• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 10th, 2025

Sabit sa imbestigasyon ukol sa flood control projects: Magkapatid na Cong. Eric at Edvic Yap, at iba pa nakakasa na ang freeze order

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS na ang Court of Appeals ng freeze order laban sa mga bank accounts, ari-arian, at sasakyang panghimpapawid na may kaugnayan sa mga maanomalyang flood control projects na iniimbestigahan ngayon ng gobyerno.
Ito ang ibinalita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang pinakabagong podcast, araw ng Martes, Disyembre 9, 2025.
Sinabi ng Pangulo na sakop ng freeze order ang mga account at ari-arian ng Silverwolves Construction Corporation at Sky Yard Aviation Corporation, pati na rin ang mga personal accounts at assets ng mga indibidwal na sangkot sa imbestigasyon — kabilang sina Benguet Congressman Eric Yap at representative ng ACT-CIS Partylist sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas na si Edvic Yap.
Aniya, may mahigit ₱16 bilyon ang pumasok sa mga transaksiyon ng Silverwolves mula 2022 hanggang 2025, na karamihan ay may kaugnayan sa mga flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Iniulat pa ng Pangulo na may kabuuang 280 bank accounts ang na-freeze. May 22 insurance policies, 3 securities accounts at 8 sasakyang panghimpapawid, kabilang ang mga eroplano at helicopter na konektado sa Sky Yard Aviation.
“Kailangan natin ang mga freeze order na ito para hindi maibenta ang mga ari arian at para maibalik natin sa ating mga kababayan ang bawat pisong pinaghihinalaang ninakaw,” ayon sa Pangulo.
At para sa mga Pilipinong paulit-ulit na binabaha, nawawalan ng bahay at kabuhayan, ang pangako ng Pangulo ay “Hindi na maaaring nakawin ang pondong para sa inyo at basta na lamang tumakas sa hustisya.”
Samantala, may 8 taga -DPWH sa Davao Oocidental ang nag padala ng sulat na sila ay susuko sa NBI dahil sa hinaharap nilang kaso.
Inaasahan din aniya na lalabas ang warrant of arrest ni sarah discaya ngayong linggo at hindi na rin magtatagal ang pag aresto sa kanya.
“Magpapatuloy ang imbestigasyon.
Magpapatuloy ang pagpapanagot.
At sisiguraduhin ng pamahalaan na ang pera ng bayan ay maibabalik sa taumbayan,” diing pahayag ni Pangulong Marcos. ( Daris Jose)

Habang naghihintay ng warrant of arrest… Sarah Discaya, humarap sa NBI para sumuko

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na nagtungo sa tanggapan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontratistang si Sarah Discaya n
kahapon, Dec 9..

Ang kanyang pagdating ay kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipaaaresto siya sa oras na lumabas ang warrant mula sa korte.

Kinakaharap ni Discaya ang kasong malversation at graft na isinampa ng Office of the Ombudsman kaugnay sa maanomalyang flood control project sa Davao Occidental.

Ang proyekto na nagkakahalaga ng P96.5 milyon ay idineklarang tapos na noong 2022 ngunit natuklasang hindi umiiral matapos ang imbestigasyon ng CIDG.
Konektado si Discaya sa mga kumpanyang nakakuha ng malaking bahagi ng flood control contracts, kabilang ang Alpha & Omega General Contractor & Development Corporation.
Kasama rin sa kaso ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na sangkot sa naturang proyekto.
Ayon sa Pangulo, hindi makakatakas sa hustisya ang mga sangkot sa katiwalian at inaasahang lalabas ang warrant ngayong linggo.
Ang pagharap ni Discaya sa NBI ay nakikitang mahalagang hakbang sa mas malawak na imbestigasyon laban sa korapsyon sa mga proyektong pang-imprastruktura ng pamahalaan. ( Daris Jose)

Navotas Education Summit 2025

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DUMALO si Navotas City Mayor John Rey Tiangco sa ginanap na 2025 Navotas Education Summit at nanawagan siya sa bagong henerasyon ng mga mag-aaral na maaaring “Mangarap nang may katapangan, kumilos nang responsable, at mag-angat sa kanilang komunidad,” na binibigyang-diin na ang tunay na tagumpay ay hindi lamang nakasalalay sa kahusayan sa akademiko kundi pati na rin sa pag-aalaga ng mga produktibo at mahabagin na mamamayan.
(Richard Mesa)

WALANG TEMPORARY PERMITS PARA SA MGA TNVS, LTFRB NANGAKONG TATAPUSIN ANG ILEGAL NA GAWAIN

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon Giovanni Z. Lopez, na tatapusin ang ilegal na gawain ng pagpapatakbo ng mga ride-hailing vehicles gamit ang tinatawag na “temporary permits.”

