• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

River wall nasira… Navotas LGU, naglunsad ng rescue operation at evacuation efforts

INILUNSAD ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang rescue operation at evacuation efforts sa mga residenteng nakatira sa Celestino St., Brgy. San Jose, dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig baha na dala ng high tide na sinamahan pa ng patuloy na pagbuhos ng ulan.

Ito’y matapos masira ang pader ng isang pribadong kompanya sa nasabing lugar na dahilan upang rumagasa ang malakas na agos ng tubig patungo sa mga kabahayan kaya mabilis na lumikas ang mga residente.

          Pinangunahan mismo ni Mayor John Rey Tiangco ang pag-rescue at pagpapalikas sa mga pamilyang apektado ng pagtaas ng tubig, katuwang ang disaster response team ng lungsod, Navotas Police, Maritime Police, AFP at iba pang rescue volunteers.

          Nabatid na kahit walang ulan ay apektado sa baha ang ilang lugar sa lungsod dahil nakakapasok ang tubig dagat tuwing high tide bunga ng hindi pa rin naayos ang Tangos-Tanza Navigational Gate na siyang pumipigil sa tubig pag high tide.

          Pagbabayarin umano ng pamahalaang lungsod ang kompanyang nagmamay-ari ng nasirang pader habang pinaalalahanan ni Mayor Tiangco ang lahat na nakatira sa tabing-dagat o ilog na lumikas na para sa kaligtasan ng kanilang pamilya.

Tuloy-tuloy din ang isinasagawang libreng sakay ng pamahalaang lungsod sa mga rutang lubhang apektado para matulungan ang mga stranded na commuter, gayun din ang relief operations at serbisyong pangkalusugan sa mga evacuation center. (Richard Mesa)