• July 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

VP Sara, puro drama at hindi sineseryoso ang impeachment trial

ANG walang katapusan na “objection” at delaying tactics ng defense lawyers ni Vice President Sara Duterte sa impeachment trial sa Senado ay nangangahulugan lamang ng kawalan ng sapat sa depensa at interes na sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya.

“Walang katapusang objection sa lahat ng bagay,” sinabi ni Deputy Minority Leader at ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio.

Ayon kay Tinio, puro drama si Duterte at hindi sineseryoso ang impeachment trial. 

Tinukoy ni Tinio ang maikling pahayag ni Duterte sa media,“In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”

“Ang statement niya ay puro drama. Hindi nag-address sa kahit anong alegasyon. Hindi nito ipinakita ang kahandaan niyang harapin ang trial nang personal,” dagdag ng kongresista.

Ayon kay Tinio, ang istratehiya ng defense panel ay iwasan o pigilan ang presentasyon ng ebidensya gamit ang mga teknikalidad. harangin o huwag ipalabas ang mga ebidensiya na makikita ng publiko.

“Ito ay nagpapakita na takot sila na malantad ang mga paglabag ni Duterte sa publiko. Kung walang kasalanan, bakit kailangan pang harangin ang ebidensya?” tanong ni Tinio.

Tinukoy ni Tinio ang mga online videos ni Duterte na nagbabantantang papatayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.

“Napanood na ng madla ang mga press conference ni Duterte kung saan nagbitaw siya ng mga banta. Ang kaibahan ngayon ay itinuturing nang ebidensya ang mga videos sa isang impeachment trial. Ito ang isang magiging batayan para matanggal sa pwesto si Duterte. Kaya natatakot ang depensa na ipakita ito sa opisyal na proseso,” sinabi ni Tinio.

Pinuri ni Tinio ang prosecution na naging matatag sa gitna ng pambabatikos ng defense panel.

 “Ang prosecution ay malinaw na inilatag ang kaso. Ang NBI witness at video evidence ay nagpakita ng seryoso at dokumentadong nature ng mga banta na inilabas ng Vice President. Ang depensa ay walang sagot kundi objections,” sabi ni Tinio. 

“Dapat ipagpatuloy ang trial nang walang tigil at walang takot sa delaying tactics. Ang bayan ay naghihintay ng accountability. Hindi dapat payagan ang depensa na gawing drama ang prosesong ito.” 

(Vina de Guzman)