• April 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2022

Concepcion, muling itinulak ang Alert Level 1 sa NCR para sa susunod na buwan

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MULING inulit ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang panukala nito na ide-escalate ang quarantine status sa National Capital Region sa mas mababang Alert Level 1.

 

 

Layon nito na palakasin ang economic recovery ng bansa.

 

 

“We recommended moving to Alert Level 1, sana by March. Matagal na ang sitwasyon na on-and-off ang ating ekonomiya,” ayon kay Concepcion.

 

 

“Dapat Alert Level 1 na tayo. Nakikita natin per trajectory talagang bumababa na ang mga kaso, bumabagsak na siya. Dito sa NCR at iba pang lugar sa bansa na mababa na talaga ang kaso ng COVID-19, dapat ilagay na sa Alert Level 1 o new normal,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Nito lamang nakaraang linggo, sinabi ng OCTA Research na ang kaso ng COVID-19 ay bababa ng 1,000 sa buwan ng Marso.

 

 

Ani Concepcion, kung ang Kalakhang Maynila ay ibababa sa Alert Level 1 sa Marso, ang first quarter gross domestic product ng bansa ay lalago ng 6%.

 

 

Ang gross domestic product ng Pilipinas ay tumaas ng 7.7% sa fourth quarter ng 2021, dahilan para maging 5.6% ang full-year growth.

 

 

Sinabi naman ni Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua na mas gagaan ang NCR sa susunod na buwan, “which could translate to over P11 billion in income, and over 191,000 jobs to the economy.”

 

 

Ang Kalakhang Maynila ay na- upgrade sa Alert Level 3 noong Enero 3, 2022, at kalaunan ay na-downgrade sa mas pinagaan na Alert Level 2 simula noong Pebrero 1, 2022.

 

 

Ipinanukala ni Concepcion na bawasan ang five-level COVID-19 alert system sa tatlo, at kailangan na gumana gaya ng tropical cyclone warning system.

 

 

Aniya, ang panukalang alert level system ay ilalagay lamang kapag mayroong surge ng Covid-19 cases.  (Daris Jose)

[ALAM N’YO BA? NI REY ANG] MGA EXTRATERRESTRIAL BEINGS (ALIEN), NILALANG RIN NGA BA NG DIYOS?

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

TUNAY namang nakagigimbal sa lahat ng aspeto, lalo na sa mundo ng relihiyon, kung sakaling matuklasan (o aminin na ng gobyerno) na tunay ngang may mga nabubuhay na nilalang sa ibang planeta sa malayong kalawakan.

 

 

Isa sa labis na maaapektuhan ng nasabing pangyayari ay ang mga relihiyong  Kristiyanismo sapagkat ayon sa Christian belief system, walang ibang intelligent beings na nabubuhay sa labas ng planet Earth.

 

 

Isa sa pundamental na katanungan na kung ang creation ay sumasaklaw sa 125 billion galaxies na may hundreds of billions  na Stars (Araw), paano kung ang ilan sa mga planetang naroroon ay may advance civilization?

 

 

At kung tunay ngang umiral si Kristo sa daigdig bilang anak ng Diyos na nagkatawang-tao, bakit mas pinili ng Diyos Anak na bumaba sa planet Earth manaog bilang tao upang iligtas ang mga Earthlings? Paano naman ang kapakanan ng ibang alien race mula sa planet Andromeda, halimbawa lang?

 

 

Nagpanukala ang philosophy professor na si Christian Weidemann ng Ruhr-University Bochum sa Germany na maaaring ang mga extraterrestrial beings ay “hindi nagmana ng kasalanang original” tulad ng mga Earthlings, ng kainin ng mga unang nilikhang sina Eva at Adan ang “makasalanang prutas”. Samakatuwid, ang mga nilalang sa ibang planetary system ay hindi nangangailangan ng kaligtasan sapagkat higit na “mas mataas ang kanilang kamalayan at kaisipan”.

