Tulong sa mga nasalanta ng lindol sa Mindanao, siniguro
- Published on June 13, 2026
- by Francis Paolo Torres
PINANGUNAHAN ni Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III, Huwebes ang delegasyon ng Kamara sa General Santos City at Sarangani Province para i-assess ang naging impact ng naganap na lindol nitong Lunes, makipagpulong sa mga lokal na opisyal at pinuno ng mga government agencies at tukuyin ang agaran at long-term na tugon para matulungan ang mga apektadong komunidad.
Sa ginawang pagbisita, inihayag ni Dy na sasagutin ng kamara ang medical expenses ng lahat ng nasugatang indibidwal dahil sa lindol, maging ito ay tumanggap ng treatment sa government o private hospitals.
Siniguro din ng Speaker na bibigyan ng karagdagang tulong ang apektadong pamilya upang mabilis na ma-recover ang komunidad mula sa kalamidad.
“Sa ngalan po ng House of Representatives, amin pong taos-pusong ipinaaabot ang amin pong pakikiramay. Nandito kami para matiyak na katulad ng sabi po namin, sa lahat ng ospital na kakailanganin na related po sa earthquake ay titiyakin natin na zero balance yung ating mga kababayan na nasa loob ng mga ospital,” ani Speaker. “At dapat madagdagan pa ng mga pondo para meron tayong kasiguraduhan at matiyak na malalampasan natin itong paghamon na tumama dito po satin, sa mga kababayan natin dito sa rehiyon na ‘to..“
Sinabi pa ni Dy na nagsagawa ang mga miyermbro ng House delegation ng on-site assessment ng nasirang imprastraktura at public facilities upang madetermina ang kinakailangan reconstruction requirements at masiguro na ang kinakailangang pondo ay maisasama sa panukalang 2027 national budget.
“Importante rin ma-assess mabuti yung mga building katulad ng ating mga airport na nakita kanina at para sa gayon matiyak natin na wala tayong magiging problema. Kaya ganoon din ang ating support, pagtutulungan namin para sa gayon ma-rehab natin nang mabilis na panahon itong mga ospital, sapagkat ito yung unang-unang mga pangaingailangan natin dito sa inyong lugar,” dagdag nito.
“May mga reports na dumating sa mga damages sa inyo pong area. At siyempre tamang-tama po yan, ang ating mga kinatawan ng inyong rehiyon ay pagtutulungan namin para matiyak na nandun siya sa loob ng ating proposed budget for next year para masiguro natin magawa yung mga dapat na magawa na mga kalsada, tulay, at ano pang mga facilities para pakinabangan ang ating mga kababayan.”
Ayon kay Dy, ang makakalap na impormasyon mula sa inspeksyon ay makakatulong sa kamara para matukoy ang mga priority funding requirements para sa reconstruction at rehabilitation efforts sa apektadong komunidad. (Vina de Guzman)