• June 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Top most wanted person ng Valenzuela, nasilo sa Oriental Mindoro

TIKLO ang 21-anyos na helper na wanted sa kaso ng Robbery at Acts of Lasciviousness sa Lungsod ng Valenzuela nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa lalawigan ng Oriental Mindoro.

Sa ulat ng tanggapan ng Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili, ang akusado na residente ng Brgy., Bignay, Valenzuela City ay nakatala bilang No. 10 sa Top Ten Most Wanted Person sa Valenzuela CPS.

Nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento na nagtatago ang akusado sa nasabing lalawigan nang tumakas umano ito makaraang malaman na mayroon na siyang warrant of arrest.

Kaagad nakipag-koordinasyon ang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela CPS sa local police units bago ikinasa ang operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa akusado sa Barangay Zone 2, Pola, Oriental Mindoro.

Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang arrest warrant na inilabas ng Regional Trial Court Branch 285, at Metropolitan Trial Court Branch 81, kapwa ng Valenzuela City para kasong Robbery at Acts of Lasciviousness. (Richard Mesa)