 

 

Gayunpaman, ang mungkahi ni Weidemann ay walang lohikal na basehan, lalo na at wala pa naman talagang natutuklasang extraterrestrial beings. Samakatuwid, wala sa atin ang paghatol kung sila ba ay makasalanan o hindi sapagkat ni wala nga tayong katiting na ideya sa paraan ng kanilang pamumuhay, uri ng kanilang emosyon at paraan ng pag-iisip.

 

 

Kung may extraterrestrial intelligent beings man, mas ligtas sabihin na maaaring sila ay makasalan o nakagagawa rin ng kasalanan tulad ng mga Earthlings.

 

 

Isa pa sa panukalang sinabi ni Weidemann ay ang posibilidad na si Kristo ay nabuhay o nag-incarnate na nang maraming ulit sa iba’t ibang planetary system sa yugto ng kanilang kasaysaysan kung saan ang nilalang na nananahan rito ay “nangangailangan ng kaligtasan”.

 

 

Ngunit, kung ibabase ito sa scientific guesses kung ilan nga ba ang sibilisasyon na maaaring umiiral sa buong kalawakan, at kung gaano katagal umiral ang mga sibilisasyong ito sa iba’t ibang planeta bago ang mga ito magunaw, si Kristo ay maaaring nabuhay sa iba’t ibang bersiyon sa 250 planeta, simultaneously, sa parehong timeline ng history. Ito ay lubhang imposible.

 

 

Sa kabilang banda, ayon sa theologist na si Michael Waltemathe mula rin sa Ruhr-University Bochum, ang pagkakatuklas ng extraterrestrial beings ay magiging problema lamang ng Christian world, at hindi ng ibang relihiyon.

 

 

Ibinigay na halimbawa ni Walthemathe ang Islam. Ayon sa kaniya, ang propetang si Muhammad ay hindi reincarnated version ng Diyos. Siya ay isang tao na naging mensahero lamang ng Diyos. Samakatuwid, kahit saang planeta pa sa kalawakan, ang Diyos ay maaaring magsugo ng isang propeta.

 

 

Tunay na sensitibo ang usapin pagdating sa relihiyon. Katunayan, halos lahat ng digmaan sa mundo ay nag-ugat sa relihiyon. Ang tanging magagawa na lamang natin sa ngayon ay hintayin nating may matuklasan talagang sibilisasyon sa ibang planeta. Saka na lamang pagtalunan kung sino ang kinikilala nilang Creator at Tagapagligtas kapag nakausap na natin sila.

‘American Pie’, isa sa inspirasyon ng ‘coming-of-age’ movie: WILBERT, pinahanga si Direk VICTOR dahil sakto sa na-invision nila na maging ‘Boy Bastos’

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

AMINADO si Direk Victor Villanueva na nakilala sa award-winning at cult-favorite na Patay na si Hesus, na ang American Pie ang peg niya sa Boy Bastos na pinagbibidahan ni Kenkoy Heartthrob Wilbert Ross.

 

 

Say ng young direktor, “aware naman ako. I think, siguro in every film, may manggaling sa different medium.

 

 

“But I’m happy to say na, that’s one of the inspirations, but you know, there a lot of inspirations na nilagay ko sa film na ‘yan, para bagay sa 2020s.”

 

 

Dagdag pa ni Direk Victor, “ang nakita ko naman kay Wilbert, hindi ko siya kilala, kaya nung nakita ko siya, to be honest, I was worried.

 

 

“Kasi sa ‘Boy Bastos’, may naisip kami ng writer na si Joma, na ang comedy na gusto naming gawin, tapos si Wilbert parang nagta-transform into that vision.

 

 

“Na parang oo nga, siya ‘yun naisip namin na ‘Boy Bastos’.  Kaya na-surprise kaming lahat, kasi meron comic timing si Wil, tapos yun editor, tawa nang tawa, parang natural daw niya.

