• October 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

UKIT TAKA FESTIVAL 2026 BINUKSAN; MAYOR COSICO, IBINIDA ANG PAG-ANGAT NG EKONOMIYA SA SOMA

PAETE, LAGUNA — Pormal nang pinasinayaan araw Ng Setyembre 24, 2026, ang ika-16 na Anibersaryo ng Ukit Taka Festival. Kasabay nito ay inilatag din ni Mayor Ronald “Bokwet” Cosico ang kanyang State of the Municipality Address (SOMA) sa Tanghalan ng Leandro B. Balquiera (Plaza ng Paete / Festival Ground).

Sinimulan ang apat na araw na selebrasyon sa pamamagitan ng isang banal na misa, na sinundan ng opisyal na pagbubukas ng mga palatuntunan at trade booths, bago iniulat ng alkalde ang mga nagawa at tagumpay ng pamahalaang bayan.

Pag-angat ng Ekonomiya at Turismo

Sa kanyang talumpati, ibinahagi ni Mayor Cosico ang magandang direksyon ng lokal na ekonomiya ng Paete. Bagama’t kasalukuyang nasa ikaapat na klasipikasyon pa lamang ang bayan, inaasahan ang pag-akyat nito sa ikalawang klasipikasyon sa susunod na taon dahil sa patuloy na pagtaas ng taunang kita. Target din ng kanyang administrasyon na tuluyang maabot ang unang klasipikasyon sa mga susunod na termino.

Pokus sa Kabuhayan at Sektor ng Katandaan

Ipinagmalaki rin sa SOMA ang mga natapos at kasalukuyang proyekto para sa kapakanan ng mga mamamayan:

Pangkabuhayan: Pagkakaloob ng mga alagang baboy mula sa Department of Agriculture (DA) upang magsilbing direktang alternatibong kabuhayan ng mga pamilya.

Tulong sa mga Senior Citizen: Pamamahagi ng ayuda katuwang ang DSWD at NCSC, bukod pa sa espesyal na 100,000 pisong pabuya mula sa Pamahalaang Bayan para sa mga umabot sa sentenaryo (100 taong gulang). Nadagdagan din ang mga benepisyaryo ng lokal na pensiyon na umabot na sa 300 katao.

Pangkalahatang Serbisyo: Patuloy na pagtutok sa kalusugan, edukasyon, trabaho, turismo, at iba pang serbisyong panlipunan.

Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat ang alkalde sa Poong Maykapal, kay Vice Mayor Lorena Velasco at sa buong Sangguniang Bayan, pati na sa 19 na barangay at mga kawani ng pamahalaang lokal sa kanilang walang-sawang pagkakaisa at suporta.

Mga Paligsahan at Pagtatapos

Nagbigay-kulay sa unang araw ng festival ang mga kapana-panabik na kompetisyon tulad ng Head Dress Competition, Band Competition, at ang Taka Designers Competition.

Ang Ukit Taka Festival 2026 ay magtatapos sa darating na Setyembre 27. 

(Yvonne Bagang/ Boy Morales Sr./ Jeremiah Solomon)