• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Valenzuela City, isinailalim na sa State of Calamity

BILANG tugon sa malawakang pagbaha dulot ng ilang araw na pagbuhos ng malakas na ulan dala ng Habagat at bagyong Crising, Dante at Emong, idineklara ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na isailalim sa state of calamity ang lungsod, kasunod ng pag-apruba sa Resolution No. 3503, Series of 2025, na ipinasa sa special session ng Sangguniang Panlungsod.

Ang deklarasyon ay batay sa mga pormal na rekomendasyon ng Local Disaster Risk Reduction and Management Council (LDRRMC) at mga barangay na nag-ulat ng malawakang pagbaha, pinsala sa imprastraktura, at pagkagambala sa komunidad.

Sa kasagsagan ng pagbaha, mahigit 9,000 indibidwal ang nailigtas at inilikas sa mga evacuation center ng Valenzuela City Disaster Risk Reduction and Management Office (VCDRRMO), katuwang ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at City Health Office para matiyak ang kaligtasan, kalusugan, at kapakanan ng mga apektadong residente.

Ang deklarasyon ng state of calamity ay nagbibigay-daan sa mabilis na paggamit ng mga lokal na pondo para sa kalamidad, pagbibigay ng emergency assistance, at ang pagpapabilis sa recovery and rehabilitation efforts sa mga apektadong lugar. Pinapadali din nito ang koordinasyon sa mga pambansang ahensya at mga humanitarian partner para sa paghahatid ng kinakailangang suporta.

Layunin ng pamahalaang lungsod na matiyak ang mapabilis na pagbangon ng bawat Pamilyang Valenzuelano nang may lakas at dignidad. Nagpapatuloy naman ang relief operations at serbisyong pangkalusugan sa mga evacuation center.

Nagpapatuloy din ang Libreng Sakay ng pamahalaang lungsod sa mga rutang lubhang apektado para matulungan ang mga stranded na commuter.

“Hindi po natin pwedeng baliwalain ang epekto nitong bagyo sa ating mga manggagawa at marginalized sector, kaya naman idineklara na natin ang state of calamity dito sa ating lungsod. Nananawagan po ako sa ating mga kababayan na maging alerto at makiisa, sapagkat ang ating kolektibong pagkilos at responde ay higit na kinakailangan ng ating mahal na lungsod.” pahayag ni Mayor Wes Gatchalian sa kanyang video message na inapload sa Facebook.

Kaugnay nito, nananatili sa heightened alert ang pamahalaang lungsod dahil sa patuloy na pag-ulan na dala ng Bagyong Dante at Emong na maaaring magdulot ng karagdagang pagbaha at pinsala. (Richard Mesa)