Walang taas-pasahe sa PUV, hanggang matapos ang 2022
- Published on November 23, 2022
- by @peoplesbalita
TINIYAK ng Department of Transportation (DOTr) na walang magaganap na pagtataas ng pasahe sa mga pampublikong sasakyan hanggang sa pagtatapos ng 2022.
Ito ang binigyang diin ni DOTr Secretary Jaime Bautista kasabay nang pagsasabing huli na ang inaprubahang taas-pasahe sa maraming public utility vehicle noong Setyembre.
Mas makabubuti umano na hindi na muna magtaas ng pamasahe ngayong holiday season para naman hindi na mabawasan ang inilaan ng marami ngayong holiday seasons.
Pinag-aaralan din umano ng DOTr kung sapat o kailangan pang magdagdag ng PUV dahil matapos ang dalawang taon, ngayon lang ulit inaasahan na ang mga pasahero ay magsisidagsaan sa mga pampublikong lugar.
Patungkol naman umano sa idinadaing ng ilang pasahero na mataas na pasahe sa transport network vehicle services (TNVS), sinasabing ito ay posibleng dahil ito sa tinatawag na “surge rate.” Na ito ay ang dagdag-singil kapag marami ang nangangailangan ng masasakyan pero kaunti ang supply ng sasakyan. Ito rin ang dagdag-singil kapag rush hour. (Daris Jose)