WALANG TEMPORARY PERMITS PARA SA MGA TNVS, LTFRB NANGAKONG TATAPUSIN ANG ILEGAL NA GAWAIN
- Published on December 10, 2025
- by @peoplesbalita
NANGAKO ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon Giovanni Z. Lopez, na tatapusin ang ilegal na gawain ng pagpapatakbo ng mga ride-hailing vehicles gamit ang tinatawag na “temporary permits.”
Nilinaw ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na walang umiiral na “temporary permits” at ang sinumang Transport Network Vehicle Service (TNVS) o public transport driver na nagsasabing mayroon nito ay malinaw na lumalahok sa ilegal na operasyon.
“Walang tinatawag na tempo o temporary permits. Ang sinasabing tempo ay peke. Ang LTFRB ay nag-iisyu lamang ng provisional authority o authority to operate,” ani Chairman Mendoza.
Nagbabala rin siya sa mga Transport Network Companies (TNCs) na ayusin ang kanilang hanay at tiyaking lahat ng TNVS sa kanilang platform ay sumusunod sa regulasyon ng pamahalaan.
Ang tinatawag na “tempo” ay isang ilegal na gawain kung saan binibigyan ng pansamantalang permit ang TNVS upang makapag-operate. Lumaganap ito at naging ugat ng katiwalian sa ahensya, dahil ayon sa mga transport group, ang mga permit na ito ay ibinibigay kapalit ng bayad at komisyon ng ilang tiwaling tauhan ng LTFRB.
Bilang tugon, sinimulan ni Chairman Mendoza, katuwang si Secretary Lopez, ang crackdown laban sa “tempo” bilang hakbang upang mapataas ang kita ng mga lehitimong driver at operator. Pinalakas din ang mga anti-colorum operations sa buong bansa.
Dagdag pa ni Mendoza, babantayan din ang operasyon laban sa “temporary permits” sa iba pang public transport platforms. Pinaigting din ang intelligence-gathering laban sa mga kasabwat ng TNVS operators sa loob ng LTFRB.
“Nawa’y magsilbing babala ito sa lahat ng TNCs na hindi kami magdadalawang-isip na kanselahin ang inyong authority to operate kung matuklasan naming pinapayagan ninyo o wala kayong ginagawa upang tugunan ito. Hindi makaka-operate ang mga tiwaling TNVS kung gagawin ninyo nang maayos ang inyong trabaho dahil ginagamit nila ang inyong online platform,” ani Mendoza.
Ipinaliwanag din niya na minamadali na ng LTFRB ang pagproseso ng lahat ng pending applications bilang bahagi ng kanyang pangako na tugunan ang backlog na umabot sa mahigit 30,000 noong nakaraang buwan.
Dagdag pa ni Mendoza, inilalabas na ng LTFRB ang mga authority to operate sa lalong madaling panahon upang walang TNVS na mapipilitang sumali sa ilegal na gawain.
“At hayaan ninyong makarating din ang babalang ito sa mga tiwaling tauhan ng LTFRB—hindi lamang kayo matatanggal sa serbisyo, haharap din kayo sa kasong kriminal kapag nahuli namin kayo,” binigyang-diin ni Mendoza.
(PAUL JOHN REYES)