• September 30, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

SkillPass ng DOLE, layong palakasin ang TUPAD

PINALALAKAS ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) sa pamamagitan ng SkillPass, na nagdo-dokumento at nagbe-beripika sa mga kasanayang nakukuha ng mga benepisyaryo sa programa.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na bahagi ito ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang tugunan ang agarang pangangailangan sa kita habang pinalalawak ang access ng mga manggagawa sa skills development, employment at livelihood opportunities.

“Malinaw po ang mensahe na nais iparating ni Pangulong Marcos Jr. Ang mga hakbang na ito ay nagpapakita ng pagtutok sa kita, trabaho, at skills ng manggagawa – mula sa agarang dagdag-sahod, hanggang sa pagbuo ng kakayahang makanahap ng mas sustainable na trabaho o kabuhayan,” ani Castro.

Sa ilalim ng Department Order No. 239-E, series of 2026, ido-dokumento at ive-verify ang mga kasanayang nakukuha ng beneficiaries sa kanilang TUPAD work experience. Maaari itong maging batayan sa pagkuha ng skills training at certification, paghahanap ng formal employment at pag-access sa livelihood opportunities.

Sa ganitong paraan, nagagamit ang temporary work experience sa TUPAD bilang tulay patungo sa mga susunod na oportunidad na tumutugma sa kasanayan ng bawat benepisyaryo.

Kabilang sa mga prayoridad na larangan ang agriculture, digital services, green construction, care work, food service, transport at equipment maintenance, gayundin ang iba pang in-demand occupations sa national at local level.

Ipinatutupad ang SkillPass kasabay ng iba pang hakbang ng pamahalaan para palawakin ang trabaho at kabuhayan, kabilang ang Php60 daily minimum wage increase sa National Capital Region na naging epektibo noong Sept. 26.

Tinatayang nasa 1.1 milyong minimum wage earners ang nakikinabang sa wage increase. 

(DARIS JOSE)