• November 18, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Riot ng mga kabataan, 14-anyos sapul ng bala sa noo, tigok 

NASAWI ang 14-anyos na teenager matapos tamaan ng bala sa noo sa nangyaring riot ng mga kabataan sa Caloocan City.

Batay sa ulat ng tanggapan ni Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Benliner Capili, naganap ang insidente ng riot ng mga kabataan ala-1:50 ng Biyernes ng madaling araw sa kahabaan ng C3 Road Railway, Brgy. 49.

Nakarating lang sa kaalaman ng Caloocan Police ang insidente nang tumawag sa police station ang security personnel ng Caloocan City Medical Center (CCMC) at ipaalam na may menor-de-edad na isinugod sa kanilang pagamutan matapos magtamo ng tama ng bala sa noo.

Sa pahayag na inilabas ng Caloocan Police Station, tukoy na nila ang pagkakakilanlan ng walong indibiduwal na kabilang sa grupong sangkot sa insidente, kabilang na ang ang suspek na umano’y gumamit ng improvised pen gun na naging sanhi ng pagkamatay ng biktima.

Nagsasagawa na anila sila ng malawakang operasyon at intelligence driven manhunt upang matunton ang kinaroroonan ng mga suspek at maisa-ilalim sa kostodiya ng batas.

Tinitiyak naman ng NPD sa publiko na nananatili silang nakatuon sa pagtiyak ng isang patas, walang kinikilingan, at transparent na imbestigasyon habang pinoprotektahan ang mga karapatan at kapakanan ng lahat ng sangkot na indibidwal, lalo na ang mga menor de edad.

Nanawagan din ang NPD sa publiko na iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon o haka-haka na maaaring makasira sa patuloy na imbestigasyon. Hinihikayat ang sino mang may-impormayon na makipag-ugnayan sa Caloocan City Police Station upang tulungan ang mga awtoridad sa pagtukoy ng katotohanan. (Richard Mesa)