Tambay, kalaboso pagbabanta, panunutok ng baril sa kabarangay sa Valenzuela
- Published on September 28, 2026
- by Francis Paolo Torres
LAGLAG sa selda ang 32-anyos na tambay nang tutukan ng baril at binantaang papatayin ang stainless fabricator na nag ‘Marites’ umano sa kanya na tulak sya ng droga sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Sa ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, naglalakad sa Encarnacion St. Brgy. Marulas si alyas “Rex”, 41, ng Brgy., Marulas dakong alas-5:30 ng hapon patungo sa bahay ng isang kaibigan nang masalubong niya ang kabarangay na si alyas “Jay”, malapit sa abandonadong pumping station sa lugar.
Nagulat na lamang ang biktima nang tutukan siya ng baril ni “Jay” at sinabihang papatayin dahil sa bintang na ipinagkakalat umano niya na drug pusher ang suspek.
Sa labis na takot ay nagtatakbo palayo si “Rex” hanggang makahingi ng tulong kina P/Cpl. John Melo De Paz at P/Cpl. Inglis Balagtas ng Valenzuela Police Sub-Station 3 na nagkataong nagpapatrulya sa lugar na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nasamsam sa suspek ni Cpl. De Paz ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng limang bala sa chamber at nang hanapan siya ng kaukulang dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing baril ay wala siyang naipakita.
Mahaharap ang suspek sa mga kasong Grave Threat at paglabag sa R.A 10591 o ang Comprehensive Law on Firearm and Ammunition sa Valenzuela City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)