• June 3, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sen Jinggoy Estrada sumuko sa CIDG sa kasong plunder sa flood control

TUMANGGI si Sen. Jinggoy Estrada na humiling ng Senate custody matapos maglabas ang Sandiganbayan ng arrest warrant laban sa kanya kaugnay ng non-bailable plunder case na may kinalaman sa umano’y kickbacks mula sa flood control projects.

Sa isang press conference sa Senado, sinabi rin ni Estrada na isusuko niya ang kanyang suweldo bilang senador habang dinidinig ang kaso.

Ayon sa kanya, nais niyang mapanatili ang kanyang independensya at ipakitang wala siyang nakukuhang pakinabang mula sa pondo ng bayan habang nililinis niya ang kanyang pangalan.

Ang warrant ay kaugnay ng umano’y P573-milyong flood control projects na may bahid ng umano’y kickback schemes.

Ito na ang ikalawang warrant na inilabas laban kay Estrada sa loob lamang ng apat na araw.

Nauna nang nagbayad siya ng piyansa para sa kasong graft, ngunit ang bagong kasong plunder ay hindi pinapayagan ng batas na piyansahan.

Matapos ang briefing, nagtungo si Estrada sa police headquarters na Camp Crame para sa processing ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police.

Sa kanyang pahayag, iginiit ni Estrada na hindi niya gagamitin ang Senado bilang panangga laban sa mga alegasyon.

Aniya, karapatan niyang maghain ng motion for reconsideration dahil kamakailan lamang niya natanggap ang Ombudsman Resolution.

Dagdag pa ng senador, umaasa siya sa patas na pagtrato, due process, at pagiging walang kinikilingan sa pagdinig ng kaso.

Ito na ang ikatlong beses na nahaharap si Estrada sa kasong plunder.

Una noong jueteng case kasama ang kanyang ama, dating Pangulong Joseph Estrada, kung saan siya ay na-acquit noong 2007.

Ikalawa noong PDAF case kung saan siya ay naabsuwelto noong 2024.

Sa kasalukuyan, nakataya ang kalayaan ng Senado laban sa tinatawag ni Estrada na “political coercion.”

Samantala, ang muling pagsuko ng senador ay nagdadagdag sa kontrobersiya sa imahe ng mga mambabatas na nasasangkot sa malalaking kaso ng katiwalian. 

(DARIS JOSE)