 

 

“Pero sa tingin ko, nahirapan si Wil, kaya kailangan ko siyang kausapin na ‘wag maging stiff but slowly nagta-transform siya.

 

 

“That’s why, I’m so proud of him, kasi siya ‘yung ‘Boy Bastos’ na na-invision namin. Kakaibang Wilbert Ross ang mapapanod nila.”

 

 

Patok na patok nga sa netizens ang trailer ng newest coming-of-age comedy film ng Viva Film na tungkol sa ma-el na teenager at sexy teacher magsasama sa iisang bahay?

 

 

Base nga ito sa internet sensation noong early 2000s. Si Felix (Wilbert) ay binansagang “Boy Bastos” sa kanilang eskwelahan, na virgin na mahilig mag-drawing ng kabastusan sa kanyang notebook.

 

 

Si Cathy (Jela Cuenca) naman ay ang kanyang girlfriend na handa nang ibigay ang kanyang virginity sa kanyang nalalapit na birthday. Hindi niya talaga type si Cathy, kaya naman mahihirapan siyang ma-arouse nang subukan nilang mag-sex.

 

 

Makikilala naman ni Felix si Katey (Rose Van Ginkel). Siya ang Substitute Teacher nila sa Biology, na nagkataong magiging housemate niya pala. Ipapaalala ni Katey na wala dapat makaalam sa campus na sa iisang bahay lang sila nakatira.

 

 

Unti-unti ay mahuhulog ang loob ni Felix kay Katie na siyang magiging teacher niya sa life at sa sex 101. Panoorin ang mga sexy at funny misadventures ni Felix.

 

 

Kasama niya sa kalokohan ang kanyang mga kaibigan na sina Garfield (Andrew Muhlach) at Layno (Bob Jbeili) na gaya ni Felix, ay mahilig din sa porn at sa mga kalokohan.

 

 

Sa February 18 streaming online na ang Boy Bastos sa VIVAMAX Philippines, Hong Kong, Taiwan, Thailand, Malaysia, Indonesia, Singapore, Japan, South Korea, Macao, Vietnam, Brunei, Maldives, Australia, New Zealand, the Middle East Europe, Canada at America.

 

 

Ginawa ring mas affordable ng VIVAMAX ang panonood ng inyong mga paboritong pelikula dahil ngayon, sa halagang P29, maaari ka nang mag-watch all you can for 3 days!

 

 

At sa best viewing quality na ang inyong panonood, dahil ang VIVAMAX compatible na with TV casting. Mas affordable, mas madami at mas madali na ang mag-subscribe, kaya naman #SubscribeToTheMax na sa best Pinoy Movie Streaming App, VIVAMAX!

 

(ROHN ROMULO)

Magsayo, PH 11 pasiklab sa Enero

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

SINA professional boxer Jessel Mark ‘Magnifico’ Magsayo at national women’s football team ang mga nagpasimula sa pasiklab ng mga atletang Pinoy sa 2022 nang maghati sa karangalan sa Enero.

 

 

Ipinagpatuloy nila ang malalaking tagumpay ng mga kapwa manlalaro sa nakaraang taon makalipas masikwat ni Magsayo ang World Boxing Council (WBC) featherweight title sa Atlantic City, New Jersey habang nagtala ng kasaysayan ang PH 11 sa pagkubra ng unang tiket sa sa 9th International Football Federation  (FIFA) Women’s World Cup 2023 sa Australia at New Zealand sa Hulyo-Agosto.

 

 

Kaya sinaluduhan noong Biyernes ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang dalawa.

 

 

Sinilat ni Magsaso si Gary Russell Jr.  ng Estados Unidos via majority decision, 114-114, 115-113, 115-113 noong January 22 para humanay sa mga kampeong Noypi sa larangan sa mundo kina Jerwin Ancajas (International Boxing Federation super flyweight), Rene Mark Cuarto (IBF minimumweight), John Riel Casimero (World Boxing Organization bantamweight), at Nonito Donaire, Jr. (WBC bantamweight).

