Total ban sa online gambling pinamamadali ng Mamamayang Liberal Party List
- Published on August 2, 2025
- by @peoplesbalita
ANONG petsa na? Total ban, now na!
Ito ang pahayag ni Mamamayang Liberal Party List Leila de Lima kasabay ng muling panawagan na ipagbawal ang lahat na uri ng online gambling kasunod na rin sa gagawing imbestigasyon ng Senate Committee on Games and Amusement sa susunod na linggo ukol sa pagkalat ng online gambling
“Clearly, online gambling is a growing menace that should be stopped and banned immediately. Ano pa bang hinihintay natin? Ang lumala pa ang pagkasira ng mga buhay at pagkawasak ng mga pamilya dahil sa online gambling? Anong petsa na? Ipatigil na ‘yan!” ani De Lima.
Ikinalungkot ng mambabatas na hindi man lamang naisama sa 4th State of the Nation Address of ni Pangulong Bongbong sa isyu ng online gambling sa kabila ng lumalaking panawagan laban dito.
“Patay malisya sa online gambling na maraming winasak na pamilya, at pinaguguho ang moralidad natin bilang bayan, pati na ang kinabukasan ng kabataan. Patuloy pa ba nating isusugal ang mga ito sa hindi pagpapatigil ng online gambling?” pagtatanong pa ng mambabatas.
Bilang bahagi ng priority measures, inihain De Lima ang House Bill No. 2129 o “Anti-Online or E-Gambling Act” na naglalayong i-ban ang lahat ng uri ng online gambling.
Sa ilalim ng panukala, ang mga establishment, operation, maintenance ng online gambling platforms; promotion, advertisement, endorsement, o distribution ng materials sa online gambling sa pamamagitan ng traditional media at digital platforms; online payments, electronic wallets, fund transfers, o withdrawals o iba pang uri ng digital payments na may kaugnayan sa online gambling, at linking e-wallets and mobile applications sa online gambling platforms, at iba pang aktibidades na naglalaan ng access at pasilidad sa online gambling ay ipagbabawal.
“Ngayon pa lang, gawin na natin ang tama, hindi yung kung saan lang mas kikita ang gobyerno, bago pa milyon-milyon ang malulong sa sugal at masirang pamilya, pag-aaral, mental health, pangarap at kinabukasan,” pagtatapos ni de Lima.
(Vina de Guzman)