Sa backdoor dumaan…Pagkakalabas ng bansa ni Atong Ang, kinumpirma ni Remulla
- Published on October 22, 2026
- by Francis Paolo Torres
SINABI ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi niya maisisiwalat sa publiko ang napag-usapan nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla hinggil sa sinasabing nakalabas na ng bansa ang negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, itinuturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.
“Sa ngayon hindi ko masasabi kung anong napag-usapan nila ng Pangulo at kung anuman ang operasyon na isasagawa ng DILG at saka iba nating mga law enforcers ito ay isang operasyon na hindi ko maisisiwalat sa publiko,” ayon kay Castro.
Aniya pa, kailangang maimbestigahan muna ang nasabing pagkakalabas ni Atong Ang ng bansa para malaman kung saan nagkaroon ng lapses, sino ang dapat na managot at kung sino ang pangunahing salarin.
“Tingnan po natin at sa ngayon ay dapat malaman natin, maimbestigahan kung talagang may lapses. So, may mga tao talaga na mabibilis tumakbo at hindi naman ito ang unang pagkakataon na tumakas itong si Atong Ang – noong unang nakasuhan din ito, nakaalpas din ito agad-agad,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na may pagkakataon kasi aniya na kung wala naman warrant of arrest ay hindi mapipigilan ang taong magbiyahe.
“Kung ikaw man ay naakusahan, may kasong pending habang iniimbestigahan, kung ikaw ay tumalilis na at nagpunta sa ibang bansa ay hindi natin masisi ang gobyerno dahil karapatan ng bawat sinuman kung wala pang warrant of arrest at wala pang hold departure order na nai-issue ang korte hindi mo basta-basta mapipigilan ang tao dahil mayroon naman silang freedom of movement,” litaniya ni Castro.
Kaya , binabalanse aniya ang karapatan ng bawat tao, binabalanse rin ang obligasyon at responsibilidad ng bawat opisyal.
“So, hindi natin masasabi na mayroon agad culprit, mayroon agad nagpabaya. So, hayaan na natin muna kung papaano ito iimbestigahan para malaman natin kung sino ba talaga ang may pagkukulang” anito.
Nauna rito, kinumpirma ni Remulla na nakalabas na ng bansa ang negosyanteng si Atong Ang, na itinuturong utak sa pagkawala ng ilang sabungero.
“Backdoor siya dumaan,” sabi ni Remulla sa press briefing nitong Martes.
Noong Hulyo, sinabi ng Philippine National Police (PNP) na bineberipika pa nito ang mga ulat na nakalabas na ng bansa si Atong Ang.
Nahaharap si Atong Ang sa mga kasong kidnapping with homicide, gayundin sa kidnapping at serious illegal detention sa mga korte sa Sta. Cruz, Laguna; Lipa, Batangas; at San Pablo, Laguna.
( DARIS JOSE)