Rehabilitasyon ng Lagusnilad, tapos na
- Published on November 29, 2023
- by @peoplesbalita

smart
MATAPOS ang anim na buwan na rehabilitasyon, binuksan na rin ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang Lagusnilad kahapon araw ng Martes.
Isang maigsing programa ang isasagawa ng lokal na pamahalaan dakong alas-8:30 ng umaga na dadaluhan din ng mga opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatuwang sa pagsasaayos sa naturang kalsada.
Matatandaan na isinara sa trapiko ang Lagusnilad noong Mayo 2 para sa rehabilitasyon dahil sa malalalim na lubak na nagdudulot ng maraming aksidente.
Unang sinabi ng lokal na pamahalaan na aakuin nila ang gastos sa rehabilitasyon kahit na nasa hurisdiksyon ito ng DPWH. Naglabas ang pamahalaang lungsod ng Maynila ng P50 milyong pondo at P25 milyon naman ang DPWH para magkatuwang na isaayos ang Lagusnilad.
Inaasahan na makakatulong sa mabigat na trapiko ang pagbubukas ng kalsada ngayong papasok ang panahon ng Kapaskuhan, ayon pa sa lokal na pamahalaan. (Gene Adsuara)