 

 

Binulaga rin ng  Pinay booters noong Jan. 31 ang Chinese Taiper sa penalty shootout  4-3 sa 20th Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup sa Pune, India.

 

 

Kuminang din si cue artist Roland Garcia at mga rower sa pangunguna ni Tokyo Olympian Chris Nievarez. Pumangalawa si garcia sa Arizona 10-Ball Open sa Tucson sa likod ni Russian Fedor Gorst, na napanaitli ang korona sa iskor na 4-3 at 4-2.

 

 

Segunda rin si Nievarez sa U23 2,000-meter event ng Asian Rowing Virtual Indoor Championships para mamuno sa anim na silver at dalawang bronze medal na koleksiyon ng Team Pilipinas.

 

 

Sa golf, namayagpag si Bianca Isabel Pagdanganan sa 73rd Ladies Professional Golf Association (LPGA) 2022 Leg 2 Gainbridge LPGA at Boca Rio driving distance sa Florida noong Jan. 27 sa tiniradang 283-yard average.

Obiena sumungkit ng ginto sa Poland

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

NAGPOSTE si Ernest John ‘EJ’ Obiena ng season best 5.81 meters sa pangatlong torneo ngayong taon upang mahagip ang gold medal sa men’s pole vault event ng Orlen Cup sa Poland Biyernes (Sabado sa ‘Pinas).

 

 

Sinilat ng 26 na taon, may taas na 6-2 Pinoy mula sa Tondo, Maynila ang training partner at 2016 Rio de Janeiro Olympic champion na si Thiago Braz ng Brazil.

 

 

Pero hindi sumali rito sina world record holder at 2020+1 Tokyo Olympics gold medalist Armand Duplaintis ng Sweden at KC Lightfoot ng USA na mga nagpahinga pagkawagi sa unang dalawang torneo sa kasalukuyang taon.

 

 

Ineklipsehan ni Obiena ang dalawang pinosteng 5.70m sa ISTAF Indoor sa Berlin, Germany kung saan saan siya pumang-apat, at sa Beijer Stavhoppsgala Uppsala 2022 sa Uppsala, Sweden na rito’y pumangwalo siya.

 

 

Nagsumite si Braz ng 5.71m para sa silver at gaya ring taas si Piotr Lisek ng host country upang mapasakamay ang bronze medal.

 

 

Pang-apat hanggang pampito sina si Matvey Volkov ng Belarus (5.61), Pole Paweł Wojciechowski (5.61), Bokai Huang ng China (5.51) at local bet Robert Sobera (5.41). (CEC)

380 Pinoy sa Ukraine, hinikayat na makipag-ugnayan sa Philippine Embassy

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ng Philippine diplomats sa Warsaw, Poland ang 400 Filipino sa Ukraine na agad na makipag-ugnayan sa embahada para sa anumang hindi kanais-nais na insidente sa kanilang lugar sa gitna ng ulat na napipintong Russian invasion.

 

 

“The Philippine Embassy in Warsaw closely monitors the situation of the approximately 380 Filipino nationals living in Ukraine, most of whom are in Kyiv and its environs and are therefore located far from the eastern border near Russia,” ayon sa kalatas ng Department of Foreign Affairs (DFA).

 

 

May hurisdiksyon kasi ang Manila embassy sa Warsaw sa Ukraine.

 

 

Ang pag-atake ng Russia sa Ukraine “could come within days,” ayon sa mga opisyal ng gobyerno ng Estados Unidos.

 

 

Sinabi ni Jake Sullivan, national security adviser ni US President Joe Biden na “signs of Russian escalation, including new forces arriving at the Ukrainian border,” adding that a major assault could be launched “during the Olympics,” na nakatakdang magtapos sa Pebrero 20.

