• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Validity ng PWD IDs gawing lifetime – Sen. Erwin

NAGHAIN ng panukalang batas si Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na naglalayong maging lifetime na ang validity ng Identification Cards (ID) ng mga Persons with Disability (PWD).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1405 ni Tulfo, na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability,” ang pag-iisyu ng PWD ID ay magiging libre at magiging valid habang buhay ng PWD.

“Ito ang kalbaryo ng mga Pilipinong PWD: Sa tuwing mag-e-expire ang kanilang ID, kailangan nilang pumila ulit para kumuha ng mga bagong requirements, at kaila­ngan pa nila ng pera para sa pamasahe,” ani Tulfo.

“Napakahalaga ng kanilang PWD ID dahil ito ang ginagamit nila upang makamit ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas. Ang paglalagay ng expiration date sa kanilang ID ay parang pagtanggi o pagpigil sa kanila na magkaroon ng access sa mga benepisyong iyon,” dagdag niya.

Nagbibigay ang “Magna Carta for Persons with Disability” ng iba’t ibang benepisyo at pribilehiyo, kabilang ang 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, pantay na oportunidad sa trabaho at edukas­yon, at iba pa.

“Dapat gumaan ang pasanin ng ating mga PWD na matagal nang naghihirap sa kanilang personal na laban,” pahayag ni Sen. Erwin Tulfo.