• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Successor ni VP Sara sakaling ma-impeach ito, maaga pa para pag-usapan

MAAGA pa para pag-usapan kung sino ipapalit kay Vice President Sara Duterte kung sakaling tuluyan siyang matanggal sa puwesto sa pamamagitan ng impeachment.

 

Ayon kay House Assistant Majority Leader Jil Bongalon ng Ako Bicol Party-list at miyembro ng House prosecution panel, hindi napag-usapan ng mga mambabatas na sumuporta sa impeachment ang usapin ukol sa succession.

 

Iginiit nito na mas pinagtuunan ng pansin ng mga mambabatas ang impeachment trial sa halip na anumang potensiyal na political gains.

 

“I guess for me that is a premature issue that has to be tackled kasi wala pa nga tayo dun sa impeachment trial. So siguro we’ll cross the bridge when we get there once we are able to prosecute and secure a conviction of the Vice President,” ani Bongalon.

 

Aniya, wala sa naging talakayan nila na nasambit ang isyu kung sino ang ipapalit sa vp kung sakaling ma-convict ito sa impeachment case.

 

“And then sa pag-iikot din namin sa pakikipagkwentuhan sa mga kasamahan, wala nag-signify. No one is volunteering himself or herself to be the successor or to become the Vice President,” dagdag niya.

 

Ang pahayag na ito ni Bongalon ay bilang reaksyon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na tatanggihan niya ang posisyon ng vp kung sakaling ialok sa kanya ang posisyon kapag napatalsik si Duterte.

 

Inamon din ni Escudero ang mga miyembro ng House of Representatives na sumuporta sa na gawin din ang ganitong commitment.

 

Iginiit naman ng Kongresista na sa ilalim ng konstitusyon, nasa pangulo ang prerogative na mag-nominate ng bagong Vice President, na aaprubahan naman ng dalawang kapulungan ng kongreso, a magkahiwalay na botohan.

 

Una nang ini-impeach ng kamara si Duterte dahil sa iba’t ibang akusasyon kabilang na ang umano’y misuse of confidential funds at pagbabanta sa ilang mataas na opisyal kabilang na kay Presidente Bongbong Marcos.

(Vina de Guzman)