 

 

Tiniyak naman ng DFA na ang embahada ng Pilipinas ay nakikipag-ugnayan sa mga Filipino sa Ukraine, nakikipag-ugnayan sa Honorary Consulate General sa Kyiv.

 

 

“They are encouraged to contact the embassy, report any untoward incident they might observe in their respective areas, and continue monitoring their Filipino friends through social media,” ayon sa DFA.

 

 

“Hotline numbers of the embassy and Consulate General have been disseminated to the Filipino community,” dagdag nito.

 

 

Ang Pilipinas ay mayroong umiiral na labor deployment ban sa mga Filipino na papuntang Ukraine. (Daris Jose)

MANILENYO ANG MAGBABAYAD SA IIWANANG P15-B UTANG NG GOBYERNO NI MAYOR ISKO

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

MAMAMAYAN ng Maynila ang pahihirapan ng napakalaking utang — tinataya sa mahigit na P15-bilyon na iiwanan ni Manila Mayor Isko Moreno na mali ang prioridad na ginastusan.

 

 

“… magbabayad niyan ang taumbayan sa pamamagitan ng babayaran nila na mataas na taxes,  mataas na (bayad) sa permit, mataas na licenses, at marami pang penalties na magpapabigat sa buhay ng pamilyang Manilenyo,” sabi ni Atty. Alex Lopez sa interview ng pahayagang ito.

 

 

Ayon sa kandidatong alkalde ng Partido Federal ng Pilipinas, siya ay nagtataka kung bakit umutang ng napakalaking halaga ang pamahalaang lungsod na “mali ang pinaggamitan, lalo na ngayong may pandemic.”

 

 

Binanggit ni Lopez ang ginastos na P1.7 bilyong inubos sa renovation ng Manila Zoo.

 

 

“Napakalaki ng inubos sa Zoo, e sa panahon ng pandemya, sino ang mag-aabala na mamasyal, e wala ngang trabaho, mahigpit ang restrictions sa paglabas ng mga tao,” sabi ni Lopez at hinikayat ang Manila City Hall na ipaliwanag ito sa mamamayan.

 

 

Aniya, “badyet na ng tatlong probinsiya ang inubos sa renovation, e wala pa riyan ang pagkain ng mga wild animals.”

 

 

Maibabalik lang ang katatagan ng ekonomya ng Maynila sa pagbabalik ng tiwala ng mga negosyante, sabi ni Lopez.

 

 

“Unprecedented talaga ang inutang na ito. Aba pagsama-samahin ang utang pa sa panahon ni Mahoma at ni (Mayor) Erap, hindi pa nangyari na nagkautang ng ganyan ang Maynila. Sa administrasyon lang na ito nangyari ‘yan.  May dokumento ako na hawak na magpapatunay sa inutang na ito sa Development Bank of the Philippines,” sabi ni Lopez.

 

 

Sa unang interview kay Atty. Alex, sinabi niya na wala siyang balak na tumakbo pero maraming sektor ang lumapit sa kanya na tinutulan ng kanyang maybahay at pamilya.

 

 

“Tutol nga ang misis ko. Nagkonsulta ako sa  marami, sa mga barangay officials, sa mga negosyante,sa mga dati at incumbent congressmen natin, sa mga tanod,, mga vendor at maging sa mga taga-city hall,” sabi ni Lopez.

 

 

Kumunsulta siya sa Biblia, nagnilay-nilay at sa paliwanag ng iba pang malalapit na kaibigan, napapayag na si Lopez.

 

 

Malaking sakripisyo, sabi ni Lopez, ang pagtakbo niya dahil sa kasalukuyan, panatag na, kontento na siya sa kanyang negosyo at hinahawakang malalaking proyekto sa construction business na nagkakahalaga ng bilyon-bilyong piso.

