Reporma sa pagbabalangkas ng 2027 national budget, ipatutupad
- Published on August 3, 2026
- by Francis Paolo Torres
NANGAKO ang mga mambabatas na ipapatupad nila ang reporma sa pagbabalangkas ng 2027 national budget at sisiguraduhin ito na walang masasayang na pera sa kaban ng bayan at mapupunta ito sa dapat tustusan, ayon kay Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III.
Sa isang press briefing matapos ang launching ng LegisHear sa Isabela, sinabi ni Dy na ang susunod na spending program ng 2027 ay magiging “responsive, accountable, and focused on the needs of the Filipino people.”
Aniya, nakahanda na ang mga mambabatas na talakayin ang P7.2 trillion National Expenditure Program (NEP), na inaasahang ipasa sa Ehekutibo bago Agosto 14.
“Sa tingin ko, lalo pa nating bibigyan ng mahahalagang security measures upang matiyak na ang ating ipapasa na 2027 budget ay talagang maayos,” sinabi ni Dy.
Nagpatupad ang Kamara ng reporma sa proseso ng budget deliberations, kabilang ang transparency o mas malinaw na proseso sa appropriations tulad ng Budget Amendments and Review Subcommittee (BARSc) at livestreaming ng budget bicameral committee deliberations.
(VINA de GUZMAN)