Dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez itinanggi ang alegasyon na nag-uugnay sa kanya sa mga Discaya
- Published on January 16, 2026
- by @peoplesbalita
WALANG kinalaman si dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa alegasyon na nag-uugnay sa kanya sa mga Discaya,
pahayag ito ni Atty. Ade Fajardo, abogado at spokesperson ni Leyte Rep. Romualdez.
Kaugnay ito sa lumabas na ulat na iniuugnay si dating Speaker Romualdez sa paggamit sa mga Discaya sa pagbili ng ari- arian.
Ayon kay Fajardo, hindi nakipagpulong o nakipagkita si Romualdez sa mga Discaya at nakilala lamang sila base sa sinasabi sa media reports.
“As such, the claim in the report about using the Discayas as a front in a property purchase is outright baseless,” anang abogado.
Una na rin aniyang inihayag ng mga Discaya sa Kamara na wala silang direktang transaksyon kay Romualdez.
Sa kanyang testimonya sa Kamara noong September 2025, sinabi ni Curlee Discaya na “gusto ko lang pong linawin na wala po akong direktang transaksyon. Hindi po ako nagkaroon ng anumang klaseng transaksyon kay Speaker Martin Romualdez.”
Sinabi pa ni Discaya na ginamit lamang ng iba ang pangalan ng Speaker kahit wala naman itong personal knowledge, humarap sa meeting o transaction.
Ang naturang sinumpaang salaysay ni Discaya ay bahagi ng official congressional record at direktang tumataliwas sa lumalabas na alegasyon laban sa dating Speaker.
“Let us be reminded that allegations cannot override testimony given under oath. Facts cannot be replaced by speculation,” ani Fajardo.
Ninirespeto aniya ni Rep. Romualdez ang institutional processes at kumpiyansa na ang anumang patas at evidence-based inquiry ay magpapatunay sa katotohanan.
(Vina de Guzman)