• June 9, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

TNVS driver, pinagbabaril ng pasahero sa Caloocan, dedbol

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng isang driver ng transport network vehicle service (TNVS) matapos pagbabarilin ng kanyang pasahero na nagpahatid sa kanya sa Caloocan City.

Dead-on-the-sopt sanhi ng tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang 37-anyos na biktimang residente ng Merry Land Homes Subdivision, Brgy. 172, Caloocan City.

Nakapiit naman at nahaharap sa kasong Murder ang 43-anyos na suspek matapos maaresto sa follow-up operation ng mga tauhan ni Caloocan City Police Chief P/Col. Joey Goforth sa kanyang tirahan sa Brgy. Muzon, San Jose Del Monte City sa Bulacan.

Sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente ng pamamaril sa biktima sa Phase 4B Pkg 8, B81, L11, Brgy. 176, Bagong Silang.

Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na bago nangyari ang pamamaril, noong Linggo ng alas-3:15 ng madaling araw, dinala ng mga tauhan ng Barangay 188 ang suspek sa Tala Police Sub-Station 14 dahil nawawala umano ang lalaki at hindi alam kung papaano makakauwi.

Para matulungan, nagpa-book ng Grab ride ang pulisya na tinugunan ng biktima subalit, pagsapit sa nasabing lugar ay pinagbabaril ng suspek ang biktima sa hindi nabatid na dahilan.

Wala namang ibinigay na pahayag ang suspek sa pulisya kung ano ang motibo niya sa ginawang pamamaslang sa biktima. 

(Richard Mesa)