Transport NewsLasacmar
- Published on June 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
Manifesto inihain ng mga publishers sa LTFRB
NAGHAIN ng isang manifesto ang mga hanay ng publishers sa ilalim ng United Print and Multimedia Group (UPMG Phils) sa tanggapan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) tungkol sa pagpapahinto ng paggamit ng mga pahayagan na may general circulation upang ilathala ang mga aplikasyon at abiso ng pagdinig kaugnay sa certificate of public convenience (CPC).
Tinanggap ng LTFRB ang nasabing manifesto noong May 29, 2026 kung saan nasasaad ang mga kahilingan at concerns ng mga publishers sa gagawin pagpapatupad ng Memorandum Circular Number 2026-35 o ang tinatawag na “Dispensing with the Newspaper Publication Requirement in Application for Certificate of Public Convenience.”
Nilagdaan ang nasabing circular memorandum noong May 12, 2026. Hindi naman tutol ang mga publishers sa nasabing circular kung ang layunin ay makakabuti sa publiko subalit dapat man lamang ay binigyan sila ng pagkakataon na magkaroon ng isang audience ang mga samahan ng hanay ng mga publishers upang dinggin at pakinggan ang kanilang opinyon. Nabigla na lamang ang kanilang samahan ng lumabas ang nasabing press release na hindi na kailangan ang paglathala ng mga notices at aplikasyon sa pahayagan.
“We were caught unaware of the forthcoming Memorandum Circular Number 2026-35. We have not received any information that the LTFRB had a plan to implement such rule. The LTFRB should have came up with a win-win solution where the public will benefit and at the same time we, the publishers, will remain in business. They have forgotten that employees of our publication will be affected,” saad ni president UPMG Vivienne Motomal.
Ayon kay Motomal hindi naman sila ang nagiging dahilan kung bakit minsan ay nababalam ng pagbibigay ng affidavit ng publication. Ito ay dahil na rin sa 7 days minsan binibigay ng LTFRB o ng operator ang notice na dapat ay 5 days bago ang hearing. Subalit kung nakuha agad ng publication sa tamang araw ay madali at agad itong may aksyon. Dagdag ni Motomal na minimal lamang naman ang binabayad ng mga operator kung sila ay magpapalathala sa kanilang mga pahayagan. Subalit kung babayad din ang isang operator sa paggamit ng mga portals o website sa paglathala ng mga notices ay mawawalang saysay din ang hangad ng pamahalaan na mabigyan ng libre at walang gastos ang publiko.
Sinabi ng LTFRB na maglalagay sila ng isang technology systems at iba pang digital platform upang magkaroon ng real-time, searchable, at accessible na impormasyon ang publiko. Dahil sa nasabing usapin ay humihingi pa rin ng audience ang mga publishers kay LTFRB chairman Vigor Mendoza II kahit lumabas na ang nasabing memorandum circular. Sa pagkakataong ito ay nais nilang maglabas ng mga saloobin at suhestyon kung mamarapatin ng pamunuan ng LTFRB sa pangunguna ni Mendoza. Nakalagay at nakasaad sa nasabing memorandum ay lahat ng aplikasyon na inihain sa Central Office at Regional Franchising and Regulatory Offices (RFROs) ay saklaw ang mga bagong CPCs, Extension of Validity of CPCs, Transfer of CPC, Modification/Amendments of CPC, Consolidation of CPC, Change of Name, Change of Party Applicant, at iba pang CPC na aplikasyon. (LASACMAR)