• October 29, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tulak ng droga, arestado sa buy bust sa Valenzuela 

TIMBOG ang isang hinihinalang tulak ng ilegal na droga nang kumagat sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, kamakalawa ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, kinilala ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento ang suspek na si alyas “Jonjie”, 45, (SLI/pusher) ng Brgy., Balangkas.

Lumabas sa imbestigasyon ni PMSg Ana Liza Antonio na isinagawa ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Lt. Sherwin Dascil ang buy bust operation sa koordinasyon sa PDEA kasunod ng natanggap na impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ni alyas Jonjie.

Hindi na nakapalag ang suspek nang arestuhin ng mga tauhan ni Lt. Dascil matapos bintahan umano ng P7,500 halaga ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer dakong alas-11:50 gabi sa kanto ng Kabesang Imo at Bignay Streets, Barangay Balangkas.

Nakumpiska sa kanya ang humigi’t kumulang 10 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P68,000, buy bust money na isang tunay na P1,000 bill at pitong P1,000 boodle money, cellphone , coin purse at P100 cash.

‎‎

Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)