ARESTADO ang apat na kalalakihan kabilang ang dalawang hinihinalang drug personalities nang maaktuhan ng pulisya na nagsusugal sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa ulat, habang nagsasagawa ng Anti-Criminality Operation “Oplan Galugad” ang mga tauhan ng Gen T De Leon Police Sub-Station 2 sa Demetillo St., Brgy. Gen T De Leon nang maaktuhan nila ang dalawang kelot na nagsusugal umano ng cara y cruz dakong alas-8 ng gabi.
Kaagad nilapitan nila ang dalawa sabay nagpakilala bilang mga pulis bago inaresto at nakumpiska sa mga suspek ang bet money, pangara at isang plastic sachet na naglalaman ng umano’y shabu na nakuha kay alyas “Renz”.
Bandang nang matiyempuhan naman ng mga tauhan ng Bignay Police Sub-Station 7 ang dalawang lalaki na naglalaro din ng sugal na cara y cruz sa Northville 2, Brgy., Bignay.
Hindi na nakapalag ang dalawa nang damputin sila ng mga pulis at nasamsam sa kanila ang bet money at gamit na pangara habang ang isang plastic sachet ng hinihinalang shabu ay nakuha sa isa sa kanila.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 1602 (Anti-illegal Gambling Law) habang karagdagan na kasong paglabag sa R.A 9165 (Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002) ang kakaharapin pa ng dalawa sa kanila. (Richard Mesa)