Tambay, isinelda sa pagbabanta at panunutok ng baril sa lola
- Published on May 19, 2026
- by Francis Paolo Torres
KALABOSO ang 39-anyos na kelot nang tutukan ng baril at pagbantaan papatayin ang 59-anyos na lola makaraan ang mainitang pagtatalo sa Valenzuela City.
Mahaharap sa kasong Grave Threats at paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunation Regulation Act ang suspek na si alyas “Boy”, ng Brgy., Balangkas.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, kinompronta ng suspek ang biktima hinggil sa umano’y utang at kumakalat na tsismis laban sa kanya na naging dahilan ng kanilang pagtatalo.
Sa gitna ng pagtatalo, pinagbantaan umano ng suspek ang biktima na papatayin bago naglabas ng baril at itinutok sa lola na sa labis na takot ay nagtatakbo palayo at humingi ng tulong sa mga tauhan ng Police Sub-Station 5 na nagsasagawa ng covert monitoring sa lugar.
Kaagad namang rumesponde ang mga pulis na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek at nakumpiska sa kanya ang isang caliber .45 pistol na napag-alaman na isang gun replica.
Pinuri naman ni Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Benliner Capili ang arresting team sa kanilang mabilis na pagresponde na nagresulta sa agarang pagkakaaresto sa suspek na bahagi aniya ng pangako ng NPD upang pangalagaan ang komunidad sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan. (Richard Mesa)