SEGURIDAD NI MARCOLETA SA PGH, HINIGPITAN
- Published on July 15, 2026
- by Francis Paolo Torres
MAHIGPIT ang naging seguridad kay Senator Rodante Marcoleta nang dumating kahapon ng tanghali sa Philippine General Hospital (PGH) para sa kanyang medical examination check up.
Guwardiyado ang senador ng mga tauhan ng Criminal Investigation Detection Group (CIDG) sa pangunguna ni CIDG-NCR Chief Col.John Guiagui nang dumating ito sa nasabing pagamutan sakay ng isang coaster.
Siya ay naka-wheelchair, protective vest at detainee shirt pero paglilinaw ni Guiagui , bahagi lamang ito ng precautionary measures upang walang masamang mangyari sa senador.
Ang pagsailalim sa medical examination kay Senator Marcoleta ay alinsunod na rin sa kautusan ng Sandiganbayan Third Division upang malaman kung kinakailangan pa niyang manatili sa PNP General Hospital at kung may kakayahan siyang humarap sa Korte bukas.
Upang maiwasan naman ang posibleng epekto sa ibang mga pasyente, nauna nang sinabi ng pamunuan ng pagamutan na naging mahigpit sila sa mga media habang isinasagawa ang pagsusuri sa senador.
Paliwanag ni PGH Director Gerardo Legaspi , pangunahing konsiderasyon nila ang kapakanan ng mga pasyente kaya dapat limitahan ang galaw sa loob ng ospital.
Una na ring sinabi ng pamunuan ng PGH na tanging ang Sandiganbayan lamang ang makakapagbigay ng mga detalye at impormasyon sa ginawang pagsusuri.
Inaasahan namang haharap sa Sandiganbayan ang mga doktor na sumuri kay Sen.Marcoleta bukas ng 8:30 ng umaga upang ipaliwanag ang resulta ng isinagawang medical evaluation.
(Gene Adsuara)