SINABI ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw ang nais na ipahiwatig ng desperadong galawan ni Senator Imee Marcos laban sa First Family nang paratangan niya ang mga ito na adik sa illegal na droga.
Ayon kay Castro, malinaw na nais lamang na makapanira at siraan ni Imee Marcos ang First Family gamit ang usapin ng illegal na droga.
Ani Castro, walang basehan ang paratang na ito ng senadora dahil nauna nang kinumpirma ng St. Lukes na negatibo ang Pangulo pagdating sa drug test.
“Bakit hindi siya tumutol noon. Alam natin kung ano ang motibo niya, dahil ba maaari nang lumarga nang lumarga ang pag-iimbestiga tungkol sa korapsyon at maaaring tamaan na ang kanyang mga kaalyado, mga kaalyado sa Senado,” ayon kay Castro.
“Hindi ba siya natutuwa na ‘yung kapatid niya mismo, ang Pangulong Marcos Jr., ang nag-umpisa para imbestigahan ang mga maaanomalyang flood control projects na ‘to?”
“Ang Pangulo ang gustong maglinis ng kalat ng nakaraan. Bakit siya masyadong concern ngayon about di umanong paggamit ng drugs (test), samantala ang dating Pangulong (Digong) Duterte umamin na nagma-marijuana at nag-fentanyl, hindi niya cinall out. Pati yung pagnanakaw ni dating pangulong Duterte, wala siyang pagtutol,” ang sunod-sunod na tanong ni Castro.
Hindi rin maintindihan ni Castro kung bakit nagiging hadlang si Senator Imee Marcos sa ginagawa ngayon ng Pangulo na paglilinis sa bansa dahil nais nitong luminis ang Pilipinas.
“Anong gusto mong patunayan sa mga sinabi mong ganyan? Matagal nang issue ito at napatunayang hindi totoo ang bintang na ‘yan,” diing pahayag ni Castro para kay Imee Marcos.
“Ginawa n’yo ‘yan para siraan lamang ang Pangulong Marcos Jr. Nagpagawa pa kayo ng AI generated na video pero noong hindi umubra at napatunayang peke, lahat na lang ng pagbibintang para masira ang Pangulo, ginawa n’yo. Pero lahat ‘yan peke. Lahat ‘yan fake news,” aniya pa rin.
Kaya nga ang apela ni Castro kay Imee Marcos ay sana ay maging makabayan ito.
“Tumulong ka po sa pag-iimbestigang ginagawa ng sarili n’yong kapatid. Tuligsain na lahat ang mga korap. Huwag n’yo pong kampihan, huwag n’yong itago. Hayaan natin magtrabaho ang Pangulong Marcos Jr. para masawata lahat itong korapsyon na ‘to,” ang panawagan ni Castro kay Imee Marcos.
Sa kabilang dako, isang malaking kuwestiyon din para kay Castro kung anong klaseng kapatid si Senator Imee at anong klaseng Pilipino ang senadora.
“Kung totoong maka-Pilipino ka at totoong makabayan ka, Senator Imee, tumulong ka sa pag-iimbestiga. Dapat na ma-pinpoint, dapat maituro kung sino talaga ang sangkot sa korapsyon,” ang panawagan ni Castro kay Imee Marcos.
“Huwag mong sirain ang kapatid mo. Hindi ito ang issue ngayon. Matagal nang issue ‘to pero since wala kayong makita sa Pangulo na anumang issue ng korapsyon, kung saan saan n’yo dinadala ang issue. Nakakahiya, Senator Imee. Nakakahiya,” ang diing pahayag ni Castro.
Nauna rito, sinabi ni Imee Marcos na matagal ng adik ang kanyang kapatid na si Pangulong Marcos at mas naging adik si Marcos matapos pakasalan ang Unang Ginang, na sinasabing gumagamit din ng droga.
Inakusahan din niya ang anak ng Pangulo, kabilang si Ilocos Norte 1st District Representative Sandro Marcos na gumagamit ng illegal na droga. Sinabi ni Imee na hinihiling din ng First Family sa kanyang mga anak at iba pang kamag-anak na gumamit ng illegal na droga. (Daris Jose)