ang kabuuang bilang na 1,544 na benepisyaryo ay nakatanggap ng tig-₱10,000 na tulong pinansyal para sa pagkukumpuni ng bahay na lubusang nasira dulot ng kalamidad.
Sa kabuuang bilang, 1,144 pamilya ang nagmula sa Balamban, habang 400 naman ang nagmula sa munisipalidad ng Asturias.
Ang bilang ng mga benepisyaryo ay batay sa nasuring DSWD-Disaster Response Operations Management, Information and Communication (DROMIC) report mula sa local government unit.
Nito lamang nakaraan, pinamunuan ng NHA 7 ang serye ng EHAP distribution para sa mga bikitima ni ‘Odette’ noong Disyembre 2025 upang ma-asistehan ang 5,787 pamilyang naninirahan sa Carcar, Cebu.
Dumalo at nakiisa sa programa sina Cebu Governor Pamela S. Baricuatro, na pinangatawan ni Atty. Jimbo Borgonia, kasama sina Balamban Mayor Amos Edwin C. Cabahug at Asturias Mayor Dana Andrew M. Dumdum na kinatawanan ni Asturias Vice Mayor Reine Yaras. Naging matagumpay na pagsasagawa programa sa pinagsasamang lakas at tulong ng mga empleyado ng NHA, Cebu People’s Action Center (CPAC), at mga local government units.
Ang EHAP ay isa sa mga programa ng NHA na sumusuporta sa mga pamilyang nasiraan o nawalan ng mga tahanan dahil sa mga natural at man-made na sakuna. Layunin din ng programa na mabigyan ang mga apektadong pamilya ng pinansiyal na tulong upang maayos at muling maitayo ang kanilang mga nasirang tirahan.
Gaya ng binanggit ng NHA 7, inaasahang magsasagawa pa ng ilan pang EHAP payouts ang tanggapan sa mga susunod na buwan, na patunay sa pangako ng ahensya na tiyakin na ang bawat biktima ng bagyo ay mahatiran ng karampatang tulong. (PAUL JOHN REYES)