• April 27, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tiniyak ng Malakanyang: ‘No sacred cows’ sa imbestigasyon ukol sa budget insertions

IGINIIT ng Malakanyang na hindi nito hahadlangan ang anumang imbestigasyon na magsasangkot sa ilang cabinet officials sa kontrobersiyal na insertions o pagsisingit sa 2025 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Muling inulit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ‘no sacred cows’ sa imbestigasyon.
“Ang Pangulo naman po, in general, kung sinabi dapat managot, kung sinong sangkot, dapat mapanagot… Hayaan lang po natin na mag-imbestiga rito at kung anong tutumbukin ng ebidensya, edi sampahan po ng kaso,” ayon kay Castro.
Nauna rito, napaulat na ibinunyag ni Senate Pro Tempore Panfilo Lacson na may hindi bababa sa limang cabinet secretary at ilang undersecretary ang may allocables at non-allocables sa 2025 ok qnational budget, na umaabot umano sa bilyon-bilyong piso.
Ayon kay Lacson, batay sa dokumentong mula sa kampo ni dating Department of Public Works ang Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral at mula mismo sa DPWH, kabilang sa may allocables si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at isa umanong “ES.”
“At least five. Tapos may undersecretaries. Nagulat din ako, isang nakalagay doon, ‘ES, P8 billion.’ Paano magkaroon ng allocable ang ‘ES’?” ani Lacson.
“Kay Sec. Bonoan, nakita ko ang kanyang allocables isang P5 billion, tapos may Batches 1-3 na nakakahalaga ng P25.5B – P10B, P8B, at P7.5B. Umaabot na siya ng P30.5 billion. Anong karapatan niya magkaroon ng allocables? Tapos meron ding Cabinet secretaries na meron ding tig-P2 billion. Bakit?” dagdag niya.
Ayon kay Lacson, may bilyon-bilyong allocables din para sa House leadership at ilang party-list groups. Gayundin, isa pang miyembro ng gabinete bukod kay Bonoan ang nakinabang sa kickback, batay sa pahayag ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo na naghatid umano ng pera sa opisyal.
Sinabi rin ng senador na posibleng imbitahan ang mga opisyal sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee kapag na-authenticate na ang mga dokumento, kabilang ang mga Special Allotment Release Orders (SARO) na may petsang Disyembre 27, 2024.
Ipinapakita aniya ng mga dokumentong mula sa kampo ni Cabral na may kinalaman ang mga SARO sa pagpapalabas ng P50 bilyong unprogrammed appropriations, kung saan P30 bilyon ang para sa flood control projects, at marami sa mga ito ang napatunayang “ghost projects.”
Bago pumanaw, inihayag din umano ni Cabral na handa siyang tumestigo hinggil sa mga SARO. Ngunit ayon kay Lacson, maaaring ipa-authenticate ang mga dokumento kay Budget Officer-in-Charge Rolando Toledo o sa DPWH mismo.
“Ang pinagbabasehan ko lang ang hawak bigay sa akin ng lawyer ni Usec Cabral at ibang documents nakuha ko sa DPWH. Pwede ko pa-authenticate sa kanila ‘yan. Bakit magkaroon ng allocable ang Cabinet secretary? ‘Pag allocable, patungkol ito sa mambabatas na naghihiling ng proyekto na hindi rin dapat para sa akin… ang NEP is exclusive domain ng executive branch,” ani Lacson.
( Daris Jose)