 

 

Nang ipaalaala kay Atty. Lopez ang iniwang legacy ng kanyang ama, dating Manila Mayor Mel Lopez,  at ang pagtitiwala sa mga nagpapahayag ng suporta, napapayag siya na maging “credible alternative” na magbibigay ng bagong liderato sa pamahalaang lungsod ng Maynila. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

SUSPEK SA PAGPATAY SA SCAVENGER, ARESTADO

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

ARESTADO sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng MPD-Station 1 ang tatlong suspek sa pagpatay  sa isang 15 anyos na scavenger sa Tondo,Maynila .

 

 

Ayon kay MPD-PIO P/Major Philipp Ines, MPD-PIO, kasong murder ang kinakaharap ngayon ng mga suspek na sina  Ellan Crisostomo,22, miyembro ng Commando gang; John Andrey Villanueva,21 at si Prince Jack Cabigao, 18,kapwa miyembro gn Sputnik gang at pawing mga taga Tondo.

 

 

Napag-alaman na nagtungo sa tanggapan ng nasabing istasyon ng pulisya ang testigong si Renante Balladares  na siyang nakakita sa pangyayari nang mabaril at mapatay ang biktimang si  Reymart  manlangit, 15 anyos sa  kahabaan ng Mel Lopez Blvd., malapit sa kanto ng Jacinto St., Tondo upang magbigay ng impormasyon hinggil sa mga suspek.

 

 

Agad namang ikinasa ang joint follow up operation ng mga tauhan ng  Smokey Mountain PCP at MPD-Station 1 na nagresulta ng pagkakadakip sa tatlong suspek sa eskinita sa  Varona  St., Tondo.

 

 

Narekober sa mga suspek ang isang .357 caliber revolver , .38 caliber revolver ,mga bala at butcher knife.

 

 

Nakatakdang iharap sa  Manila City Prosecutors Office ang mga suspek para sa Inquest proceedings. (GENE ADSUARA)

Labis-labis ang pasasalamat sa GMA-7: WILLIE, nilinaw ang balitang kumukuha na ng mga stars para sa bagong TV network

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

BAGO tuluyang nagpaalam si Willie Revillame last Friday sa Wowowin: Tutok To Win, ipinahayag muna niya ang labis-labis at taos-pusong pasasalamat kay Atty. Felipe L. Gozon at sa management ng GMA Network na naging tahanan niya for almost eight years. 

 

 

Nilinaw ni Willie na hindi totoo ang mga balitang kumukuha na siya ng mga artistang dadalhin sa bagong tv network na pag-aari ni former Senator Manny Villar. 

 

 

Sa pag-uusap daw nila, frequency pa lamang meron ang bagong network pero wala pa silang nakahandang programa o ang magiging content nito, wala pa rin silang transmitter na gagamitin  para makapag-broadcast sila sa buong Pilipinas.

 

 

      “Ayaw ko po namang habang nagso-show pa ako sa GMA, pagkatapos ay lilipat ako sa bagong network para magtrabaho rin sa kanila,” paliwanag pa ni Willy.

 

 

“Kaya sa ngayon po ay patuloy pa rin kaming magpapasaya sa mga manonood ng Tutok To Win, sa pamamagitan ng live streaming sa Facebook at YouTube, wala na nga po lamang kami sa TV. 

 

 

Kaya maraming-maraming salamat po sa inyo sa pagtangkilik ninyo sa amin, magkikita-kita pa po tayo muli!”

 

 

***

 

 

YESTERDAY, February 13, sa Valentine’s Day presentation ng All-Out Sundays, ipinakilala na ang five pairs ng young love teams ng Sparkle GMA Artists.

 

 

Sila ay sina Allen Ansay at Sofia Pablo, Althea Ablan at Bruce Roeland, Abdul Rahman at Shayne Sava, Janus Zabarte at Zonia Mejia, at sina Mavy Legaspi at Kyline Alcantara.

