Solidong Gilas sa 2023 FIBA World Cup — Reyes
- Published on June 6, 2022
- by @peoplesbalita
NANGAKO kahapon si Gilas Pilipinas program director Chot Reyes na isang solidong national team ang maglalaro sa 2023 FIBA World Cup.
Ito ay matapos ang silver-medal finish ng Nationals sa nakaraang 31st Southeast Asian Games kung saan sila tinalo ng Indonesia para sa gold medal sa Hanoi, Vietnam.
“We will put together the best team possible for August 2023,” wika ni Reyes sa ‘Power and Play’ program ni Noli Eala.
Natanggal sa Pinas ang SEA Games men’s basketball crown matapos ang 33 taon dahil sa pagkatalo sa Indonesia na nagparada ng isang dating NBA forward.
Ngayon ay tututukan ni Reyes at ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) ang preparasyon sa FIBA World Cup, nakatakda sa Agosto ng 2023, simula sa third window ng Asian qualifiers.
Haharapin ng Gilas, hahawakan ni Serbian coach Nenad Vucinic at pamununuan nina Thirdy Ravena at Dwight Ramos kasama ang mga collegiate stars, ang New Zealand sa Hunyo 30 sa Auckland.
Sunod nilang lalabanan ang India sa Hulyo 3 sa MOA Arena.
Bukod sa FIBA WCA World qualifiers ay sasabak din ang Gilas sa 2022 FIBA Asia Cup sa Hulyo 12-24 sa Indonesia.