• April 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak, parokyano sa drug-bust sa Caloocan

UMABOT sa mahigit P.1 milyong halaga ng shabu ang nasamsam sa isang tulak na itinuturing bilang High-Value Individual (HVI) at sa parokyano nito nang maaresto ng pulisya sa buy bust operation sa Caloocan City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang mga suspek sa sina alyas “Daboy”, 26, (HVI) at alyas “Noel”, 52, driver.

Ikinasa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Caloocan Police sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables ang buy bust operation laban kay alyas Daboy, sa koordinasyon sa PDEA nang magpositibo ang natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y pagbebenta nito ng shabu.

Nang tanggapin umano ni ‘Daboy’ ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga operatiba kasama ang kanyang parokyano na si alyas Noel sa Villa Maria St, Brgy 2, alas-3:48 ng hapon.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 20.99 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P142,732, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang 12 pirasong P1,000 boodle money at P200 cash.

Ayon sa pulisya, na-inquest na ang mga suspek para sa kasong paglabag sa R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)