 

 

Sa ngayon ay nasa GMA Afternoon Prime series na Prima Donnas sina Allen, Sofia, Althea at Bruce.  Sina Janus at Zonia ay nagtambal na sa Heartful Café kasama sina Julie Anne San Jose at David Licauco.

 

Katatapos lamang mapanood ang love team nina Mavy at Kyline sa primetime series na I Left My Heart In Sorsogon.

 

 

Sina Shayne at Abdul na produkto ng StarStruck ay nagtambal na sa Legal Wives pero ngayon ay muli silang magkakasama sa Raising Mamay na makakasama nila si Ai Ai delas Alas. 

 

 

Ang bagong serye ang nagpaaga sa pagbabalik ni Ai Ai mula sa US vacation niya, at last Saturday ay nagkaroon na sila ng story conference with the production team lead by Director Don Michael Perez. 

 

 

Abangan natin kung sinu-sino pa ang bubuo sa cast, kung ano ang magiging story nila at very soon ay magsisimula na sila ng lock-in taping.

 

 

***

 

 

WORLD premiere na tonight ng pinakakaabangang sequel ng top-rating primetime series in 2021, ang First Lady starring Gabby Concepcion and Sanya Lopez after ng 24 Oras.

 

 

Dahil nagtapos ang romantic-drama series na First Yaya na ikinasal na si Yaya Melody kay President Glenn Acosta, or si PGA, naging “First Lady” na si Melody.

 

 

Mas malaki ang cast ng First Lady na dinidirek pa rin ni LA Madridejos, dahil bukod sa original cast, isa sa mga nadagdag ay si Alice Dixson as Ingrid Domingo, na dati palang girlfriend ni PGA noong nag-aaral pa sila ng law sa USA.

 

 

Pero bakit siya nagbalik sa buhay ni PGA ngayong may asawa na ito?

 

 

Happy naman si Gabby na muling makasama sa trabaho si Alice na una niyang nakasama sa Nagbabagang Luha. 

 

 

Ganoon din naman si Alice, dahil nasundan pa ng iba pang movies ang una nilang pagtatambal ni Gabby.  Masaya  si Alice na first time makatrabaho si Sanya.

 

 

      “Sanya is a delight to work with, she’s a lovely person on the set,” kuwento ni Alice.

 

 

“Magsisimula kaming friends, pero hindi niya alam may hidden agenda ako sa kanya.  But I’m so happy na napasama ako sa First Lady.”

(NORA V. CALDERON)

Mobile vaccination team sa Navotas, muling iikot

Posted on: February 14th, 2022 by @peoplesbalita No Comments

INANUNSYO ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na muling mag-iikot sa mga barangay ang kanilang vaccination team simula sa February 14, 2022.

 

 

Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang mobile vaccination team ay mag house-to-house para magbakuna ng booster na Astrazeneca sa bedridden na mga residente ng lungsod.

 

 

Aniya, para mapuntahan ng vaccination team ay kailangan ipalista ang pangalan ng babakunahan, address, at contact details sa kanilang Barangay, mag Text JRT Globe: 0915-2601385, Smart: 0908-8868578, Sun: 0922-8888578 at sa Navoteno Ako Facebook page.

 

 

Hanggang February 10, 2022, umabot na sa 21,020 ang kabuuang bilang ng Covid cases sa lungsod, 49 dito ang active cases, 20,338 ang mga gumaling at 633 naman ang binawian ng buhay dahil sa naturang virus.

 

 

Muling paalala ng alkalde, ituloy-tuloy lang ang pag-iingat at pagsunod sa safety at health protocols para dire-diretso na rin ang pagbaba ng mga kaso.

 

 

“Kung dire-diretso na ang pagbaba ng bilang ng mga nahahawaan ng sakit, mas luluwag na ang mga patakaran at mas marami na rin ang makakabalik sa trabaho. Kaya pagsumikapan po nating tapusin ang COVID-19 para balik-trabaho at eskuwela na ang karamihan,” pahayag niya. (Richard Mesa)