• October 16, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

RESOLUSYON NG SUPREME COURT SA KASO NI JOSEPH SY IGINAGALANG NG BI

IGINAGALANG ng Bureau of Immigration (BI) ang resolusyon ng Supreme Court na nag-uutos sa pagpapalaya kay Joseph Sy matapos matugunan ang mga kondisyong itinakda ng Korte.

Nilinaw ng BI na ang kasong nakabinbin sa Supreme Court ay isang apela kaugnay ng Habeas Corpus Petition ni Sy, na tumatalakay lamang sa legalidad ng kanyang pagkakadetine at hindi sa pinal na pagpapasya sa kanyang pagkamamamayan.

Nakikipag-ugnayan ang BI sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Solicitor General (OSG) upang matiyak ang maagap at maayos na pagpapatupad ng kautusan ng Korte.

Binigyang-diin ng BI na ang kautusan ng Supreme Court ay tungkol sa pagpapalaya kay Sy mula sa kustodiya habang nagpapatuloy ang mga proseso sa hukuman.

Hindi ito nangangahulugan ng pinal na desisyon sa mga usapin tungkol sa kanyang pagkamamamayan at pagkakakilanlan.

Ayon sa BI, isinagawa nito ang imbestigasyon alinsunod sa legal na mandato nitong suriin ang mga usapin hinggil sa immigration status, pagkakakilanlan, at mga dokumentong nagpapatunay ng pagkamamamayan.

Ang mga legal na isyung nagmula sa naturang imbestigasyon ay nananatiling nakasalalay sa pagpapasya ng hukuman.

Patuloy na makikipag-ugnayan ang BI sa DOJ at OSG para sa mga nararapat na legal na hakbang, alinsunod sa mga direktiba ng Supreme Court.

Muling iginiit ng BI ang pangako nitong itaguyod ang batas, igalang ang kapangyarihan ng hudikatura, at tapat na isakatuparan ang mandato nitong pangalagaan ang integridad ng sistema ng imigrasyon ng bansa. (Gene Adsuara)