• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ZERO VENDOR POLICY, IPATUTUPAD SA PALIGID NG QUIAPO CHURCH

MAGPAPATUPAD ng zero vendor policy sa paligid ng Quiapo Church sa gagawing pagbabasbas ng mga replica ng Poong Jesus Nazareno sa Enero 3.

Upang mapanatili ang kaayusan, kapayapaan at kaligtasan ng mga makikibahagi ng pagbabasbas , ang Manila Police District (MPD) ay maglalatag nang mahigpit na seguridad .

Ang pagbabasbas sa mga replica ng Poong Jesus Nazareno ay bahagi ng mahabang aktibidad ng Kapistahan ng Quiapo tuwing Enero.

Nauna na ring sinabi ng pamunuan ng Quiapo na ilang mga kalsada ang kailangang isara upang bigyang daan ang gaganapin mga aktibidad.

Dahil dito, asahan na ang pagbagal ng usad ng trapiko sa paligid ng simbahan ng Quiapo bukas lalo na’t inaasahan na mananatili ang mga may bitbit na replica sa Carriedo, Villalobos, Carlos Palanca, Quezon Blvd., Mc Arthur Bridge, Avenida at Recto Avenue.

Ayon naman sa HAWKERS Manila, ang polisiya na zero vendor policy ay ikakasa sa kabahagi ng Villalobos Street at Estero Cegado sa Brgy.306.

Magsasagawa rin ng clearing operations para matanggal ng lahat ng sagabal sa kahabaan ng Carlos Palanca malapit sa simbahan.

Bukod dito, maaga rin isasagawa ang flushing activity sa Villalobos Street at Plaza Miranda upang masiguro ang kalinisan sa pagsisimula ng aktibidad. (Gene Adsuara)