MAGSASAGAWA si Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon ng malawakang pagbabago sa loob ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) sa gitna ng imbestigasyon sa flood control projects ng bansa.
Inanunsyo ito ni Dizon sa press briefing sa Malakanyang matapos ang kanyang oath taking sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., araw ng Lunes.
Nauna rito, napaulat na sinabi ni Senador Panfilo Lacson na may isang kontratista ang ginatasan di umano ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) ng P7 milyon kapalit ng accreditation ng kanyang construction firm.
Ani Lacson, ang kontratista ay kabilang sa Top 15 contractor na pinangalanan ni Pangulong Marcos na sumungkit ng P100 bilyong flood control project mula 2022 hanggang 2025.
Hindi maalala ng senador kung anong taon ito nangyari pero madali lang itong maberipika sa PCAB.
“‘Yung isang contractor, ‘yung unang-unang accredi¬tation niya, P7 million ang binayad niya,” paglalahad ni Lacson sa isang radio interview nitong Linggo.
Nakatisod din ng impormasyon si Lacson na isa pang contractor ang kinikilan ng PCAB nang magkaroon naman ng problema sa construction company.
“Meron namang isang nagkaproblema, nakipag-settle sa PCAB, hiningan naman ng milyon din. ‘Yan extortion talaga iyon kasi bina-blackmail. Nag-cough-up talaga ang contractor kasi nagkaroon siya ng kaunting problema at gusto niyang i-settle. Tinakot siya at (sinabihang) ‘di ma-renew ang lisensiya mo,” dagdag ng senador.
Nauna rito ay sinabi ni Lacson sa speech sa Senado na binebenta ng P2 milyon ang accreditation sa PCAB pero sa bago niyang natuklasan ay kinikikilan din pala ang mga contractor na may problema.
Wala pang pahayag ang PCAB sa bagong pasabog ni Lacson pero dati na nilang itinanggi na mayroong accreditation for sale sa board. ( Daris Jose)