Nilinaw ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na walang umiiral na “temporary permits” at ang sinumang Transport Network Vehicle Service (TNVS) o public transport driver na nagsasabing mayroon nito ay malinaw na lumalahok sa ilegal na operasyon.

“Walang tinatawag na tempo o temporary permits. Ang sinasabing tempo ay peke. Ang LTFRB ay nag-iisyu lamang ng provisional authority o authority to operate,” ani Chairman Mendoza.

Nagbabala rin siya sa mga Transport Network Companies (TNCs) na ayusin ang kanilang hanay at tiyaking lahat ng TNVS sa kanilang platform ay sumusunod sa regulasyon ng pamahalaan.

Ang tinatawag na “tempo” ay isang ilegal na gawain kung saan binibigyan ng pansamantalang permit ang TNVS upang makapag-operate. Lumaganap ito at naging ugat ng katiwalian sa ahensya, dahil ayon sa mga transport group, ang mga permit na ito ay ibinibigay kapalit ng bayad at komisyon ng ilang tiwaling tauhan ng LTFRB.

Bilang tugon, sinimulan ni Chairman Mendoza, katuwang si Secretary Lopez, ang crackdown laban sa “tempo” bilang hakbang upang mapataas ang kita ng mga lehitimong driver at operator. Pinalakas din ang mga anti-colorum operations sa buong bansa.

Dagdag pa ni Mendoza, babantayan din ang operasyon laban sa “temporary permits” sa iba pang public transport platforms. Pinaigting din ang intelligence-gathering laban sa mga kasabwat ng TNVS operators sa loob ng LTFRB.

“Nawa’y magsilbing babala ito sa lahat ng TNCs na hindi kami magdadalawang-isip na kanselahin ang inyong authority to operate kung matuklasan naming pinapayagan ninyo o wala kayong ginagawa upang tugunan ito. Hindi makaka-operate ang mga tiwaling TNVS kung gagawin ninyo nang maayos ang inyong trabaho dahil ginagamit nila ang inyong online platform,” ani Mendoza.

Ipinaliwanag din niya na minamadali na ng LTFRB ang pagproseso ng lahat ng pending applications bilang bahagi ng kanyang pangako na tugunan ang backlog na umabot sa mahigit 30,000 noong nakaraang buwan.

Dagdag pa ni Mendoza, inilalabas na ng LTFRB ang mga authority to operate sa lalong madaling panahon upang walang TNVS na mapipilitang sumali sa ilegal na gawain.

“At hayaan ninyong makarating din ang babalang ito sa mga tiwaling tauhan ng LTFRB—hindi lamang kayo matatanggal sa serbisyo, haharap din kayo sa kasong kriminal kapag nahuli namin kayo,” binigyang-diin ni Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)

Mas malamig na panahon, asahan – Pagasa

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PINAYUHAN ng PAGASA ang publiko na magsuot ng mga pangginaw tulad ng jacket dahil asahan na ang mas malamig na panahon sa mga susunod na araw hanggang sa pagsapit ng bagong taon.
Ayon kay Ana Solis, hepe ng Climate Monitoring and Prediction Section ng PAGASA, inaasahang bababa nang hanggang sa 7.9°C ang lagay ng panahon dahil sa Amihan.
“Around between 11.4°C to 14.3°C po yung lowest temperature na forecasted ng PAGASA ngayong December. And then between 7.9°C to 11.8 °C ‘yan po ‘yung mga possible na mga lowest temperature na pino-forecast ng PAGASA mula January up to February 2026,” ayon kay Solis. Makaraang pumasok ang amihan nitong Oktubre, naramdaman ang tuyo at malamig na panahon nitong ikatlong linggo ng Nobyembre sa buong bansa.
Nakapagtala rin ang PAGASA nang pinaka mababang temperature na 13.6°C sa Baguio City, 18.2°C sa Casiguran, Aurora at 19.5°C sa Tanay, Rizal.

Ayon kay Solis, mas titindi ang lamig ng panahon sa Enero hanggang Pebrero ng 2026.

Pinag-iingat naman ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa mga bulubunduking lugar lalo na sa Cordillera Autonomous Region dahil sa formation ng frost na maaaring makaapekto sa kanilang pananim.

Ads December 10, 2025

Posted on: December 10th, 2025 by @peoplesbalita No Comments