• July 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sa sama ng loob nabanggit na nakitira sa kanila ang kapatid…LOTLOT, aware na si IAN ang bukod tanging tagapagmana ni NORA (ni: REY PINEDA) 

MATAGAL nang namayapa ang Superstar na si Nora Aunor.

Subali’t hanggang sa kasalukuyan di pa rin matapus-tapos ang sinasabing alitan sa pagitan ng mga anak na naiwan nito.

Kamakailan lamang ay nag-guest si Ian de Leon sa Fast Talk With Boy Abunda.

Base sa mga tanong ni Kuya Boy, mahinahon itong sinagot ni Ian.

Deretso. Pero mukhang planado. Bagama’t seryoso, hindi namin narinig sa mga katanungan ang diretsong kasagutan.

Ang tanging natatandaan namin sa interview ay yung ibibigay niya ng ang dapat mapunta sa kanyang mga kapatid.

At ipinagdiinan nito na “time heals all wounds”. Ibig sabihin ang sugat na nalikha ng kanilang sinasabing alitan ay gagalling din sa tamang panahon.

Wala siyang ibinigay na detalye sa mga nangyari. Maging sa mga properties na naiwan ng kanilang ina.

Sa kabilang banda, napanood din namin ang pahayag ni Lotlot de Leon, at ang reaksyon nito tungkol sa nasabing guesting ni Ian. 

Sa mahabang pahayag ni Lotlot, naantig ang aming puso at damdamin. Sa kanya namin naramdaman ang tila katotohanan at sinseridad.

Nakapagbigay linaw ito at ipinagdiinan niyang wala silang hinahabol na mana, sampu ng kanyang mga kapatid na sina Matet, Kiko at Kenneth.

Binanggit din nito na binanggit niya kay Ian kung payag ba itong magbigay kung anuman ang naiwan ng kanilang ina. Hindi ito para sa pansarili niyang kapakanan. Kundi para sa kanyang mga kapatid.

Di naman kaila sa lahat na ilang taon din  na nawala si Ate Guy at nanirahan sa Amerika. Lahat ng kapatid ni Lotlot ay naiwan sa kanyang pangangalaga sa habilin na rin ng kanilan ina.

Sa sama siguro ng loob ni Lotlot, nabanggit na rin nito na kung ilang taon din tumira sa kanyang bahay si Ian. Yon yung panahon na asawa pa niya si Monching Gutierrez.

Hindi naman ito kaila sa mga fans ni Ate Guy. Naging isang huwarang ate si Lotlot sa kanyang mga kapatid.

Aware naman si Lotlot na si Ian ang bukod tanging tagapagmana ni Ate Guy. 

Kung nakapagtanong man si Lotlot ng ganun kay Ian tungkol sa mana, natural lang siguro bilang panganay siya at kapatid niya ang kanyang pinagtanungan. 

Higit sa lahat, alam niya sa kanyang sarili na kaya niyang tumayo sa sarili niya mga paa. May career siya. Hindi rin naman matatawaran ang abilidad niya kung pag-arte din lang ang pag-uusapan.

Malamang na ang gustong bigyang pansin ni Lotlot ay ang kapakanan ng tatlo niyang kapatid. Ang kinabukasan ng mga ito. 

Kung totoong gusto ni Ian na ibigay ang sa pakiramdam niya ay nararapat para sa kanyang mga kapatid, kailangan ba ang legalities?

Aminado naman ang mga kapatid nitong siya ang solong tagapagmana. Hindi kaya maganda kung siya na mismo ang magdesisyon na kusang loob na ibigay kung ano ang gusto niyang ibigay para sa mga ito? 

At kung totoong wala siyang intensyong angkinin ang lahat ng pag-aari ng kanilang ina, hindi ba dapat hindi na ito dumaan sa legalidad. 

HIndi ba sapat na puso ang magdikta sa kanya para tuluyan niyang maiparamdam na itinuturing niya silang mga kapatid!

Well, marami tuloy ang nagsasabing totoo nga… pera ang nagpapabago sa maraming tao.