• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak, swak sa drug bust sa Caloocan, P244K droga, nasamsam

LAGLAG sa selda ang isang hinihinalang tulak ng illegal na droga matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Caloocan City.
          Batay sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Northern Police District Drug Enforcement Unit (NPD-DDEU) hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Bebe”, 33, street-level pusher at residente ng Libis Baesa.
          Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga tauhan ni P/Major Jeraldson Rivera, hepe ng DDEU, ikinasa nila ang buy bust operation sa koordinasyon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
          Dakong alas-3:59 ng madaling araw nang dambahin ng mga operatiba ng DDEU ang suspek matapos tanggapin ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer, kapalit ng isang sachet ng shabu sa kanto ng Makaneneng at Bukidnon Sts., Barangay 153.
          Sa report ni Major Rivera kay NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan, nakumpiska nila sa mga suspek ang humigi’t kumulang 36 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price value na P244,800.00 at buy-bust money.
          Kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isinampa ng DDEU laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)